KASULATAN, II
[sa Ingles, deed].
Isang nasusulat na kasunduan na may-kawastuang nilagdaan at sa ilang kaso ay tinatakan, anupat naglalaman ng legal na mga kundisyon upang maisagawa ang isang layunin; ang dokumentong nagpapatunay sa pagsasalin ng pagmamay-ari ng lupa’t bahay. Ang salitang Hebreo na seʹpher ay ginamit lamang ng Bibliya sa partikular na diwang ito may kinalaman sa pagbili ni Jeremias ng isang bukid mula sa kaniyang pinsan na si Hanamel.—Jer 32:6-15.
Kapansin-pansin ang mga detalye may kinalaman sa paggawa ng kasulatang ito. Ang salaping ipinambili, “pitong siklo at sampung pirasong pilak,” ay tinimbang sa harap ng mga saksi. (Jer 32:9) Kung ang pananalitang ‘pito at sampu’ ay ipapalagay na isang legal na termino na nangangahulugang 17 siklong pilak (mga $37), isa itong makatuwirang halaga kung isasaalang-alang ang panahon at mga kalagayan noong ipagbili ang ari-ariang iyon. Noon ay panahon ng digmaan at taggutom (ilang buwan na lamang bago mabihag ni Nabucodonosor ang Jerusalem).
Nang maibayad ang salapi, dalawang kasulatan, na ipinapalagay na magkatulad na magkatulad, ang ginawa ‘ayon sa hudisyal na utos at sa legal na mga tuntunin.’ Ang isa sa mga ito ay tinawag na “ang kasulatan ng pagkakabili, yaong tinatakan,” at ang isa naman ay “yaong iniwang bukás.” (Jer 32:11) Yaon lamang unang nabanggit ang sinasabing nilagdaan ng mga saksi, anupat naganap ang buong transaksiyon “sa paningin ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa Looban ng Bantay.” (Jer 32:12) Pagkatapos, ang dalawang kasulatan ay parehong inilagay sa isang bangang luwad upang maingatan.—Jer 32:14.
Ang paggawa ng dalawang kasulatan ngunit isa lamang ang tinatatakan ay napakapraktikal na kaugalian. Dahil iniiwang bukás ang isang kopya, maaaring sumangguni rito ang mga partidong nasasangkot. Sakali mang masira ito, pag-alinlanganan ang pagiging tunay nito, o paghinalaang binago ito, ang tinatakang kopya ay maaaring iharap sa mga hukom ng lunsod at, matapos nilang suriin ang tatak, bubuksan nila ito upang paghambingin ang dalawang kopya.