JAAZANIAS
[Si Jehova ay Nakinig].
Sa pagwawakas ng kaharian ng Juda, waring naging pangkaraniwang pangalan ito; lahat ng apat na lalaking binanggit sa Bibliya na may ganitong pangalan ay nabuhay sa loob din ng maikling yugto ng panahon na iyon. Ang pangalang ito ay nasumpungan din sa Lachish Letter bilang I, at sa isang tatak na nasumpungan sa Tell en-Nasbeh ay lumilitaw ang mga salitang “Yaʼazanyahu, lingkod [opisyal] ng hari.” (The Biblical Archaeologist, 1947, p. 71) Gayunman, walang tuwirang katibayan na ang gayong inskripsiyon ay nagpapakilala sa kaninuman sa sumusunod na mga tao.
1. Isang lider ng mga Recabita na sinubok ng propetang si Jeremias, sa utos ni Jehova, nang dalhin niya sila sa isa sa mga silid-kainan ng templo at alukin ng alak na maiinom. Tumanggi sila, bilang pagsunod sa utos na ibinigay sa kanila ng kanilang ninunong si Jonadab (Jehonadab) na anak ni Recab mahigit dalawang siglo na ang nakararaan. Dahil dito, nangako si Jehova: “Walang aalisin kay Jonadab na anak ni Recab na lalaking tatayong palagi sa harap ko.” Jeremias din ang pangalan ng ama ni Jaazanias.—Jer 35:1-10, 19.
2. Anak ni Sapan; ang tanging indibiduwal na binanggit ang pangalan sa pangitain ni Ezekiel (612 B.C.E.) hinggil sa 70 lalaki na naghandog ng insenso sa harap ng inukit na mga idolatrosong paglalarawan sa templo sa Jerusalem.—Eze 8:1, 10, 11.
3. Anak ni Azur; isa sa 25 lalaki na nakita sa pangitain ni Ezekiel na nakatayo sa silanganing pintuang-daan ng templo ni Jehova. Si Jaazanias at ang kaniyang mga kasamahan ay “nagpapakana ng pananakit at nagbibigay ng masamang payo laban sa lunsod na ito,” at si Ezekiel ay inutusang manghula laban sa kanila.—Eze 11:1-4.
4. Isang pinuno ng militar ng Juda noong maikling yugto kasunod ng pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ng mga Babilonyo. Si Jaazanias (Jezanias, gaya ng baybay sa kaniyang pangalan kung minsan) ay isa sa mga sumuporta kaagad sa pag-aatas kay Gobernador Gedalias. (2Ha 25:23; Jer 40:7, 8) Ipinapalagay na kasama siya nang babalaan ng “lahat ng mga pinuno ng mga hukbong militar” si Gedalias tungkol sa banta ni Ismael sa buhay nito at, pagkatapos na paslangin ni Ismael si Gedalias, kasama siyang tumugis kay Ismael at bumawi sa mga dinala nito bilang mga bihag. (Jer 40:13, 14; 41:11-16) Kabilang si Jezanias sa mga lider na sumangguni kay Jeremias may kinalaman sa kung ano ang gagawin noon, ngunit sa halip na sundin ang payo nito, dinala nila sa Ehipto ang kakaunting naiwan. (2Ha 25:26; Jer 42:1-3, 8; 43:1-5) “Si Azarias na anak ni Hosaias” ay posibleng kapatid ni Jaazanias, ngunit mas malamang na siya rin si Jaazanias.—Jer 43:2.