CORAZIN
Isa sa mga lunsod na pinagwikaan ni Jesus at nasa H dulo ng Dagat ng Galilea. (Mat 11:21; LARAWAN, Tomo 2, p. 739) Karaniwang ipinapalagay ng mga iskolar na ito ang Khirbet Kerazeh (Korazim), na mga 3 km (2 mi) lamang sa HHK ng iminumungkahing lokasyon ng sinaunang lunsod ng Capernaum (Mat 11:23), kung saan lumilitaw na namalagi si Jesus noong panahon ng kaniyang dakilang ministeryo sa Galilea na tumagal nang mahigit na dalawang taon. Nagpahayag si Jesus ng “kaabahan” para sa mga Judiong tumatahan sa Corazin dahil hindi sila kumilos ayon sa mensahe ni Jesus kahit nasaksihan nila ang “makapangyarihang mga gawa” na, kung naganap sa Tiro at Sidon, ay mag-uudyok sa mga paganong naroroon upang magsisi. Pagkatapos nito, noong taglagas ng 32 C.E., nang payaunin ni Jesus ang 70 alagad noong panahon ng kaniyang ministeryo sa Judea, binanggit niya ang di-nagsisising saloobin ng Corazin, maliwanag na upang idiin ang malaking kaabahang daranasin ng mga lunsod na hindi tutugon anupat ‘ipupunas ng kaniyang mga alagad laban sa mga ito ang alabok’ mula sa kanilang mga paa.—Luc 10:10-16.