Esmeralda—Napakamahal Kaysa Ibang Hiyas
PINAHAHALAGAHAN dahil sa maningning na berdeng kulay nito, pinapalamutihan ng mga esmeralda ang mga koronang hiyas at ginagayakan nito ang mga trono ng ilan sa pinakamatatandang maharlikang dinastiya sa kasaysayan. Sa ngayon, gaya noon, ang mga ito’y sagisag ng kayamanan at kapangyarihan.
Sa buong daigdig, karaniwan nang itinuturing na mas mahal ang mga esmeralda kaysa sa mga brilyante. Karaniwan na, ang mga rubi lamang ang itinuturing na mas mahalaga rito. Gayunman, sinasabi ng teknisyan sa heolohiya na si Terri Ottaway, “karat sa karat, ang pinakamataas na uring esmeralda ang pinakamahal na hiyas sa daigdig.” Depende sa uri, ang isang esmeralda na magkakasiya sa palad ng iyong kamay at tumitimbang ng tatlong gramo ay maaaring magkahalaga ng isang milyong dolyar!
Kasama sa halaga ng esmeralda ang pagiging pambihira nito. Ito’y mga uri ng kristal na berilo. Ang esmeralda ay nabubuo mula sa pagsasama ng karaniwang mga elemento ng aluminyo at silicon na may pambihirang elemento ng berilyo. Ang katiting na kemikal na mga elemento, alinman sa chromium o vanadium, ay nagbibigay sa esmeralda ng pagkaganda-gandang berdeng kulay nito.
Nahukay Noong Sinaunang Panahon
Sa loob ng libu-libong taon, halos lahat ng suplay ng esmeralda ng daigdig ay galing sa Ehipto. Ang bantog na Minahan ni Cleopatra, mga 700 kilometro sa timog-silangan ng Cairo, ay unang hinukay nang hinukay ng mga Ehipsiyo at nang maglaon ng mga Romano at mga Turko. Tiyak na ito’y isang napakahirap na gawain! Ang matinding init ng araw sa disyerto at ang magaspang na alabok at dumi sa balat sa mga minahan sa ilalim ng lupa ay matinding nagpahirap sa mga manggagawa. Bukod pa riyan, ang lahat ng suplay ay kailangang ihatid ng grupu-grupong sasakyan mula sa Ilog Nilo, na inaabot ng isang linggo sa paglalakbay kung mabuti ang kalagayan. Sa kabila ng ganitong napakaraming problema, ang minahan ay halos patuloy ang pagtakbo mula noong mga 330 B.C.E. hanggang noong 1237 C.E.
Inimbot ng mga tao noong sinaunang panahon ang mga esmeralda, kapuwa dahil sa kagandahan nito at sa sinasabing mahiko at kapangyarihang magpagaling nito. Ang mga esmeralda ay sinasabing gamot sa maraming uri ng sakit. Pinaniniwalaan din na ito’y may bisa sa pagiging palaanakin at pagnanasa ng mga babae. Mauunawaan, nagkaroon ng malakas at matubong kalakalan sa pagitan ng Ehipto at ng iba pang bansa hanggang sa India.
Ang monopolyong ito ay tumagal hanggang noong dumating ang mga Kastilang konkistador sa Timog Amerika noong unang mga taon ng ika-16 na siglo. Di-nagtagal, nasakop ni Jiménez de Quesada ang ngayo’y kilala bilang Colombia. Pagkaraan ng ilang taon, noong 1558, natunton ng mga Kastila ang isang minahan sa Muzo. Makapigil-hininga sa uri at laki ang nasumpungang mga esmeralda roon.
Agad na inagaw ng mga Kastila ang pangangasiwa sa minahan at inalipin ang mga mamamayan doon, anupat itinulak silang gawin ang nakapapagod at mapanganib na paghuhukay ng mga hiyas. Sa loob ng ilang taon, nakarating sa Europa ang talagang napakaraming malalaki at halos walang-depektong mga esmeralda, marami sa mga ito ay napasakamay ng mga Turkong Ottoman, ng mga Persianong Shah, at maging ng maharlika sa India. Ang mga batong ito ay nililok at inukit, sa gayo’y naging pundasyon para sa maraming walang kasinghalaga na mga koleksiyon ng alahas.
Hindi Mabisa ang Mahigpit na Pagbabantay
Hirap na hirap ang pinakadukhang mga tao sa ngayon na kunin ang mga hiyas na ito mula sa matigas na lupa, anupat ganito ang nasabi ng peryodistang si Fred Ward: “Isa sa pinakamatinding kabalintunaan sa kalakalan ng esmeralda ang bagay na hindi man lamang maisip ng karamihan sa mga taong nakasumpong ng mga batong ito kung paano magtitipon ng sapat na salapi upang maisuot ang isa nito.” Yamang ang tukso para sa mga manggagawa na itago ang isang bato at ipuslit ito ay halos hindi mapigilan, karamihan ng mga minahan ay gumagamit ng mga guwardiyang nagbabantay sa loob ng minahan. Mga bantay na may sukbit na mga machine gun ang nakatutok na nagmamasid sa mga manggagawa habang ang mga ito’y hirap na hirap na naghuhukay at nagkakayod.
Gayunman, sa kabila ng mga pamamaraang ito, sinasabi ng mga eksperto na ang karamihan ng kalakalan ng mga esmeralda sa buong daigdig ay nananatiling ilegal. “Karamihan ng mga esmeralda ay kinakalakal nang walang dokumento, walang buwis, hindi nakikita, itinatago sa pandaigdig na pamilihan na tinatawag na black market o bilihang ilegal. Halos lahat ng esmeraldang mataas ang uri ay ipinupuslit sa ilang panahon sa kasaysayan nito,” sabi ng magasing National Geographic.
Mag-ingat mga Mamimili!
Dahil sa paraan ng paglaki nito, ang mga kristal ng esmeralda ay maraming likas at panloob na depekto na tinatawag na mga bula. Kapag ang mga depektong ito ay umabot sa labas ng ibabaw ng isang bato, ito’y parang mga bitak, anupat nasisira ang ibabaw ng bato at lubhang nakababawas sa halaga nito. Sa loob ng mga dantaon, tinatakpan ng mga mag-aalahas ang mga depektong ito sa ibabaw ng bato sa pamamagitan ng pagbabad sa nilinis at pinakinis na mga hiyas sa isang mainit na langis, gaya ng langis ng punong sedro o palma. Ang proseso ng pag-iinit ay nagpapalabas sa hangin mula sa mga bitak sa bato at nasisipsip ang langis, anupat mabisang natatakpan ang mga depekto. Ang prinosesong mga hiyas ay saka ipinagbibili bilang mataas na uri. Gayunman, sa loob ng isa o dalawang taon, sumisingaw ang langis at nalalantad ang mga depekto, na ipinagtataka at ikinadidismaya ng mga parokyano.
Dapat ding mag-ingat ang bibili sa pag-iral ng mga imitasyon. Noong panahon ng Edad Medya, ang paggamit ng pinakintab na berdeng kristal at tinabas na parang esmeralda ay kilalang gawain. Sa nakalipas na mga taon maraming walang kamalay-malay na tao ang napaniwalang ang mga ito’y tunay samantalang ang taglay nila ay imitasyon. Ganito ang sabi ng National Geographic: “Naloloko ang mga propesyonal pati na ang publiko.” Subalit, may mga pagsubok na nagpapangyari sa isang kilalang espesyalista sa mga hiyas na matiyak ang pagiging totoo ng esmeralda.
Bagaman waring nadungisan ng kasakiman ng tao ang larawan nito, gayunpaman ang mga esmeralda ay maganda, bibihira, at mahalaga pa rin. Nananatili itong mamahaling kababalaghan ng paglalang ng Diyos.
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Lahat ng esmeralda: S. R. Perren Gem and Gold Room, Royal Ontario Museum; Ancient Egypt Gallery, Royal Ontario Museum