BET-HORON
Ang Mataas na Bet-horon at Mababang Bet-horon ay dalawang bayan na nasa isang estratehikong lokasyon sa sinaunang ruta na nagmumula sa Jope at sa tabing-dagat na kapatagan, paahon sa Libis ng Aijalon patungo sa Bethel o patungo sa Gibeon at Jerusalem. Sa ngayon, dalawang makabagong nayon ang matatagpuan sa mga lugar na ito, ang mataas: Beit ʽUr el Fauqa (Bet Horon ʽElyon) at ang mababa: Beit ʽUr et Tahta (Bet Horon Tahton). Sa gayon, ang Mataas na Bet-horon ay mga 16 na km (10 mi) sa HK ng Jerusalem, at ang Mababang Bet-horon naman ay 2.5 km (1.5 mi) sa KHK ng Mataas na Bet-horon, anupat ang dalawang lugar ay nasa taluktok ng mga burol.
Ang tinukoy na unang nagtayo (o nagtatag) ng mga lugar na ito ay si Seera, na anak na babae o apong babae ni Efraim. (1Cr 7:22-24) Ang mga bayang ito ay bahagi ng timugang hangganan ng tribo ni Efraim (Jos 16:3, 5), samantalang ang hangganan naman ng tribo ni Benjamin ay sinasabing umabot “sa bundok na nasa timog ng Mababang Bet-horon.” (Jos 18:13, 14) Kaya waring ang mga bayang ito ay kapuwa nasa loob ng mana ng Efraim. Nang maglaon, ang Bet-horon, marahil ay ang isa sa dalawang bayan, ay ibinigay sa mga Levita na mula sa mga anak ni Kohat.—Jos 21:20, 22; 1Cr 6:68.
Palibhasa’y nasa pangunahing ruta mula sa tabing-dagat na kapatagan paahon sa maburol na lupain, ang mga bayang ito ay malimit madaanan ng nagdidigmaang mga hukbo. Noong panahon ng pananakop ng Israel, tinalo ni Josue ang limang Amoritang hari na nagsama-sama upang makipagdigma laban sa Gibeon, anupat “tinugis sila sa daan ng sampahan ng Bet-horon.” Dito ay nagpabagsak si Jehova ng malalaking batong graniso upang puksain ang marami sa mga Amorita habang tumatakas ang mga ito sa kahabaan ng “dakong palusong sa Bet-horon.” (Jos 10:6-12) Ipinapalagay ng ilan na ang “dakong palusong sa Bet-horon” ay tumutukoy sa dakong palusong mula sa Mataas na Bet-horon hanggang sa Mababang Bet-horon, anupat mga 240 m (800 piye) ang pagkakaiba sa altitud ng dalawang lugar.
Nang maglaon, noong panahon ng paghahari ni Haring Saul, ang “daan ng Bet-horon” ay isa sa tatlong ruta na dinaanan ng mga mananamsam na pangkat ng mga Filisteo na lumulusob mula sa Micmash. (1Sa 13:16-18) Itinayo o pinatibay ni Haring Solomon ang dalawang bayan, anupat nilagyan niya ang mga ito ng mga pader, mga pinto, at halang, malamang na dahil ang mga ito ay nagsisilbing pangharang laban sa pagsalakay ng mga hukbo mula sa Ehipto o Filistia. (2Cr 8:5) Itinala ni Sisak ng Ehipto, na sumalakay sa Juda noong panahon ng paghahari ni Rehoboam, ang “Bet-horon” bilang isa sa mga bayan na inangkin niyang nasakop o nasa ilalim ng kaniyang pamumuno. (1Ha 14:25; 2Cr 12:2-9) Nang pauwiin ni Haring Amazias ng Juda ang mga hukbong mersenaryo ng Efraim bago siya makipagbaka sa mga Edomita, nag-init sa galit ang mga sundalong ito mula sa hilagang kaharian, na ang kabisera ay nasa Samaria, kung kaya nilusob nila ang mga Judeanong lunsod hanggang sa Bet-horon.—2Cr 25:5-13.