HAVOT-JAIR
[Mga Nakatoldang Nayon ni Jair].
Mga nayon na nasa teritoryo ng Manases sa S ng Jordan. Yamang ang “Gilead” ay tumutukoy rin kung minsan sa buong lupain ng Israel sa S ng Jordan (Jos 22:9), maaaring ito ang dahilan kung bakit ang Havot-jair ay sinasabing nasa Gilead (Bil 32:40, 41), bagaman binabanggit ng ibang mga teksto na ang mga nayong ito ay nasa Basan.—Deu 3:14; Jos 13:29, 30.
Kinikilalang si Jair, isang kapanahon ni Moises (at inapo ni Juda sa pamamagitan ni Hezron, ngunit itinuturing ding inapo ni Manases), ang bumihag sa “mga nakatoldang nayon” na ito, na maliwanag na 23 ang bilang. Kinikilala rin na siya ang nagpangalan sa mga ito ng Havot-jair, anupat isinunod niya iyon sa kaniyang pangalan. (Bil 32:39-41; Deu 3:14; 1Cr 2:3, 21-23; tingnan ang JAIR Blg. 1.) Pagkaraan ng maraming taon, 30 lunsod na pag-aari ng 30 anak ni Hukom Jair ang nakilala bilang Havot-jair. Itinuturing ng ilang kritiko na salungat ito sa paliwanag tungkol sa pinagmulan ng pangalang Havot-jair. Gayunman, pansinin na hindi binabanggit ng ulat ng Mga Hukom na ang pangalang Havot-jair ay unang ginamit noong yugtong iyon. Isinasaad lamang ng ulat na noong panahong isinusulat ito, ang pangalan ay ginagamit pa rin at ikinakapit sa nabanggit na 30 lunsod.—Huk 10:3, 4.
Noong panahon ng paghahari ni Solomon, kabilang ang mga nakatoldang nayon ni Jair sa isa sa mga distritong nasa ilalim ng isang kinatawan. (1Ha 4:7, 13) Nang panahong iyon, ang 60 lunsod na binanggit sa 1 Hari 4:13 at sa iba pang mga teksto (Jos 13:30; 1Cr 2:23) ay mga nakukutaang lunsod ng pook ng Argob sa Basan at posibleng hindi kasama sa mga ito ang maraming bayan sa kabukiran. (Ihambing ang Deu 3:4, 5.) “Ang mga nakatoldang nayon” ni Jair ay posibleng iba sa 60 lunsod, ngunit hindi ito tiyak.
Sa isang di-binanggit na panahon sa kasaysayan ng Israel, binihag ng Gesur at Sirya ang Havot-jair.—1Cr 2:23.