LAWING MANDARAGIT
[sa Heb., dai·yahʹ; sa Ingles, glede].
Ang pangalang Hebreo ng ibong ito ay nasa talaan ng maruruming ibon sa Deuteronomio 14:13 ngunit wala sa katumbas na talaan sa Levitico 11:14. Ang dai·yahʹ sa Deuteronomio 14:13 ay wala sa apat na manuskritong Hebreo, at gayundin sa Samaritanong Pentateuch at Griegong Septuagint. Naniniwala ang ilang iskolar na maaaring ito’y isang pagtutuwid ng eskriba na noong una ay inilagay sa mardyin ngunit nang maglao’y naisama sa mismong teksto. Gayunman, ang anyong pangmaramihan (dai·yohthʹ) ay makikita sa Isaias 34:15 bilang deskripsiyon ng mga ibong nagkakatipon sa mga guho ng Edom matapos itong itiwangwang.
Hindi tiyak ang pagkakakilanlan ng ibong ito. Iminumungkahi na ang pangalang Hebreo ay halaw sa pandiwang nangangahulugang “manaklot” o “sumisibad.” Ang “lawing mandaragit” ay isang angkop na salin, yamang ito’y isang terminong ikinapit sa iba’t ibang paraan sa maraming ibong maninila, bagaman lalung-lalo na sa lawing pula (Milvus milvus). Ipinapalagay ng karamihan sa makabagong mga iskolar na ang Hebreong dai·yahʹ ay ang lawin, yamang hindi lamang iisang uri ng ibong ito ang matatagpuan sa Palestina.—Tingnan ang LAWIN.