Ipinatupad Na ang Hatol sa Mababang Kapatagan ng Pasiya
“Hayaang . . . umahon ang mga bansa sa mababang kapatagan ni Jehosapat; sapagkat doon ako mauupo upang humatol sa lahat ng bansa.”—JOEL 3:12.
1. Bakit nakakakita si Joel ng mga karamihan na nagkatipon sa “mababang kapatagan ng pasiya”?
“MGA karamihan, mga karamihan ang nasa mababang kapatagan ng pasiya”! Mababasa natin ang nakapupukaw na mga salitang iyan sa Joel 3:14. Bakit nagkatipon ang karamihang ito? Sumasagot si Joel: “Ang araw ni Jehova ay malapit na.” Ito ang dakilang araw ng pagbabangong-puri ni Jehova—ang araw ng pagpapatupad ng hatol sa mga karamihan na ayaw tumanggap sa itinatag nang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Sa wakas, kakalagan ng “apat na anghel” ng Apocalipsis kabanata 7 ang mahigpit na hawak nila sa “apat na hangin ng lupa,” na siyang magiging sanhi ng “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”—Apocalipsis 7:1; Mateo 24:21.
2. (a) Bakit ang dako sa pagpapatupad ng hatol ni Jehova ay angkop na tinatawag na “mababang kapatagan ni Jehosapat”? (b) Paano wastong tumugon si Jehosapat nang siya’y salakayin?
2 Sa Joel 3:12, ang dako para sa pagpapatupad na ito ng hatol ay tinatawag na ang “mababang kapatagan ni Jehosapat.” Kasuwato nito, sa isang magulong panahon sa kasaysayan ng Juda, nagpatupad si Jehova ng kahatulan sa dakong iyon alang-alang sa mabuting Haring si Jehosapat, na ang pangala’y nangangahulugang “si Jehova ay Hukom.” Kung isasaalang-alang natin ang nangyari noong panahong iyon, higit nating mauunawaan kung ano ang malapit nang mangyari sa ating kapanahunan. Ang ulat ay matatagpuan sa 2 Cronica kabanata 20. Sa 2Cron 20 talatang 1 ng kabanatang ito, mababasa natin na “ang mga anak ni Moab at ang mga anak ni Ammon at kasama nila ang ilan sa mga Ammonim ay pumaroon laban kay Jehosapat sa digmaan.” Ano ang naging reaksiyon ni Jehosapat? Ginawa niya ang laging ginagawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova kapag nagigipit. Bumaling siya kay Jehova para sa patnubay, anupat marubdob na nanalangin ng ganito: “O Diyos namin, hindi ka ba maglalapat ng kahatulan sa kanila? Sapagkat sa amin ay walang kapangyarihan sa harapan ng malaking pulutong na ito na dumarating laban sa amin; at hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”—2 Cronica 20:12.
Sinagot ni Jehova ang Isang Panalangin
3. Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jehova sa Juda nang mapaharap sila sa pagsalakay ng karatig na mga bansa?
3 Samantalang “ang lahat ng mga sa Juda ay nakatayo sa harapan ni Jehova, maging ang kanilang maliliit na bata, ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak,” ibinigay ni Jehova ang kaniyang sagot. (2 Cronica 20:13) Kung paano niya ginagamit ang kaniyang “tapat at maingat na alipin” sa ngayon, ang dakilang Dumirinig ng panalangin ay nagbigay ng kapangyarihan sa Levitang propetang si Jahaziel upang ilahad ang Kaniyang sagot sa mga nagkatipon. (Mateo 24:45) Mababasa natin: “Narito ang sinabi ni Jehova sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o masindak man dahil sa malaking pulutong na ito; sapagkat ang pagbabaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos. . . . Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito. Lumagay kayo sa inyong dako, manatili kayong nakatayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova para sa inyo. . . . Huwag kayong matakot o masindak man. Bukas ay lumabas kayo laban sa kanila, at si Jehova ay sasainyo.’ ”—2 Cronica 20:15-17.
4. Sa anong paraan hiniling ni Jehova na ang kaniyang bayan ay maging aktibo, hindi basta maging kampante, kapag napaharap sila sa hamon ng kaaway?
4 Higit pa ang hinihiling ni Jehova kay Haring Jehosapat at sa kaniyang bayan kaysa basta umupong kampante, na naghihintay ng makahimalang pagliligtas. Kailangang gumawa sila ng hakbang upang harapin ang hamon ng kaaway. Ang hari at ‘ang lahat ng mga sa Juda, maging ang kanilang maliliit na bata, ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak,’ ay nagpakita ng matibay na pananampalataya habang masunurin silang bumangon nang maaga sa kinaumagahan at nagmartsa upang salubungin ang dumadaluhong na mga pulutong. Habang nasa daan, ang hari ay patuloy na nagbigay ng mga teokratikong tagubilin at pampatibay-loob, na humihimok sa kanila ng ganito: “Manampalataya kayo kay Jehova na inyong Diyos upang kayo ay mamalagi. Manampalataya kayo sa kaniyang mga propeta at sa gayon ay maging matagumpay.” (2 Cronica 20:20) Pananampalataya kay Jehova! Pananampalataya sa kaniyang mga propeta! Naroon ang susi sa tagumpay. Gayundin sa ngayon, habang patuloy tayong nagiging aktibo sa paglilingkod kay Jehova, harinawang huwag tayong mag-alinlangan kailanman na kaniyang papagtatagumpayin ang ating pananampalataya!
5. Paanong aktibo ang mga Saksi ni Jehova ngayon habang pinupuri nila si Jehova?
5 Katulad ng mga taga-Judea noong kaarawan ni Jehosapat, kailangan tayong ‘magbigay ng papuri kay Jehova, sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang-takda.” Paano natin ibibigay ang papuring ito? Sa pamamagitan ng ating masigasig na pangangaral ng Kaharian! Kung paanong “pinasimulan [ng mga taga-Judea na iyon] ang hiyaw ng kagalakan at papuri,” tayo rin ay maglalakip ng gawa sa ating pananampalataya. (2 Cronica 20:21, 22) Oo, magpakita tayo ng gayunding tunay na pananampalataya habang naghahanda si Jehova na kumilos laban sa kaniyang mga kaaway! Bagaman waring mahaba ang daan, maging determinado tayo na magbata, maging aktibo sa pananampalataya, tulad din ng ginagawa ng kaniyang matagumpay na bayan sa maliligalig na bahagi ng lupa ngayon. Sa ilang lupain na matinding sinasalanta ng pag-uusig, karahasan, taggutom, at karukhaan, ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nagtatamasa ng kahanga-hangang resulta, gaya ng iniuulat ng 1998 Yearbook of Jehovah’s Witnesses.
Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Bayan
6. Paano tayo natutulungan ng matibay na pananampalataya upang manatiling matapat ngayon?
6 Ang di-makadiyos na mga bansang nakapalibot sa Juda ay nagsikap na sakmalin ang bayan ng Diyos, subalit tumugon sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri sa kaniya ang mga lingkod ni Jehova dahil sa taglay nilang ulirang pananampalataya. Tayo man ay makapagpapakita ng gayunding uri ng pananampalataya ngayon. Kung ating pupunuin ang ating buhay ng mga gawa ng papuri kay Jehova, patitibayin natin ang ating espirituwal na baluti, anupat walang maiiwang puwang na malulusutan ng tusong mga pakana ni Satanas. (Efeso 6:11) Susugpuin ng matibay na pananampalataya ang anumang hilig na mailihis ng mabababang uri ng libangan, materyalismo, at pagwawalang-bahala na namamayani sa naghihingalong sanlibutang nakapalibot sa atin. Ang di-madaraig na pananampalatayang ito ay magpapanatili sa atin sa tapat na paglilingkod na kasama ang “tapat at maingat na alipin” habang patuloy tayong pinalulusog ng inihandang espirituwal na pagkain na inilalaan “sa tamang panahon.”—Mateo 24:45.
7. Paano tumutugon ang mga Saksi ni Jehova sa sari-saring pagsalakay sa kanila?
7 Ang ating salig-sa-Bibliyang pananampalataya ay magsasanggalang sa atin laban sa mga kampanya ng paninira na pinupukaw ng mga may espiritu ng “masamang alipin” sa Mateo 24:48-51. Bilang kapuna-punang katuparan sa hulang ito, ang mga apostata ay aktibo sa paghahasik ng kasinungalingan at propaganda sa maraming lupain sa ngayon, nakikipagsabuwatan pa nga sa ilan na may posisyon ng awtoridad sa mga bansa. Kapag angkop, tumutugon ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng binabanggit sa Filipos 1:7, na ‘ipinagtatanggol at legal na itinatatag ang mabuting balita.’ Halimbawa, noong Setyembre 26, 1996, sa isang kasong nangyari sa Gresya, ang siyam na hukom ng European Court of Human Rights, sa Strasbourg, ay nagkaisang nagpatibay na “ang mga Saksi ni Jehova ay saklaw ng katuturang ‘kilalang relihiyon,’ ” na may karapatang magtamasa ng kalayaan ng kaisipan, budhi, at paniniwala, at ng karapatang ipahayag ang kanilang pananampalataya. Kung tungkol sa mga apostata, ganito ang hatol ng Diyos: “Ang sinasabi ng totoong kawikaan ay nangyari sa kanila: ‘Ang aso ay nagbalik sa kaniyang sariling suka, at ang babaing baboy na pinaliguan sa paglulubalob sa lusak.’ ”—2 Pedro 2:22.
8. Noong kaarawan ni Jehosapat, paano ipinatupad ni Jehova ang hatol laban sa mga kaaway ng Kaniyang bayan?
8 Noong kaarawan ni Jehosapat, ipinatupad ni Jehova ang hatol laban sa mga ibig puminsala sa Kaniyang bayan. Mababasa natin: “Si Jehova ay naglagay ng mga lalaking tatambang laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab at ng bulubunduking pook ng Seir na pumaparoon sa Juda, at sinaktan nila ang isa’t isa. At ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay tumayo laban sa mga tumatahan sa mga bulubunduking pook ng Seir upang sila ay italaga sa pagkapuksa at lipulin sila; at nang matapos sila sa mga tumatahan sa Seir, nagkatulungan ang bawat isa sa kanila na lipulin ang kaniyang kapuwa.” (2 Cronica 20:22, 23) Ang dakong iyon ay tinawag ng mga taga-Judea na ang Mababang Kapatagan ng Beraca, yamang ang Beraca ay nangangahulugang “Pagpapala.” Sa modernong panahon din naman, ang pagpapatupad ni Jehova ng hatol sa kaniyang mga kaaway ay magdudulot ng malalaking pagpapala sa kaniyang sariling bayan.
9, 10. Sino ang mga nagpakitang sila’y karapat-dapat sa masamang hatol ni Jehova?
9 Maitatanong natin, Sinu-sino sa modernong panahon ang tatanggap ng masamang hatol mula kay Jehova? Upang malaman ang sagot sa tanong na ito, kailangan nating balikan ang hula ni Joel. Bumabanggit ang Joel 3:3 ng tungkol sa mga kaaway ng kaniyang bayan na “magbibigay ng batang lalaki para sa isang patutot, at ang batang babae ay ipagbibili para sa alak.” Oo, itinuturing nilang napakababa ng mga lingkod ng Diyos kung ihahambing sa kanila, anupat ang kanilang mga anak ay kasinghalaga ng upa sa isang patutot o sa halaga ng isang pitsel ng alak. Kailangang panagutan nila iyon.
10 Nararapat sa gayunding paghatol yaong nagsasagawa ng espirituwal na pagpapatutot. (Apocalipsis 17:3-6) At lalo nang dapat sisihin yaong nagsusulsol sa makapulitikang mga pinuno na usigin ang mga Saksi ni Jehova at hadlangan ang kanilang gawain, gaya ng ginawa ng magugulong lider ng relihiyon sa Silangang Europa nitong kamakailan. Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang determinasyon na kumilos laban sa gayong manggagawa ng kaimbian.—Joel 3:4-8.
“Pabanalin ang Digmaan!”
11. Paano hinamon ni Jehova sa digmaan ang kaniyang mga kalaban?
11 Sumunod, inuutusan ni Jehova ang kaniyang bayan na ihayag ang isang hamon sa gitna ng mga bansa: “Pabanalin ang digmaan! Pukawin ang makapangyarihang mga tao! Lumapit sila! Umahon sila, lahat ng lalaki ng digmaan!” (Joel 3:9) Ito ay isang kapahayagan ng isang natatanging uri ng pakikidigma—matuwid na pakikidigma. Umaasa ang tapat na mga Saksi ni Jehova sa espirituwal na mga sandata habang sinasagot nila ang sinungaling na propaganda, anupat sinasalungat ang kabulaanan sa pamamagitan ng katotohanan. (2 Corinto 10:4; Efeso 6:17) Hindi na magtatagal, babanalin ng Diyos “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Papalisin nito mula sa lupa ang lahat ng mga sumasalansang sa soberanya ng Diyos. Ang kaniyang bayan sa lupa ay hindi magkakaroon ng mismong pakikibahagi roon. Sa literal at makasagisag na paraan, kanilang ‘pinanday ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit.’ (Isaias 2:4) Kakaiba rito, hinahamon ni Jehova ang mga bansa na gawin ang kabaligtaran nito: “Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit.” (Joel 3:10) Inaanyayahan niya silang gamitin ang lahat ng kanilang mga armas sa pakikidigma. Ngunit hindi sila maaaring magtagumpay, sapagkat ang pagbabaka at ang tagumpay ay kay Jehova!
12, 13. (a) Sa kabila ng pagtatapos ng Cold War, paano ipinakita ng maraming bansa na sila’y mahilig pa rin sa pakikipagdigma? (b) Sa ano hindi handa ang mga bansa?
12 Noong pasimula ng dekada ng 1990, ipinahayag ng mga bansa na tapos na ang tinatawag na Cold War. Dahil dito, natamo na ba ang pangunahing mithiin ng United Nations na kapayapaan at katiwasayan? Tiyak na hindi! Ano ang sinasabi sa atin ng mga pangyayari sa Burundi, Democratic Republic of Congo, Iraq, Liberia, Rwanda, Somalia, at ang dating Yugoslavia? Sa mga salita ng Jeremias 6:14, kanilang sinasabi: “ ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.”
13 Bagaman ang tuwirang digmaan ay huminto na sa ilang dako, ang mga bansang kabilang sa UN ay nakikipagkompetensiya pa rin sa isa’t isa sa paggawa ng higit pang sopistikadong mga sandatang pandigma. Ang ilan ay nag-iipon pa rin ng nuklear na mga sandata. Ang iba ay gumagawa ng mga sandatang kemikal o baktirya na kayang lumipol nang maramihan. Habang natitipon ang mga bansang iyon sa makasagisag na dakong tinatawag na Armagedon, hinahamon niya sila: “Tungkol sa mahina, sabihin niya: ‘Ako’y isang makapangyarihang tao.’ Magsiparito kayo at tumulong, kayong lahat na bansa sa palibot, at mangagpisan kayo.” Pagkatapos ay ipinasok ni Joel ang kaniyang sariling kahilingan: “Sa dakong iyon, O Jehova, iyong pababain doon ang iyong mga makapangyarihan.”—Joel 3:10, 11.
Ipinagsasanggalang ni Jehova Yaong mga Sariling Kaniya
14. Sino ang mga makapangyarihan ni Jehova?
14 Sinu-sino ang mga makapangyarihan ni Jehova? Mga 280 ulit sa Bibliya, ang tunay na Diyos ay tinawag na si “Jehova ng mga hukbo.” (2 Hari 3:14) Ang mga hukbong ito ay ang anghelikong mga hukbo sa langit na laging nakahanda upang gawin ang anumang iniuutos sa kanila ni Jehova. Nang tangkain ng mga Siryano na hulihin si Eliseo, sa wakas ay binuksan ni Jehova ang mata ng lingkod ni Eliseo upang makita niya ang dahilan kung bakit sila mabibigo: “Narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” (2 Hari 6:17) Sinabi ni Jesus na maaari siya humiling sa kaniyang Ama ng “mahigit sa labindalawang lehiyon ng mga anghel.” (Mateo 26:53) Sa paglalarawan sa pagsakay ni Jesus upang magpatupad ng hatol sa Armagedon, ganito ang sabi ng Apocalipsis: “Ang mga hukbo na nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nasa mga kabayong puti, at nararamtan sila ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino. At lumalabas mula sa kaniyang bibig ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito, at papastulan niya sila ng isang tungkod na bakal. Niyuyurakan din niya ang pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 19:14, 15) Ang makasagisag na pisaang iyon ng ubas ay buong-tingkad na inilalarawan bilang ang “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”—Apocalipsis 14:17-20.
15. Paano inilalarawan ni Joel ang pakikipagdigma ni Jehova laban sa mga bansa?
15 Kung gayon, paano sinasagot ni Jehova ang kahilingan ni Joel na pababain ang sariling mga makapangyarihan ng Diyos? Sa ganitong detalyadong pananalita: “Hayaang mapukaw at magsiahon ang mga bansa sa mababang kapatagan ni Jehosapat; sapagkat doon ako uupo upang hatulan ang lahat ng bansa sa palibot. Gamitin ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Halikayo, bumaba kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas ay punô na. Ang imbakan ng alak ay inaapawan; sapagkat ang kanilang kasamaan ay sumagana. Mga karamihan, mga karamihan sa mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya. Ang araw at ang buwan ay magdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang kislap. At si Jehova ay uungol mula sa Sion, at palalakasin ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. At ang langit at ang lupa ay tiyak na mayayanig.”—Joel 3:12-16.
16. Sino ang magiging kabilang sa mga nakatakdang hatulan ni Jehova?
16 Kung paanong ang pangalang Jehosapat ay tiyak na nangangahulugang “si Jehova ay Hukom,” ganiyan ding katiyak na lubusang ipagbabangong-puri ng ating Diyos, si Jehova, ang kaniyang soberanya sa pagpapatupad ng hatol. Inilalarawan ng hula yaong mga tatanggap ng masamang hatol bilang ‘mga karamihan, mga karamihan sa mababang kapatagan ng pasiya.’ Sinumang natitirang tagapagtaguyod ng huwad na relihiyon ay kabilang sa mga karamihang ito. Kabilang din yaong mga binabanggit sa ikalawang Awit—ang mga bansa, mga bayan, mga hari ng lupa, at matataas na opisyal—na mas pumili sa bulok na sistema ng sanlibutang ito sa halip na sa ‘paglilingkod kay Jehova na may takot.’ Ang mga ito’y tumatangging “hagkan ang anak.” (Awit 2:1, 2, 11, 12) Hindi nila kinikilala si Jesus bilang katuwang na Hari ni Jehova. Bukod dito, kabilang sa mga karamihan na nakatakdang puksain ay ang lahat ng taong hahatulan ng maluwalhating Haring iyon bilang “mga kambing.” (Mateo 25:33, 41) Sa takdang panahon ng pag-ungol ni Jehova mula sa makalangit na Jerusalem, ang kaniyang katuwang na Hari ng mga hari ay sasakay upang ipatupad ang hatol na iyon. Tiyak na mayayanig ang langit at lupa! Gayunpaman, tinitiyak sa atin: “Si Jehova ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at moog para sa mga anak ni Israel.”—Joel 3:16.
17, 18. Sino ang ipinakilala bilang mga makaliligtas sa malaking kapighatian, at anong mga kalagayan ang tatamasahin nila?
17 Ipinakikilala ng Apocalipsis 7:9-17 yaong mga makaliligtas sa malaking kapighatian bilang “isang malaking pulutong” na binubuo niyaong mga sumasampalataya sa tumutubos na bisa ng dugo ni Jesus. Ang mga ito’y makasusumpong ng kanlungan sa araw ni Jehova, samantalang nilalapatan naman ng masamang hatol ang nagtitipong mga karamihan sa hula ni Joel. Ganito ang sabi ni Joel tungkol sa mga makaliligtas: “Inyong malalaman na ako si Jehova na inyong Diyos, na tumatahan sa Sion na aking banal na bundok,” ang makalangit na dakong tahanan ni Jehova.—Joel 3:17a.
18 Pagkatapos ay ipinababatid sa atin ng hula na ang nasasakupan ng makalangit na Kaharian ng Diyos “ay magiging isang banal na dako; at hindi na daraan sa kaniya ang mga estranghero.” (Joel 3:17b) Sa langit at sa makalupang sakop ng makalangit na Kahariang iyon, hindi na magkakaroon ng mga estranghero, sapagkat ang lahat ay magkakaisa sa dalisay na pagsamba.
19. Paano inilalarawan ni Joel ang malaparaisong kaligayahan ng bayan ng Diyos ngayon?
19 Kahit sa ngayon, saganang kapayapaan ang namamayani sa gitna ng bayan ni Jehova dito sa lupa. Buong-pagkakaisa nilang inihahayag ang kaniyang mga kahatulan sa mahigit na 230 lupain at sa mahigit na 300 iba’t ibang wika. Ang kasaganaang ito ay buong-kagandahang inihula ni Joel: “Mangyayari sa araw na yaon, na ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay aagusan ng gatas, at ang lahat ng sahig ng batis ng Juda ay aagusan ng tubig.” (Joel 3:18) Oo, patuloy na ibubuhos ni Jehova sa kaniyang mga tagapuri sa lupa ang nag-uumapaw na nakagagalak na mga pagpapala at kasaganaan at isang mabilis na pag-agos ng mahalagang katotohanan. Ang soberanya ni Jehova ay lubusan nang maipagbabangong-puri sa mababang kapatagan ng pasiya, at magkakaroon ng walang-kahulilip na kagalakan kapag siya’y naninirahan na sa gitna ng kaniyang tinubos na bayan magpakailanman.—Apocalipsis 21:3, 4.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan noong mga kaarawan ni Jehosapat?
◻ Sino ang mga hinatulan ni Jehova bilang karapat-dapat sa pagkapuksa sa “mababang kapatagan ng pasiya”?
◻ Sino ang mga makapangyarihan ng Diyos at anong papel ang gagampanan nila sa pangwakas na alitan?
◻ Anong mga kaligayahan ang tinatamasa ng tapat na mga mananamba?
[Larawan sa pahina 21]
Sinabihan ang Juda: ‘Huwag kayong matakot sapagkat ang pagbabaka ay hindi sa inyo kundi sa Diyos’
[Larawan sa pahina 23]
Hinahamon ni Jehova ang kaniyang mga kaaway na ‘pandayin ang kanilang mga sudsod upang maging mga tabak’
[Larawan sa pahina 24]
Ipinakikilala ng Bibliya ang isang malaking pulutong ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian