ESMERALDA
Isang batong hiyas na mahalaga, maningning, malinaw at isang uri ng berilo. Ang esmeralda ay binubuo ng aluminyo at beryllium silicate at kaunting kromyum na dahilan ng berdeng kulay ng batong ito. Mas matigas ito nang kaunti kaysa sa kwarts at kadalasang matatagpuan sa anyong bukó o bilang hiwa-hiwalay na mga kristal na anim ang gilid.
Ang esmeralda ay kilala ng sinaunang mga Ehipsiyo, kinukuha nila ang mga ito mula sa Mataas na Ehipto. Malamang na kabilang ang mga ito sa mahahalagang bagay na tinanggap mula sa mga Ehipsiyo bago umalis sa Ehipto ang Israel. (Exo 12:35, 36) Nang maglaon, isang esmeralda (sa Heb., ba·reʹqeth) ang inilagay bilang ikatlong bato sa unang hanay ng mga bato sa “pektoral ng paghatol” ng mataas na saserdote. (Exo 28:2, 15, 17, 21; 39:10) Ang hari ng Tiro ay inilalarawang may suot na isang pananamit na may “bawat mahalagang bato,” kabilang ang esmeralda, sa makahulang panambitan na ipinahayag ni Ezekiel.—Eze 28:12, 13.
Sa kaniyang pangitain ng makalangit na trono ni Jehova, ginamit ng apostol na si Juan ang esmeralda upang ilarawan ang bahagharing nasa “palibot ng trono.” (Apo 4:1-3) Nang makita ni Juan ang “banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem,” napansin niya na “ang mga pundasyon ng pader ng lunsod ay nagagayakan ng bawat uri ng mahalagang bato,” anupat ang ikaapat ay esmeralda (sa Gr., smaʹra·gdos).—Apo 21:2, 10, 19.