PAMAHALAAN
Ang pangangasiwa at pagsupil ng awtoridad sa mga gawain ng mga tao sa mga komunidad, lipunan, at estado. Tumutukoy rin ito sa tao, lupon ng mga tao, o mga organisasyon na gumaganap bilang namamahalang awtoridad.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga anyo ng salitang ar·kheʹ (pasimula) ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “mga prinsipalidad,” “mga pamahalaan,” “mga tagapamahala,” “mga Soberanya.” (KJ; Dy; NW; AT; JB) Ang ky·berʹne·sis at ky·ri·oʹtes naman, isinasalin bilang “pamahalaan” sa ilang salin, ay mas tumpak na nangangahulugang “pag-ugit [pagpatnubay o pangunguna]” at “pagkapanginoon.” Sa Hebreong Kasulatan, ginagamit kung minsan ang terminong Tagalog na “pamahalaan” upang isalin ang mem·sha·lahʹ, “pamunuan” (Isa 22:21), at mis·rahʹ, “pamunuan” o “pamamahala [o kapangyarihan] bilang prinsipe.”—Isa 9:6.
Isinisiwalat ng Bibliya na may di-nakikitang mga pamahalaan na mabubuti, na ang Diyos ang nagtatag (Efe 3:10), at mayroon din namang mga balakyot, na si Satanas at ang mga demonyo ang nagtatag. (Efe 6:12) Si Jesu-Kristo ang aktibong ahente ng Diyos nang ilagay Niya noong una ang lahat ng matuwid na mga pamahalaan at mga awtoridad, kapuwa ang di-nakikita at ang nakikita. (Col 1:15, 16) Inatasan siya ng kaniyang Amang si Jehova bilang ulo ng lahat ng pamahalaan (Col 2:8-10), at mamamahala siya hanggang sa ang lahat ng pamahalaang sumasalansang, kapuwa ang di-nakikita at ang nakikita, ay mapawi na. (1Co 15:24) Ipinahihiwatig ng apostol na si Pablo na may darating na isang sistema ng mga bagay at doo’y magkakaroon ng isang pamahalaan sa ilalim ng awtoridad ni Kristo.—Efe 1:19-21.
Mga Pamahalaan ng Daigdig. Inilalarawan ng Bibliya ang mga pamahalaan ng daigdig bilang “mga hayop” at sinasabi nito na ang kanilang awtoridad ay nanggagaling sa Dragon, si Satanas na Diyablo. Pinahintulutan sila ng Diyos na manatili at nilimitahan niya ang saklaw at ang lawig ng kanilang pamamahala, kasuwato ng kaniyang layunin.—Dan kab 7, 8; Apo kab 13, 17; Dan 4:25, 35; Ju 19:11; Gaw 17:26; 2Co 4:3, 4; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.
Ang mga Kristiyano at ang mga Pamahalaan. Hindi nakialam si Jesu-Kristo at ang unang mga Kristiyano sa mga pamahalaan ng tao noong kanilang mga araw. (Ju 6:15; 17:16; 18:36; San 1:27; 4:4) Kinilala nila na kailangan ang isang anyo ng pamahalaan upang patuloy na umiral ang lipunan, at hindi sila kailanman nagsulsol ng paghihimagsik o ng pagsuway sa pamahalaan. (Ro 13:1-7; Tit 3:1) Ibinigay ni Jesus ang simulaing dapat pumatnubay sa mga tunay na mananamba ng Diyos nang sabihin niya: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mat 22:21) Dahil sa simulaing ito, natulungan ang sinaunang mga Kristiyano (at ang mga naging Kristiyano noong dakong huli) na manatiling timbang may kinalaman sa kanilang kaugnayan sa dalawang awtoridad, yaong sa mga pamahalaang sibil at yaong sa Diyos. Bukod pa rito, noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya kung ano ang pangmalas niya at ng kaniyang mga alagad sa mga pamahalaang “Cesar.” Hindi niya nilabanan ang mga ito kundi sumunod siya sa kanilang mga tuntunin na hindi naman salungat sa kautusan ng Diyos. Napagtanto ni Pilato ang bagay na ito nang sabihin niya: “Wala akong masumpungang pagkakamali sa kaniya.” (Ju 18:38) Ang halimbawa ni Jesus ay sinundan ng kaniyang mga apostol.—Gaw 4:19, 20; 5:29; 24:16; 25:10, 11, 18, 19, 25; 26:31, 32; tingnan ang KAHARIAN; NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD.