JABIN
[posible, May Pang-unawa; Nakauunawa; o, Isa na Nagtatayo].
Marahil ay pangalan ng isang dinastiya o titulo ng mga Canaanitang hari ng Hazor.
1. Ang hari ng Hazor nang salakayin ni Josue ang Lupang Pangako. Bumuo si Jabin ng isang kompederasyon ng mga Canaanitang hari sa hilaga, at tinipon ng mga ito laban sa Israel ang isang hukbo na “sindami ng mga butil ng buhangin . . . [kasama ang] napakaraming mga kabayo at mga karong pandigma.” Noong nagkakampo sila sa may tubig ng Merom, ang kanilang pinagsama-samang mga hukbo ay natalo dahil bigla silang sinalakay ni Josue at pagkatapos ay tinugis. Pinatay si Jabin nang ang Hazor mismo ay mabihag at sunugin.—Jos 11:1-14; 12:7, 19.
2. Isang Canaanitang hari na namahala mula sa isinauling Hazor; posibleng inapo ng Blg. 1. Maaaring ipinahihiwatig ng pagtawag kay Jabin bilang “hari ng Canaan” na nakatataas siya sa iba pang mga haring Canaanita, anupat mayroon siyang higit na kapangyarihan at awtoridad; lumilitaw nga na may iba pa na kaalyado niya. Sa kabilang dako, maaaring ipinakikita lamang ng pananalitang iyon ang kaibahan niya sa mga hari ng ibang lupain. Ang hukbo ni Jabin, kabilang ang 900 karo na may mga lingkaw na bakal, ay pinangungunahan ni Sisera, na mas prominente sa ulat kaysa kay Jabin mismo.—Huk 4:2, 3; 5:19, 20.
Sa kapahintulutan ni Jehova, may-kabagsikang siniil ni Jabin ang apostatang Israel sa loob ng 20 taon. Ngunit nang tumawag sila sa Diyos ukol sa kaligtasan, ibinangon ni Jehova sina Barak at Debora upang pangunahan ang Israel sa tagumpay laban sa hukbo ni Jabin. Si Sisera ay pinatay ng asawa ni Heber na Kenita, na may pakikipagpayapaan kay Jabin. (Huk 4:3-22) Patuloy na nakipagdigma ang mga Israelita laban kay Jabin at nang dakong huli ay napatay nila siya.—Huk 4:23, 24; Aw 83:9, 10.