TUNGKOD NA PANTABOY
Isang kagamitan sa pagsasaka; isang tungkod na mga 2.5 m (8 piye) ang haba at pangunahing ginagamit upang igiya ang mga toro kapag nag-aararo. Sa isang dulo ng tungkod ay may matalim na metal na panundot sa hayop, at isang talim naman na malapad at mistulang pait ang nakakabit sa kabilang dulo at ginagamit na pantanggal ng lupa o putik mula sa sudsod, o pang-alis ng mga ugat at mga tinik mula roon.
“Isang tungkod na pantaboy ng baka” ang ginamit ni Samgar upang patayin ang 600 Filisteo. (Huk 3:31) Ang salitang Hebreo rito na isinaling “tungkod na pantaboy” (mal·madhʹ) ay nagmula sa salitang-ugat na la·madhʹ (matuto; magturo).
Binabanggit ng rekord ng Bibliya na samantalang nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita noong panahon ng paghahari ni Saul, ang mga Israelita ay hindi pinahintulutang magkaroon ng mga panday kaya naman napilitan silang lumusong sa mga Filisteo upang sa mga ito ipahasa ang kanilang mga kagamitan sa pagsasaka at ipakabit ang mga metal na tulis ng kanilang mga pantaboy sa baka.—1Sa 13:19-21.
Ang tungkod na pantaboy ay inihahambing sa mga salita ng isang taong marunong, mga salitang nakaaantig sa tagapakinig upang sumulong ito kasuwato ng karunungang narinig. (Ec 12:11) Ang makasagisag na pananalitang “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy” ay hinango sa kilos ng isang sutil na toro na lumalaban sa sundot ng tungkod na pantaboy sa pamamagitan ng pagsipa rito, na nagbubunga naman ng pinsala sa kaniyang sarili. Samakatuwid, ang pananalitang ito ay tumutukoy sa paglaban o paghihimagsik sa matuwid na awtoridad o sa isang kalagayang hindi mababago, anupat ginagawa iyon sa sariling ikapipinsala ng isa. Ganitung-ganito ang ginawa ni Saul bago siya naging isang Kristiyano, nang labanan niya ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo, na sinusuportahan ng Diyos na Jehova.—Gaw 26:14; ihambing ang Gaw 5:38, 39.