JEHOSAPAT, MABABANG KAPATAGAN NI
Maliwanag na isang makasagisag na lugar. Tinawag din itong “mababang kapatagan ng pasiya.” (Joe 3:2, 14) Yamang may kaugnayan ito sa paglalapat ng Diyos ng kahatulan, angkop itong tukuyin bilang ang “mababang kapatagan ni Jehosapat,” sapagkat ang pangalang Jehosapat ay nangangahulugang “Si Jehova ay Hukom.” Gayundin, noong panahon ng paghahari ni Jehosapat, iniligtas ni Jehova ang Juda at Jerusalem mula sa pinagsama-samang mga hukbo ng Ammon, Moab, at ng bulubunduking pook ng Seir, anupat nilito niya ang mga hukbo ng kaaway upang magpatayan ang mga ito.—2Cr 20:1-29.
Sa makasagisag na “mababang kapatagan ni Jehosapat,” hahatulan ni Jehova ng pagkapuksa ang mga bansa dahil sa pagmamalupit nila sa kaniyang bayan. Ang mababang kapatagan mismo ay magsisilbing isang malaki at makasagisag na pisaan ng ubas kung saan dudurugin ang mga bansa na gaya ng mga kumpol ng ubas. Waring hindi naman makatuwiran na iugnay sa literal na Libis ng Kidron, Libis ng Hinom, o sa Libis ng Jezreel ang “mababang kapatagan ni Jehosapat,” gaya ng ginagawa ng iba. Napakaliit ng mga libis na ito para magkasiya roon ang “lahat” ng mga bansa.—Joe 3:1-3, 12-14; ihambing ang Apo 14:18-20.