ASKENAZ
1. Ang unang binanggit sa tatlong anak ni Gomer, na anak ni Japet.—Gen 10:3; 1Cr 1:6.
Sa mga akdang Judio noong panahon ng Edad Medya (at kahit pagkatapos nito), ang terminong “Askenaz” ay ikinakapit sa lahing Teutonic, partikular na sa mga taga-Alemanya. Kaya maging sa ngayon, ang mga Judiong mula sa mga bansang Germanic ay tinatawag na mga Askenazim na naiiba naman sa mga Separdim, na mga Judiong mula sa Espanya at Portugal.
2. May binabanggit sa Jeremias 51:27 na kaharian ng Askenaz na nakipag-alyansa sa mga kaharian ng Ararat at Mini laban sa Babilonya noong panahong bumagsak ito (539 B.C.E.). Yamang ipinapalagay na ang Ararat ay nasa rehiyon ng Lawa ng Van at na ang Mini (tinatawag na “Mannai” sa mga inskripsiyong Asiryano) ay nasa TS ng Lawa ng Van, malamang na ang kaharian ng Askenaz ay malapit sa mga rehiyong ito, marahil ay nasa dakong H sa lugar na nasa pagitan ng Dagat na Itim at Dagat Caspian.
Ang pangalang Askenaz ay itinuturing ng mga arkeologo na katumbas ng Asiryanong Ashguzai, ang terminong maliwanag na ikinapit sa sinaunang mga Scita sa lugar ng Dagat na Itim at Dagat Caspian. Iniuulat sa mga tapyas na cuneiform na nag-alyansa ang tribong ito at ang Mannai (Mini) nang maghimagsik sila laban sa Asirya noong ikapitong siglo B.C.E.