KUSTABLE
[sa Ingles, constable].
Isang opisyal na tagapaglingkod na inatasan upang umalalay sa isang mahistradong Romano kapag humaharap ito sa publiko at upang magpatupad ng mga tagubilin nito. Ang terminong Griego para rito na rha·bdouʹkhos ay literal na nangangahulugang “tagapagdala ng pamalo.” (Gaw 16:35, 38; ihambing ang Int.) Ang terminong Romano naman nito ay lictor, at bilang tanda ng katungkulan at sagisag ng awtoridad ng mahistrado, ang lictor noon sa isang kolonyang Romano ay may dala-dalang fasces. Isa itong bungkos ng mga patpat na elm o birch na nakatali sa palibot ng hawakan ng isang palakol, samantalang ang talim naman ng palakol ay nakausli sa gilid ng bungkos.
Ang ilan sa mga tungkulin ng mga kustableng Romano ay katulad niyaong sa pulis, ngunit naiiba sila sa makabagong-panahong mga pulis sapagkat ang mga kustable ay umaalalay lamang sa mahistrado at may pananagutan na palagiang maglingkod dito. Hindi sila tuwirang nananagot sa panawagan ng bayan kundi sa mga utos lamang ng kanilang mahistrado.
Kapag humaharap sa publiko ang mahistrado, iniaanunsiyo ng kaniyang mga kustable ang pagdating niya, hinahawi nila ang pulutong upang makadaan siya, at tinitiyak nila na pinag-uukulan siya ng paggalang na nararapat sa kaniyang ranggo. Nagtatalaga sila ng mga bantay sa bahay niya. Inihahatid nila ang mga mensahe ng mahistrado, dinadala ang mga manlalabag sa harap ng mahistrado, at dinarakip nila ang mga manlalabag-batas, anupat kung minsan ay sila ang humahagupit sa mga iyon.
Ayon sa batas, ang mga kustable ay nakatalagang maglingkod nang isang taon, ngunit kadalasang nagiging mas matagal kaysa rito ang kanilang paglilingkod. Ang karamihan sa kanila ay mga taong pinalaya. Ang mga kustableng Romano ay malaya sa paglilingkod militar at sinusuwelduhan sila sa kanilang paglilingkod.
Yamang ang Filipos ay isang kolonyang Romano, pinamahalaan ito ng mga mahistrado sibil ng imperyo, at ang mga ito ang nag-utos na hampasin ng mga pamalo sina Pablo at Silas. Nang sumunod na araw, isinugo ng mga mahistrado sibil ang mga kustable lakip ang utos na palayain sina Pablo at Silas. Gayunman, tinanggihan ni Pablo na palayain sila ng mga kustable, sa halip ay iginiit niya na kilalanin niyaong mga nakatataas sa mga ito, ng mga mahistrado sibil, ang nagawa nilang pagkakamali.—Gaw 16:19-40; tingnan ang MAHISTRADO.