BET-MARCABOT
[Bahay ng mga Karo].
Isa sa mga nakapaloob na lunsod ng Simeon na ibinigay sa kanila sa loob ng teritoryo ng tribo ni Juda. (Jos 19:1, 5; 1Cr 4:31) Sa katulad na ulat ng mga lunsod na orihinal na nakaatas sa Juda (Jos 15:31), posibleng ang Bet-marcabot ay hinalinhan ng Madmana. Kung ang Bet-marcabot ay siya ring Madmana, maliwanag na ito ay matatagpuan sa pangunahing lansangang-bayan na nagmumula sa Beer-sheba patungo sa Jerusalem at sa mga lokasyon sa H, at ang pangalang Bet-marcabot ay maaaring ikalawang pangalan ng Madmana. Ang pangalan ng bayan na nakatalang kasunod ng Bet-marcabot, ang Hazar-susa (o Hazar-susim), ay nangangahulugang “Looban (Pamayanan) ng Kabayong Babae (o mga Kabayo).” Ipinapalagay ng ilan na ang dalawang lugar na ito ay mga depo at mga dakong hintuan para sa mga kabayo at mga karo, na dumaraan sa sinaunang mga ruta sa pagitan ng Palestina at Ehipto. Ginamit din ang mga karo sa digmaan (Huk 1:19), at maaaring ang Bet-marcabot ay isang tanggulang lunsod ng mga Canaanita na mula roon ay makalalabas ang kanilang mga karong pandigma patungo sa mga patag na lupain sa lugar ng Beer-sheba.—Tingnan ang MADMANA Blg. 2.