MAHISTRADO
Sa ilalim ng pamahalaan ng Babilonya, ang mga tagapagpatupad-batas (sa Ingles, police magistrate) ay mga opisyal na sibil sa mga nasasakupang distrito na dalubhasa sa batas at may limitadong hudisyal na awtoridad. Kabilang sila sa mga opisyal na tinipon upang yumukod sa imaheng ginto ni Nabucodonosor.—Dan 3:2, 3.
Sa mga kolonyang Romano, ang pangangasiwa ng pamahalaan ay nasa mga kamay ng mga mahistrado sibil, tinatawag na stra·te·goiʹ sa mga Griegong lunsod. Ang lupon ng mga mahistrado ay maaaring binubuo ng 3, 4, kadalasa’y 5, o kaya ay 10 o 12 pa nga. Tungkulin ng mga ito ang pagpapanatili ng kaayusan, pangangasiwa sa pananalapi, paglitis at paghatol sa mga manlalabag-batas, at pag-uutos na ilapat ang kaparusahan. Kung minsan, lumilitaw ang kanilang mga pangalan at mga titulo sa mga baryang inilalabas ng lunsod. May nakaatas sa kanila na mga kustable, o mga lictor, na nagsasagawa naman ng kanilang mga utos.—Tingnan ang KUSTABLE.
Iniutos ng mga mahistrado sibil sa Romanong kolonya ng Filipos (Gaw 16:12) na ilagay sa mga pangawan sina Pablo at Silas, bagaman hindi sumailalim sa paglilitis ang mga ito. Nang sumunod na araw, nagsugo ng mga kustable ang mga mahistrado upang palayain ang mga ito. Ngunit upang maipagbangong-puri niya nang hayagan at legal ang mabuting balita na kaniyang ipinangangaral, iginiit ni Pablo na ang mga mahistrado mismo ang magpalaya sa kanila. Sa takot ng mga mahistrado na magalit ang Roma dahil sa pagpalo nila sa mga mamamayang Romano, namanhik sila kina Pablo at Silas at pinalaya nila ang mga ito.—Gaw 16:19-39.