Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Si Jehova ba at si Jesus ang tinutukoy sa Kawikaan 30:4, na nagtatanong: “Ano ang kaniyang pangalan at ano ang pangalan ng kaniyang Anak?”
Ipinakikita ng talatang ito ang limitasyon ng tao kung ihahambing sa Kataas-taasan. Ang mga tanong retoriko nito ay maaaring itanong tungkol sa kaninumang tao, subalit ang mga tanong na ito ay dapat umakay sa isang makatuwirang tao upang makilala ang Maylikha.
Ang manunulat na si Agur ay nagtanong: “Sino ang umakyat sa langit upang bumaba doon? Sino ang tumipon ng hangin sa palad ng kaniyang kamay? Sino ang bumalot ng tubig sa kaniyang kasuotan? Sino ang nagpaangat sa lahat ng mga wakas ng lupa? Ano ang kaniyang pangalan at ano ang pangalan ng kaniyang anak, kung alam mo?”—Kawikaan 30:1, 4.
Walang di-sakdal na tao ang nakaakyat sa langit at bumalik na taglay ang walang hanggang karunungan; wala rin namang sinumang tao na may abilidad na masupil ang hangin, ang dagat, o ang likas na mga puwersang humuhubog sa lupa. Kaya sa totoo, si Agur ay saka nagtatanong, ‘Alam mo ba ang pangalan o angkan ng sinumang tao na nangahas sa bagay na ito?’ Ang sagot natin ay wala.—Ihambing ang Job 38:1–42:3; Isaias 40:12-14; Jeremias 23:18; 1 Corinto 2:16.
Samakatuwid, ay sa labas ng larangan ng kinabubuhayan ng tao dapat tayong humanap ng isa na may kapangyarihan na makapupong higit sa tao at nakasusupil ng likas na mga puwersa. Gayunman, hindi limitado ang ating pagkatuto tungkol sa kaniya sa pamamagitan ng pagmamasid sa kaniyang mga ginawa. (Roma 1:20) Ito’y dahilan sa siya’y bumaba na, wika nga, taglay ang impormasyon tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga pakikitungo. Siya’y nagbigay ng espisipikong impormasyon. Halimbawa, ginawa niya ito nang siya’y ‘bumaba’ upang ibigay kay Moises ang Kautusan sa Bundok Sinai. (Exodo 19:20; Hebreo 2:2) Kaniya ring tinulungan ang kaniyang mga lingkod na maunawaan ang kaniyang makahulugang pangalan, na Jehova. (Exodo 3:13, 14; 6:3) Nang maglaon, kaniyang ipinakilala ang kaniyang Anak, na pinanganlang Jesus at literal na bumaba buhat sa langit na taglay ang karagdagang impormasyon tungkol sa Maylikha.—Juan 1:1-3, 14, 18.
Ito ay dapat tumulong sa lahat sa atin na sumapit sa mga ilang konklusyon: Tulad ni Agur, sa ating sariling kakayahan ay hindi natin matatamo ang tunay na karunungan. (Kawikaan 30:2, 3) At wala tayong mababanggit na pangalan ng sinumang tao na may sukdulang kapangyarihan o kaalaman. Kung gayon, tayo’y dapat mapakumbabang tumingin sa Isa na makapagbibigay ng karunungan na kailangan natin. Ito ang Kabanal-banalang Isa, na ang pangalan ay maaari nating makilala at ang Anak ay namatay upang tayo’y tubusin at magtamo ng buhay na walang hanggan.—Mateo 20:28.