PAGHUHUGPONG
Ang proseso kung saan ang supang (sibol, maliit na sanga) ng isang punungkahoy na nagluluwal ng mabuting bunga ay idinurugtong sa sanga ng isa pang punungkahoy na di-gaanong mahusay ang bunga upang permanenteng magsanib ang mga ito. Kadalasan, ginagawa ang paghuhugpong upang pagsamahin ang magagandang katangian ng supang (ang mabuting bunga nito) at ng sanga (ang lakas at tibay nito). Kapag kumapit na nang husto ang inihugpong na mga sanga, bagaman iba nang puno ang pinagkukunan ng mga ito ng sustansiya, magluluwal ang mga ito ng bunga na katulad niyaong sa punungkahoy na pinanggalingan ng mga ito.
Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, inihambing niya ang mga di-Judiong Kristiyano sa mga sanga ng isang ligáw na olibo na inihugpong sa alagang olibo upang humalili sa likas na mga sanga na pinutol. Sinabi niya na ang gayong paraan ng paghuhugpong ay “salungat sa kalikasan.” Ang likas na mga sanga ay tumutukoy sa mga Judio na dahil sa kawalan ng pananampalataya ay nawalan ng oportunidad na mapabilang sa mga nakahanay sa makalangit na Kaharian ng Mesiyas. Gayunman, ang paghuhugpong ng mga sanga ng ligáw na olibo, o mga di-Judiong Kristiyano, sa alagang olibo upang humalili sa “likas na mga sanga” ay hindi dahilan upang magkaroon ng matatayog na kaisipan ang mga Gentil na iyon, sapagkat ang tanging paraan upang maingatan nila ang kanilang posisyon ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Gayundin, inilalarawan ng paghuhugpong ng mga sanga mula sa ligáw na olibo tungo sa alagang olibo ang permanenteng pagsasanib, o pagkakaisa, na pinangyari sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil bilang magkakasamang mga miyembro ng “Israel ng Diyos.”—Ro 11:17-24; Gal 3:28; 6:16; ihambing ang Ju 15:1-6; tingnan ang OLIBO.