EN-EGLAIM
[Bukal ng Dalawang Guya].
Sa isang makasagisag na pangitaing ibinigay kay Ezekiel, ang maasing tubig ng Dagat na Patay ay ‘pagagalingin’ at ang mga mangingisda ay tatayo sa mga baybayin nito mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim. (Eze 47:8-10) Ang pangalang ito mismo ay nagpapahiwatig ng isang lugar sa tabi ng bukal. Iniuugnay ng karamihan sa mga iskolar ang En-eglaim sa ʽAin Feshka, na malapit sa HK dulo ng Dagat na Patay. Ang ʽAin Feshka, mga 29 na km (18 mi) sa gawing T, at ang ʽAin Jidi (kung saan nananatili ang pangalan ng En-gedi) ang dalawang pangunahing oasis sa kanluraning baybayin ng Dagat na Patay. Sa kabilang dako naman, iminumungkahi ng iba ang isang lugar sa TS baybayin ng Dagat na Patay, malapit sa Zoar. Salig sa sinaunang mga nasusulat na dokumento, na tumutukoy sa distrito ng ʽAgaltain, sinabi ni Y. Yadin na “maliwanag na ‘ang distrito ng ʽAgaltain’ ang timog-silanganing bahagi ng Dagat na Patay . . . Kung may koneksiyon sa pagitan ng ʽAgaltain at ng En-eglaim sa hula ni Ezekiel tungkol sa Dagat na Patay (Ezek. 47:10: ‘at mangyayari na ang mga mangingisda ay tatayo roon mula sa En-gedi maging hanggang sa En-eglaim’)—ang dapat na maging interpretasyon sa talatang ito ay na ang Dagat ay pagagalingin mula sa isang baybayin hanggang sa kabilang baybayin—isang napakatingkad at napakalinaw na larawan. Hindi na kailangan pang hanapin ang En-eglaim sa kanlurang baybayin (iminungkahi kamakailan na ito ay ang Ain-Feshkha), yamang nililimitahan ng gayong pag-uugnay ang makahulang pangitain sa kanluraning baybayin lamang.”—Israel Exploration Journal, Jerusalem, 1962, Tomo 12, p. 250, 251.