AMMONIM, MGA
[Ang mga Bayan].
Sa 2 Cronica 20:1, may binabanggit ang tekstong Masoretiko na ilan sa mga “Ammonim [sa Heb., ʽAm·moh·nimʹ]” na sumama sa mga anak ni Moab at ni Ammon upang makipagdigma kay Jehosapat na hari ng Juda. Isinisingit ng King James Version ang salitang “iba” upang ang teksto ay basahing, “ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at kasama nila ang iba maliban pa sa mga Ammonita,” samantalang isinasalin naman ng ilang salin ang nabanggit na parirala bilang “ilan sa mga Ammonita” (MR, JP, Dy) o “iba sa mga Ammonita” (AS-Tg), bagaman waring hindi ito makatuwiran dahil binanggit na sa talata ang mga Ammonita. Itinuturing ng Biblia Hebraica Stuttgartensia (tlb) at ng karamihan sa makabagong mga salin (Ro, Mo, AT, RS, JB) na ang tekstong ito ay tumutukoy sa mga Meunim sa 2 Cronica 26:7. Batay sa pangmalas na ito, diumano’y nagkapalit ang unang dalawang katinig (מע) ng Hebreong Meʽu·nimʹ, anupat naging ʽAm·moh·nimʹ, dahil sa pagkakamali ng eskriba. Ang pag-uugnay na ito sa mga Meunim ay maaari ring dahil binanggit sa huling bahagi ng ulat tungkol sa pakikipaglaban kay Jehosapat na ang “bulubunduking pook ng Seir” (sa halip na “mga Ammonim”) ay kasama ng mga hukbong Ammonita at Moabita. (2Cr 20:10, 22, 23) Ginamit ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang salitang Griego ring iyon (Mi·naiʹon) bilang salin ng terminong Hebreo sa 2 Cronica 20:1 gaya ng ginawa nila sa mga tekstong tumutukoy sa mga Meunim, anupat ipinakikitang kinikilala nila na magkapareho ang mga iyon.—Tingnan ang MEUNIM, MGA.
Gayunman, yamang hindi matiyak ang bagay na ito, minabuti ng ilang tagapagsalin, gaya ni Isaac Leeser at ng mga tagapagsalin ng New World Translation, na tumbasan na lamang ng transliterasyon sa Ingles ang terminong ito, sa gayon ay pinanatili ang pananalita ng tekstong Masoretiko.