AKRABIM
[Mga Alakdan].
Isang pataas na dalisdis o sampahan sa TS hanggahan ng Juda na naging isa sa mga hangganan nang hati-hatiin ang Canaan sa mga Israelita. (Bil 34:4; Huk 1:36) Ito ay mga 29 na km (18 mi) sa TK ng timugang dulo ng Dagat na Patay at malapit sa Ilang ng Zin. Ipinapalagay na ang lugar na ito ay ang makabagong-panahong Naqb es-Safa (Maʽale ʽAqrabbim), kung saan ang daan mula sa Beer-sheba patungong Araba ay matarik paglusong sa Wadi Murra (Nahal Zin). Maaaring hinango ang pangalang ito sa napakaraming alakdan sa disyertong lupaing ito o marahil ay sa paulit-ulit na pagkurba ng daan na parang buntot ng alakdan. Maliwanag na isa itong sinaunang ruta na ginagamit noon pababa sa Edom at sa T patungong ʽAqaba sa Gulpo ng ʽAqaba.