BET-HAKEREM
[Bahay ng Ubasan].
Isang lugar na malapit sa Jerusalem na tinukoy ni Jeremias bilang angkop na lugar para magtaas ng hudyat na apoy upang magbabala na may papalapit na mga hukbo ng kaaway mula sa H. (Jer 6:1) Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, isang distrito ng Juda ang may ganitong pangalan, at si Malkias ang “prinsipe” roon. (Ne 3:14) Dahil binanggit ang Tekoa kasama ng Bet-hakerem sa Jeremias 6:1, sinasabi ng ilan na ang Bet-hakerem ay nasa dakong T ng Jerusalem, sa pagitan ng lunsod na iyon at ng Tekoa. Ito rin ang lokasyong binanggit ni Jerome, na nabuhay noong ikaapat na siglo C.E., nang tukuyin niya ito sa pangalang Bethacharma. Kasuwato ng gayong mga pangmalas, ang iminumungkahing lugar ay ang Khirbet Salih (Ramat Rahel), 4.5 km (3 mi) sa TTK ng Temple Mount. Gayunman, sinasabi ng iba na ang pagbanggit sa Tekoa ay hindi naman nangangahulugang malapit dito ang Bet-hakerem, kaya naman mas pabor sila sa ʽAin Karim (ʽEn Kerem) (nangangahulugang “Bukal ng Ubasan”) na 7.5 km (4.5 mi) sa KTK ng Temple Mount. Ito ay nasa isang matabang lupain na may mga taniman ng olibo at mga ubasan, at nasa paanan ng Jebel ʽAli, anupat mula sa mataas na dakong iyon ay makikita ang Bundok ng mga Olibo, ang ilang bahagi ng Jerusalem, at sa dakong K, ang Dagat Mediteraneo. Ipinapalagay ng ilan na ang malalaking bunton ng bato na matatagpuan sa pinakataluktok ay ginamit noon upang pagsunugan ng mga hudyat na apoy gaya niyaong binanggit ni Jeremias.—Tingnan ang BET-CAR.