KATIWALA NG KOPA
Isang opisyal ng maharlikang korte na nagsisilbi ng alak o ng iba pang inumin sa hari. (Gen 40:1, 2, 11; Ne 1:11; 2:1) Kung minsan, kasama sa mga tungkulin ng punong katiwala ng kopa ang pagtikim sa alak bago ito ibigay sa hari. Ito ay dahil laging may posibilidad na pagtangkaan ang buhay ng hari sa pamamagitan ng paglalagay ng lason sa kaniyang alak.
Ang isang pangunahing kuwalipikasyon para sa tungkuling ito ay ang pagiging lubusang mapagkakatiwalaan, yamang buhay ng hari ang nakataya rito. Isa ito sa pinakamararangal na posisyon sa korte. Kadalasang presente sa mga komperensiya at mga pakikipag-usap ng hari ang punong katiwala ng kopa. Palibhasa’y may malapit at karaniwan na ay matalik na kaugnayan sa hari, kadalasa’y malaki ang impluwensiya niya sa monarka. Ang katiwala ng kopa ni Paraon ang nagrekomenda kay Jose. (Gen 41:9-13) Mataas naman ang pagtingin ni Haring Artajerjes ng Persia sa kaniyang katiwala ng kopa na si Nehemias. (Ne 2:6-8) Nang maglakbay si Nehemias patungong Jerusalem, pinasamahan siya ni Artajerjes sa isang pangkat ng militar.—Ne 2:9.
Yamang madalas na kasama sa sinaunang mga ilustrasyon ang mga katiwala ng kopa, ipinahihiwatig nito na mahalaga ang kanilang posisyon. Lubhang napahanga ang reyna ng Sheba sa ‘mga tagasilbi ni Solomon ng inumin at sa kanilang kagayakan.’—2Cr 9:4.