Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
“Sa Aba Mo, Chorazin!”—Bakit?
TUNAY na hindi mo ibig sabihin iyan sa iyo ng Diyos, di ba? Kung gayon, pag-isipan kung ano ang nadama ng mga Judio sa tatlong siyudad ng Galilea nang sabihin ng Anak at Hukom ng Diyos:
“Sa aba mo, Chorazin! Sa aba mo, Bethsaida! sapagkat kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihan na ginawa sa inyo, disin sana’y malaon nang nagsisi sila sa taglay na mga damit na magaspang at abo. Kaya naman sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang sasapitin ninyo kaysa sasapitin ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, . . . ibabagsak ka sa Hades.”—Mateo 11:21-23.
Ang tanawin sa itaas ay buhat sa isa sa mga siyudad na iyon—ang Chorazin. Ang larawang ito ay makikita rin sa Hulyo/Agosto sa 1989 Calendar of Jehovah’s Witnesses. Kapuna-puna, ang mga salita ni Jesus sa Mateo 11:21-23 ay nasa kaayusan ng mga Saksi ni Jehova sa pagbabasa ng Bibliya sa Agosto. Kung gayon, ano ang dapat nating maalaman tungkol sa Chorazin?
Bueno, pansinin kung nasaan ang sinaunang Chorazin. Makikita mo ang kaguhuan nito sa gawing harap ng larawang ito. Pagkatapos, pansinin ang mga punungkahoy sa gawing hilaga sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Iyan ang kinaroonan ng Capernaum, mga tatlong kilometro ang layo. Ang larawang ito na kuha sa itaas ay baka nagbibigay ng ideya na ito’y isang lugar na patag, subalit ang Chorazin ay aktuwal na nasa ibabaw ng mga burol na 270 metro ang taas sa tabing-dagat.
Ito’y tumutulong din na maalaman natin na sa humigit-kumulang kaparehong layo buhat sa Capernaum, sa baybaying-dagat, ay naroon ang Bethsaida. Samakatuwid, sa gayong pag-aba sa tatlong siyudad na ito, nakatutok ang pansin ni Jesus sa isang munting lugar sa palibot ng kaniyang sentrong ginagawaan sa Galilea. (Mateo 4:13; Marcos 2:1; Lucas 4:31) Bakit nga ba sila pinagwikaan ni Jesus ng kaabahan?
Malaking panahon ang ginugol ni Jesus kapiling ng mga apostol sa lugar na ito, at siya’y gumawa rito ng maraming kababalaghan. Malapit sa Bethsaida ay naghimala siya at pinakain ang mahigit na 5,000 katao at isang lalaking bulag ang sinaulian niya ng paningin. (Marcos 8:22-25; Lucas 9:10-17) Kabilang sa kaniyang mga himala sa Capernaum o malapit sa Capernaum ang pagpapagaling buhat sa malayo sa isang batang maysakit, pagpapalabas ng demonyo sa isang taong inaalihan, kaniyang pinagaling ang isang pilay upang makalakad at binuhay ang anak na babae ng isang pinuno ng sinagoga. (Marcos 2:1-12; 5:21-43; Lucas 4:31-37; Juan 4:46-54) Bagaman hindi espesipikong sinasabi sa atin ng Bibliya kung anong “mga kababalaghan” ang ginawa sa Chorazin, ipinakikita ng Mateo 11:21 na si Jesus ay gumawa ng mga himala roon o malapit doon. Gayunman ang mga tao ay hindi nagsisi at sumampalataya sa kaniya bilang ang Mesiyas ng Diyos.
Masdan ninyo ang kasamang tanawin na dito si Jesus ay gumagawa ng gayong mga himala at baka itanong ninyo, ‘Papaanong mangyayaring ang mga taga-Chorazin ay walang katugun-tugon?’ Marahil may maipahihiwatig tungkol dito ang mga maitim na batong basalto na nahukay ng mga arkeologo sa gitna ng mga kaguhuang ito, na tatlong siglo C.E. ang petsa. Sa mga labíng ito ay may isang sinagoga sa sentro ng siyudad at mga lugar na tirahan sa karatig na pook. Sa iba sa mga batong galing sa sinagoga ay may pambihirang mga larawang lilok. Ng ano? Mga pigura buhat sa alamat Griego, tulad baga ng isang buhok-ahas na Medusa at isang centaur, kalahati’y tao at kalahati’y kabayo. Yamang ang Buddhismo ay tiyak na salungat na salungat sa gayong idolatrosong eskultura, bakit nga pinayagan ng mga pinunong Judio sa Chorazin ang gayong mga bagay sa kanilang sinagoga?
Ang isang teorya ay na “ang isang liberal na saloobin ay marahil naging tradisyon na sa pamayanang iyon,” anupa’t nagbigay kay Jesus ng dahilan na umasa sa isang mainam na pagtugon sa lungsod.a Subalit kung ang ganitong mga larawan sa sinagoga ay nagpapahiwatig ng anuman tungkol sa saloobin ng mga tao noong kapanahunan ni Jesus, posible na ang karamihan ng tao sa Chorazin ay hindi interesado na sambahin “ang Ama sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:23) Kanilang ipinakitang hindi nila tinatanggap ang Mesiyas na gumagawa ng mga himala.
Nang suguin ni Jesus ang 70 alagad, siya’y gumamit na naman ng hyperbole tungkol sa kawalang pagtugon ng Chorazin, Bethsaida, at Capernaum. Kung ang mga kababayan ni Jesus na mga taga-Galilea sa Chorazin na may kaalaman tungkol sa kaniyang mga paghihimala ay hindi nakinig, hindi dapat ipagtaka ng mga alagad kung ang mga tao sa mga iba pang lungsod na kanilang pinangaralan ay hindi tumanggap sa kanila.—Lucas 10:10-15.
Kaya’t kung ating bubulay-bulayin ang walang-buhay na mga maiitim na kaguhuan ng Chorazin, isapuso natin ang babalang maliwanag na makikita sa ‘pagkaaba’ na sinalita ni Jesus. Ang hindi pagsisisi, di-pagtugon sa gawain ng Diyos na isinasagawa ng kaniyang bayan, ay maaaring humantong sa pagkaaba at isang kinabukasang walang pag-asa.
[Talababa]
a The World of the Bible, Tomo 5, pahina 44, lathala ng Educational Heritage, Inc., New York, 1959.
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Educational Heritage, Inc., New York, 1959.
Chorazin
Bethsaida
Capernaum
Dagat ng Galilea
Tiberias
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.