EMIM, MGA
[Nakatatakot na mga Bagay].
Isang tribo o bayan na nanirahan sa teritoryo sa S ng Dagat na Patay. Inilalarawan sila bilang dakila, marami, at matatangkad “na gaya ng mga Anakim.” (Deu 2:10) Ipinahihiwatig ng paghahambing na ito sa mga anak ni Anak na ang mga Emim ay malahigante ang tindig at mababangis, sapagkat sinabi ni Moises sa Israel: “Narinig mong sinabi, ‘Sino ang makatatayo nang matatag sa harap ng mga anak ni Anak?’” (Deu 9:2) Hindi lubusang matukoy ang pinanggalingan ng mga Emim, bagaman ipinapalagay ng ilan na ang mga ito ay isang sanga ng mga Repaim.
Noong panahon ni Abraham, tinalo ng Elamitang hari na si Kedorlaomer ang mga Emim sa Save-kiriataim. (Gen 14:5) Lumilitaw na ang mga Emim ay patuloy na nanirahan sa kanilang lupain sa S ng Dagat na Patay nang ilang panahon pagkatapos nito, sapagkat sinasabi ng Bibliya na itinaboy sila ng mga Moabita nang dakong huli. Ginamit din ng mga Moabita ang pangalang Emim upang tukuyin ang mga Repaim.—Deu 2:11.