PINSAN
Ang anak ng tiya o tiyo ng isa. Ang kaisa-isang paglitaw ng salitang Griego na a·ne·psi·osʹ (pinsan) ay nasa Colosas 4:10, kung saan tinukoy ni Pablo si Marcos bilang “pinsan ni Bernabe.” Ang terminong Griegong ito ay pangunahin nang nangangahulugang “pinsang buo,” ngunit sa mas malawak na diwa, tumutukoy ito sa sinumang pinsan ng isa. Ang a·ne·psi·osʹ ay lumilitaw rin sa Septuagint sa Bilang 36:11 (pangmaramihan), ngunit ang pananalitang Hebreo sa tekstong Masoretiko ay literal na isinasaling “mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.”
Sa Lucas 1:36, tinukoy ng King James Version si Elisabet bilang pinsan ni Maria (syg·ge·nisʹ). Ang salitang Griegong ito ay itinuturing na isang naiibang anyo ng salitang syg·ge·nesʹ, na isinasaling “kamag-anak” sa makabagong mga bersiyon. (Luc 2:44; 21:16; Gaw 10:24; CC, ED, NW) Ang syg·ge·nesʹ ay limang ulit na lumilitaw sa Septuagint, muli ay nangangahulugan ng “mga kamag-anak” sa pangkalahatan sa halip na ng makabago at limitadong katawagan na “pinsan.”—Lev 18:14; 20:20; 25:45; 2Sa 3:39; Eze 22:6; LXX.
Bagaman walang matatagpuang salita para sa pinsan sa Hebreong Kasulatan, ang kaugnayang ito ay ipinahihiwatig doon ng mga pananalitang gaya ng “mga anak [ng] . . . tiyo ni Aaron,” “anak ng kaniyang tiyo.” (Lev 10:4; 25:49) May mga iniulat na pakikipag-asawa sa pinsan, gaya nina Jacob at Raquel, at ng mga anak na babae ni Zelopehad. (Gen 28:2; 29:10-12; Bil 36:11) Ang gayong pag-aasawa ng mga magpinsan ay hindi kasama sa Mosaikong mga pagbabawal laban sa insesto. (Lev 18:8-16) Sa ngayon ay nagkakaiba-iba ang mga batas sibil hinggil sa bagay na ito; ipinahihintulot ng ilang estado at bansa ang pag-aasawa ng mga magpinsan, samantalang ipinagbabawal naman ito ng iba.