Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 8/1 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Pananatiling may Pagkakaisang Kristiyano sa Relasyong Pangnegosyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kasulatan, II
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ano ang Magiging Kapalit ng Negosyo Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Binili
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 8/1 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Yamang sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging matapat at sila’y may tiwala sa isa’t isa, bakit nila nadarama na mahalagang gumawa ng isang nasusulat na kontrata kapag sila’y nakikipagnegosyo?

Ang paggawa nila nito ay maka-Kasulatan, praktikal, at tanda ng pag-ibig. Paano nagkagayon? Buweno, isaalang-alang natin ang mga aspektong ito ng mga kontrata sa negosyo.

Nagbibigay ang Bibliya ng nasusulat na rekord ng mga pakikitungo ng Diyos sa bayan na nakipagtipan sa kaniya, ang mga Israelita. Kasali rito ang mga negosyo na kasangkot ang mga tunay na mananamba. Nasa Genesis kabanata 23 ang isa na maaari nating isaalang-alang. Nang mamatay ang kaniyang minamahal na si Sara, ibig ni Abraham na makakuha ng lugar na paglilibingan. Nagsimula siyang makipag-usap sa mga Canaanita na naninirahan malapit sa Hebron. Ipinakikita ng mga talata 7-9 na nag-alok siya ng isang takdang halaga para sa isang piraso ng lupain na ibig niya. Pinatunayan ng talata 10 na ang alok na ito ay ginawa nang hayagan, anupat narinig ng iba pa na nasa pintuan ng lunsod. Ipinakikita ng talata 13 na nag-alok ang may-ari na ibibigay ang lupain kay Abraham, ngunit tumugon ito na kukunin lamang niya ang lupain kung ipagbibili sa kaniya. At ipinaliliwanag sa mga talata 17, 18, at 20 na ito ang napagkasunduan, anupat pinagtibay “sa harap ng mga anak ni Het na kabilang sa lahat niyaong pumapasok sa pintuan ng kaniyang lunsod.”

Subalit iba naman kaya kung ang dalawang nagkaroon ng gayong transaksiyon sa negosyo ay kapuwa tunay na mananamba? Naglalaan ng sagot ang kabanata 32 ng Jeremias. Mula sa talata 6 patuloy, makikita natin na bibili si Jeremias ng lupain mula sa kaniyang pinsan. Ipinakikita ng talata 9 na napagkasunduan ang isang makatuwirang halaga. Ngayon ay basahin ang mga talata 10-​12: “Nang magkagayon ako [si Jeremias] ay naglagda ng pangalan sa katibayan at aking tinatakan at tumawag ako ng mga saksi habang tinitimbang ko ang salapi sa timbangan. Pagkatapos ay kinuha ko ang kasulatan ng pagbili, ang isa na tinatakan alinsunod sa mga utos at tuntunin, at ang isa na naiwang bukas; at pagkatapos ay ibinigay ko ang kasulatan ng pagbili kay Baruc na anak ni Nerias na anak ni Maseias sa harap ni Hanamel ang anak ng aking tiyo sa panig ng ama at sa harap ng mga saksi, yaong sumusulat sa kasulatan ng pagbili, sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa Looban ng Guwardiya.”

Oo, bagaman nakikitungo si Jeremias sa isang kapuwa mananamba, kahit na isang kamag-anak, isinagawa niya ang makatuwirang pamamaraan ayon sa batas. Gumawa ng dalawang nasusulat na rekord​—ang isa ay iniwang bukas para madaling masuri, at ang ikalawa ay tinatakan upang maglaan ng suhay na patotoo sakaling magkaroon ng anumang alinlangan tungkol sa kawastuan ng isa na nakabukas. Lahat ng ito ay isinagawa, gaya ng sabi sa talata 13, “sa harap nila.” Kaya iyon ay isang hayag, sinaksihan at legal na kasunduan sa negosyo. Maliwanag, kung gayon, na may maka-Kasulatang parisan ang mga tunay na mananamba na gawin ang mga bagay-bagay sa gayong tiyakan at dokumentadong paraan.

Praktikal din iyon. Alam natin kung gaano katotoo ang kasabihan na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Kasali rito ang nakatalaga at tapat na mga Kristiyano. Ganito ang pagkasabi sa Santiago 4:13, 14: “Pumarito ngayon, kayo na nagsasabi: ‘Ngayon o bukas ay maglalakbay kami patungo sa lunsod na ito at gugugol ng isang taon doon, at kami ay makikipagkalakalan at magtutubo,’ samantalang hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.” Kaya naman, baka magsimula tayo ng isang proyekto, gaya ng pagbili, pagganap ng isang pinagkasunduang trabaho o serbisyo, o paggawa ng isang bagay para sa isang tao. Subalit ano kaya ang mangyayari bukas​—o sa susunod na buwan o sa susunod na taon? Paano kung tayo o ang kabilang panig ay maaksidente? Baka gawin nitong imposible ang pagtupad sa kasunduan. Paano kung hindi natin magawa ang trabaho o magampanan ang serbisyo, o masumpungan niyang halos imposible na makabayad o matupad ang kaniyang bahagi sa kasunduan? Kung walang nasusulat na kasunduan, maaaring bumangon ang malalaking suliranin, mga suliranin na maaari sanang nalutas o naiwasan kung mayroon lamang nasusulat na kontrata.

Isa pa, hindi natin dapat kalimutan na ang mismong kawalang-katiyakan ng maraming pitak sa buhay ay maaari pa ngang mangahulugan na may ibang tao na kailangang bumalikat o magsaayos ng ating (o kaniyang) negosyo. Idinagdag ni Santiago sa talata 14: “Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay nawawala.” Ang totoo, maaari tayong mamatay nang di-inaasahan. Ang isang nasusulat na kasunduan, isang kontrata, sa aktuwal ay magpapangyari sa iba na ituloy ang pag-aasikaso sa mga bagay sakaling may mangyaring di-inaasahan sa magkabilang panig.

Sa isang diwa, umaakay rin ito sa ikatlong aspekto​—tanda ng pag-ibig ang nasusulat na kontrata. Totoo naman, kung ang sinuman sa magkabilang panig ay mamatay o maaksidente na humantong sa kapansanan, isang pag-ibig para sa isang Kristiyano na maglaan ng nasusulat na rekord ng kaniyang mga obligasyon o inaasahan sa pananalapi. At sa halip na magpaaninaw ng kawalang-tiwala, pagpapakita ng pag-ibig sa kapatid na pinakikitunguhan natin ang paggawa ng nasusulat na kontrata na maliwanag at eksaktong magsasaad kung ano ang obligado siyang gawin o nasa kalagayang tanggapin. Babawasan ng maibiging hakbang na ito ang anumang samaan ng loob o hinanakit kung ang isa sa di-sakdal na panig ay makalimot sa ilang detalye o pananagutan. At sino sa atin ang sakdal, di-nakalilimot, o laging nakauunawa ng mga detalye o layunin?​—Mateo 16:5.

May iba pang paraan na doon ang paggawa ng nasusulat na mga kasunduan sa negosyo ay nagpapaaninaw ng pag-ibig sa ating kapatid, sa ating pamilya, at sa kongregasyon sa pangkalahatan. Subalit dapat maging maliwanag na bukod sa pagiging tanda ng pag-ibig, ang gayong nasusulat na mga rekord na may sapat na detalye ay praktikal at maka-Kasulatan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share