ASAN
[posible, Usok].
Isang lunsod sa Sepela o rehiyon ng mabababang lupain ng Juda. Bagaman ito’y orihinal na nakaatas sa Juda, nang maglaon ay ibinigay ito sa Simeon, sapagkat masyadong malaki ang teritoryo ng Juda. (Jos 15:42; 19:7, 9; 1Cr 4:32) Mula sa Simeon, napasalin ito sa Levitang pamilya ng mga Kohatita. (1Cr 6:54, 59) Binabanggit sa 1 Samuel 30:30 ang “Borasan” bilang isa sa mga lunsod sa rehiyon na pinadalhan ni David ng mga samsam pagkatapos ng tagumpay niya laban sa mga Amalekita, at ipinapalagay ng ilan na ito ang Asan. Sa Josue 21:16, ipinakikita ang talaan ng mga lunsod na ibinigay sa mga Kohatita, na katugma niyaong nasa 1 Cronica 6:59, ngunit “Ain” ang lumilitaw sa talaan ng Josue sa halip na Asan. Bilang komento sa tekstong iyon, sinasabi ng Soncino Books of the Bible (London, 1950) na maaaring Ain-ashan ang buong pangalan ng lunsod.
Ipinapalagay ng marami na ang Asan ay ang Khirbet ʽAsan, na mga 2.5 km (1.5 mi) sa HK ng makabagong Beer-sheba, sa tabi ng Nahal ʽAshan. Naniniwala naman si Yohanan Aharoni na ang Asan ay ang Tel Bet Mirsham, na 25 km (16 na mi) sa HHS ng Beer-sheba.