PANGHARAP NA PAMIGKIS
Isang pamigkis sa noo.
Bagaman sinabihan ang mga Israelita na ‘itali ang kautusan ng Diyos bilang tanda sa kanilang kamay’ at ilagay ito bilang isang ‘pangharap na pamigkis sa pagitan ng kanilang mga mata,’ maliwanag na hindi iyon tumutukoy sa literal na pagsusuot ng mga teksto ng Kasulatan. (Deu 6:6-8; 11:18) Totoong tinagubilinan sila na maglagay ng literal na palawit sa kanilang mga kasuutan bilang tagapagpaalaala ng mga utos ng Diyos. (Bil 15:38-40) Gayunman, makasagisag ang “tanda” at “pangharap na pamigkis.” Pinatutunayan ito ng tagubilin ng Diyos sa mga Israelita hinggil sa paggunita nila ng kaniyang pagliligtas sa kanila. Ang paggunitang iyon ay magsisilbi ring “tanda . . . sa iyong kamay at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata” at “pangharap na pamigkis sa pagitan ng iyong mga mata.”—Exo 13:9, 14-16.
Sa anong diwa dapat isuot ng mga Israelita ang kautusan ng Diyos bilang pangharap na pamigkis sa pagitan ng kanilang mga mata?
Waring ibig sabihin ni Jehova na ang Kautusan ay dapat nilang panatilihing malinaw sa kanilang paningin at na dapat nila itong maingat na bigyang-pansin na parang nakasulat ito sa isang tapyas sa pagitan ng kanilang mga mata, at na para itong tanda sa kanilang mga kamay, anupat saanman sila tumingin at anuman ang kanilang gawin ay laging nasa harapan nila ang Kautusan. Gayunman, nang makabalik ang mga Judio mula sa Babilonya, bumuo sila ng isang pormalistikong relihiyong nakasalig sa mga tradisyon ng mga tao (Mat 15:3, 9) at ikinapit nila sa literal na paraan ang kautusang ito. Gumamit sila ng pahabang mga piraso ng pergamino kung saan nakasulat ang apat na teksto ng Kasulatan: Exodo 13:1-10, 11-16 at Deuteronomio 6:4-9; 11:13-21. Nang maglaon, binibilot nila ang pergamino at inilalagay sa maliliit na sisidlang yari sa balat ng guya at pagkatapos ay itinatali sa noo at kaliwang braso. Isinusuot ito ng mga lalaking Judio tuwing umaga sa panahon ng pananalangin, maliban sa mga araw ng kapistahan at Sabbath.
Hinatulan ni Jesu-Kristo ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Pariseo, yamang pinalalapad nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang pananggalang, upang pahangain ang iba sa kanilang pagiging matuwid. (Mat 23:2, 5) Ang salitang Griego na phy·la·kteʹri·on, “pilakterya,” na tumutukoy sa gayong sisidlang naglalaman ng kasulatan, ay pangunahin nang nangangahulugang himpilan, kuta, o pananggalang. Kaya naman isinusuot ang mga ito bilang pananggalang, agimat, o anting-anting.
Gayunman, ayon sa Bibliya, ang dapat bantayan ay hindi ang maganda o relihiyosong panlabas na kaanyuan, kundi ang puso. (Mat 23:27, 28; Kaw 4:23) Idiniriin nito na hindi ang pagsusuot ng nakasulat na mga teksto mula sa Kasulatan ang magdudulot ng malaking kapakinabangan sa isang tao, kundi ang pag-iingat ng praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip at ang pagtatamo ng pagkaunawa.—Kaw 3:21, 22; 4:7-9.