“Ang Pakikipagbaka ay Hindi Inyo, Kundi sa Diyos”
“Sumampalataya kayo kay Jehova . . . at sa gayo’y magtatagumpay kayo.”—2 CRONICA 20:20.
1. Sa anu-anong paraan lumalarawan si Jehoshaphat sa nakaluklok na si Jesus?
ISANG mabuting hari si Jehoshaphat ng Juda. “Hindi siya lumiko sa . . . paggawa ng matuwid sa paningin ni Jehova.” (2 Cronica 20:32) Ang kahulugan ng pangalan niya’y “si Jehova ay Hukom.” Kaniyang dinakila ang pangalan ni Jehova, at sa kaniya humingi ng patnubay sa daan ng katuwiran at ng tulong sa paghatol sa Kaniyang bayan. Kaniyang sinikap na ang bayang ito ay maturuan sa kautusan ni Jehova. Siya ay personal na lumapit sa mga taga-Juda upang himukin sila na magbalik sa tunay na pagsamba kay Jehova. Kaniyang inurganisa ang kaharian para sa teokratikong pagsamba. Sa lahat na ito, siya ay angkop na lumalarawan sa Hari, si Jesu-Kristo, na bagong kaluluklok sa kaniyang makalangit na trono noong 1914 at tumitipon ngayon sa mga lingkod ni Jehova para sila’y makaligtas, samantalang ang mga bansa ay tinitipon ng mga hukbo ng mga demonyo para sa pangkatapusang digmaan ng Armagedon.—Mateo 25:31-34; Apocalipsis 16:13, 14, 16.
2. (a) Anong malaking kagipitan ang napaharap sa mga taga-Juda? (b) Anong nakakatulad na kalagayan ang nakaharap sa mga Saksi ni Jehova ngayon? (c) Anong mga bahagi ng sanlibutan ni Satanas ang katumbas ng Ammon, Moab at Bundok ng Seir?
2 Pagkatapos na magbigay-pansin si Jehoshaphat sa pagsasauli ng teokratikong kaayusan sa Juda, may bumangon na malaking kagipitan. Isang makapangyarihang kaaway, “isang lubhang karamihan,” ang galing sa mga lugar ng Ammon, Moab at Bundok ng Seir, at nagbantang lilipulin ang bayan ng Diyos. (2 Cronica 20:1, 2, 22) Ang kalagayan ngayon ay katulad din niyan. Ang mga Saksi ni Jehova, palibhasa “hindi bahagi ng sanlibutan,” ay kinapopootan ng sanlibutan ni Satanas at kadalasa’y buong kalupitan na pinag-uusig ng mga kaaway ng Diyos. (Juan 15:19; 1 Juan 5:19) Ang panunupil sa lupain ng bayan ni Jehova—ang Juda (ibig sabihin, “Purihin”)—ang pinaglalabanang suliranin noong panahon ni Jehoshaphat. Subali’t ngayon, tulad ng pangyayari sa sinaunang Ammon at Moab, ang kasalukuyang malalakas na bansang politikal at ang malaking negosyo (kasali na ang mga pabrikante ng mga armas sa “doomsday”) ay nagpapaligsahan para sa pansanlibutang panunupil. Sa paggawa ng ganito, kanila ring nilulusob ang dako na ang talagang may karapatan, sapol noong 1914, ay ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 11:15, 18) Ang sinaunang Bundok ng Seir ang sakop ng apostatang Edom, na mga inapo ng kakambal ni Jacob na si Esau. Angkop, kung gayon, na ang mga taga-Bundok ng Seir ay lumarawan sa mga hambog na apostata ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon.—Genesis 32:3.
3. Papaanong ang ginawa ni Jehoshaphat at ng mga taga-Juda ay nahahawig sa ginagawa ng tapat na mga Saksi ngayon?
3 Ngayong pinagbabantaan ng sasalakay na mga hukbo, ano kaya ang maaaring gawin ni Haring Jehoshaphat? Bueno, ano ba ang laging ginagawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova pagka sila’y napapaharap sa mga kagipitan, sa mga pag-uusig o panganib sa buhay? Si Jehoshaphat ay “tumalagang hanapin si Jehova.” At sa lahat ng lunsod ng Juda ay nanggagaling ang mga tao “upang sumangguni kay Jehova” sa kaniyang bahay ng tunay na pagsamba.—2 Cronica 20:3-5.
4. (a) Anong mga kalagayan ng maaasahan ng mga lingkod ni Jehova na darating? (b) Saan umaasa ng kaligtasan ang isang dumaraming ‘malaking pulutong’?
4 Anong inam na halimbawa para sa bayan ng Diyos ngayon! Ang panahong ito ng karahasan ay patungo sa sukdulan sa Har-Magedon. Ang mga kalagayan sa sanlibutan ni Satanas ay patuloy na magiging lalong mararahas. (2 Timoteo 3:1, 13) Kadalasan, ang mismong buhay ng mga lingkod ni Jehova ay baka mapasa-panganib. Saan tayo makakasumpong ng kanlungan? Ito’y sa ating pagkakaisa sa pagsamba. Diyan sa ating mga Kingdom Hall at iba pang mga sentro para sa pag-aaral ng Bibliya, tayo’y nagtitipon upang makibahagi sa nagbibigay-buhay na pagkaing espirituwal at upang organisahin ang ating pangmadlang paglilingkod ng papuri kay Jehova. Nakaliligayang maalaman, “isang malaking pulutong” ang patuloy na nagsisilabas, buhat sa lahat ng bansa, upang makisama sa bayan ng Diyos sa kanilang “banal na paglilingkod.” Ang mga baguhang ito ay humuhugos sa ‘bundok ng bahay ng pagsamba kay Jehova.’ Ito’y nangangahulugan din para sa kanila ng kaligtasan.—Apocalipsis 7:9, 15; Isaias 2:3.
5. Tungkol sa “bagong looban” ni Jehoshaphat, ano ba ang ipinahihiwatig nito tungkol sa organisasyon ni Jehova ngayon?
5 Si Jehoshaphat ay tumayo “sa bahay ni Jehova sa harap ng bagong looban.” Maliwanag na ang isang bahagi ng proyekto sa pagtatayo ng hari sa Juda ay ang pagpapalawak sa mga pasilidad sa templo sa Jerusalem ukol sa pagsamba. Gayundin sa ngayon, sa ilalim ng pangunguna ng nagpupuno nang Hari ngayon, si Jesu-Kristo, nagaganap ang isang dakilang proyekto ng espirituwal na pagtatayo, kung kaya’t sa makalupang looban ng templo ni Jehova ay may sapat na dako para sa angaw-angaw na kabilang sa uring di-saserdote, ang “malaking pulutong.” Anong sarap na makasali ka roon!—Awit 27:1-5.
Paglapit kay Jehova
6. (a) Anong mga bagay ang saklaw ng panalangin ni Jehoshaphat? (b) Paano tayo makakasumpong ng lakas kung mga panahon ng pagsubok?
6 Sa bahay ni Jehova, ang buong suliraning iyon ay inilapit ni Jehoshaphat sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kaniyang kinilala si Jehova sa kaniyang pagka-Hari, kapangyarihan at kalakasan, at sinariwa sa kaniyang alaala ang mga ginawa ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan. Kaniyang binanggit ang maningas na panalangin ni Salomon noong iniaalay ang templo at mapagpakumbabang niwakasan iyon ng mga salitang: “Kami sa ganang amin ay walang alam kung ano ang nararapat naming gawin, nguni’t ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.” (2 Cronica 20:5-12; 6:12-14, 34, 35) Ikaw ba ay napalagay na sa ganiyang kalagayan—na para bagang wala kang sinumang mapagbalingan? Noong mga panahong apostoliko si Pablo ay malimit na nasa ganiyang kagipitan. Siya’y lubusang sumandig noon kay Jehova. Nguni’t sa tuwina’y nasasabi niya: “Pagka ako’y mahina, saka naman ako malakas.” Sapagka’t nang mga panahong nadarama niyang siya’y nanghihina sa ganang sarili niya, ang kaniyang lubusang pagtitiwala kay Jehova ang pinagmulan ng di-maigupong lakas. Ikaw man ay maaari ring maging malakas!—2 Corinto 12:10; Kawikaan 18:10.
7. Anong tagubilin ni Moises ang sinusunod noon ng mga taga-Juda?
7 Gunigunihin mo, kung maaari, ang tanawin doon sa malawak na dakong kinaroroonan ng templo sa Jerusalem: “Samantala lahat ng mga nasa Juda ay nangakatayo sa harap ni Jehova, pati na kanilang maliliit na anak, kani-kanilang asawang babae at mga anak na lalaki.” (2 Cronica 20:13) Tiyak na kanilang natatandaan ang mahalagang tagubilin ni Moises tungkol sa layunin ng gayong pagtitipon, na nasusulat sa Deuteronomio 31:12. Mayroong mga nangakatayo sa malaking asambleang iyon samantalang ang mga pamilyang naroroon ay magalang na naghihintay kay Jehova, alisto at handang gawin ang kaniyang iuutos.
Ang Alulod ni Jehova
8. Ipakilala kung ano ang alulod ni Jehova ng pakikipagtalastasan (a) Noong kaarawan ni Jehoshaphat (b) sa ating kaarawan.
8 Papaano kaya sasagutin ng Soberanong Panginoong Jehova ang panalangin ni Jehoshaphat? Si Jehova ay naglaan ng alulod ng pakikipagtalastasan. Ito’y sa katauhan ni Jahaziel, ng tribo ni Levi. Bagaman si Jahaziel ay hindi isang saserdote, pinili siya ni Jehova upang magbalita ng isa sa totoong nakapupukaw at pampalakas-loob na pasabi sa buong Kasulatan. Ang mahalagang bagay ay na “suma-kaniya ang espiritu ni Jehova sa gitna ng kongregasyon.” (2 Cronica 20:14) Si Jehova ba ay naglaan din ng isang katumbas na alulod sa gitna ng kaniyang mga lingkod sa ngayon? Tiyak iyan, sapagka’t ito’y binanggit ni Jesus sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” nang tinutukoy ang pinahirang uri ng “tapat at maingat na alipin,” na pinagkatiwalaan ng Panginoon ng lahat ng kaniyang “ari-arian” dito sa lupa.—Mateo 24:3, 45-47.
9. (a) Paanong angkop nga ang pangalan ni Jahaziel? (b) Ano ba ang pasabi ni Jehova, at paano tayo pinatitibay-loob nito ngayon?
9 Ang kahulugan ng pangalan ni Jahaziel ay “Nakikita ng Diyos.” Tunay na nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa kagipitang iyon. Kaniyang nakikitang patiuna ang dapat na gawin ng bayan ng Diyos. Kaniyang nakikitang patiuna kung ano ang magiging resulta niyaon. Kaya, anong pasabi ang ipinahatid ni Jehova sa pamamagitan ni Jahaziel? Pakinggan! Ito: “Dinggin ninyo, buong Juda at ninyong mga taga-Jerusalem at ikaw na Haring Jehoshaphat! Ganito ang sabi ni Jehova sa inyo, ‘Huwag kayong mangatakot o mangilabot man dahilan sa lubhang karamihang ito; sapagka’t ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos.” (2 Cronica 20:15) Anong laki ng kagalakan ng nagkakaisang pulutong na iyon! At anong laki rin ng ating kagalakan ngayon na malaman na, gaano mang katindi ang gawing pagsalakay sa atin ni Satanas at ng kaniyang mga alipores—gaano mang katindi ng pagsubok sa ating pananampalataya at katapatan—tayo, bilang isang nagkakaisang bayan, ay makapaglalagak ng ating lubos na pagtitiwala kay Jehova, may kumpiyansa na siya ang makikipagbaka para sa atin!—Exodo 15:2, 3; Awit 24:8; 37:3-7; Zacarias 14:3.
Kailangan ang Nagkakaisang Pagkilos!
10. (a) Kailangan noon ng mga taga-Juda na sila’y humarap sa anong pagsubok sa katapatan? (b) Anong gawain ang humahantong sa ‘kakaibang gawa’ ni Jehova?
10 Gayunman, ang mga taga-Juda ay hindi basta tatayo na lamang nang walang ginagawa, na naghihintay lamang na sila’y iligtas ni Jehova. Sila’y isang bayan na kailangang kumilos! Kailangang sumunod sila kay Jehova at gawin ang mga bagay ayon sa kaniyang paraan kung ibig nilang sila’y makaligtas. Tiyak na marami sa kanila ang nag-iisip na ang mga tagubiling nanggaling kay Jehova ay medyo kakatuwa. Sinubok nito ang kanilang katapatan. Sa ganiyan ding paraan, bago isagawa ni Jehova ang kaniyang ‘kakaibang gawa, ang kaniyang kakatuwang gawain,’ sa pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan sa pasimula ng “malaking kapighatian,” kahilingan niya sa kaniyang mga saksi na sila’y makibahagi nang may pagkakaisa sa isang gawain na para sa marami’y tila kakatuwa. Ito ay yaong kanilang banal na paglilingkod na pagparoon sa mga tahanan ng mga tao, paulit-ulit, upang magbigay-babala sa kanila tungkol sa napipintong pagpuksa.—Isaias 28:21; Mateo 24:14, 21.
11, 12. (a) Anong kakatuwang utos ang ibinigay kay Jahaziel, nguni’t paano kumilos ang mga taga-Juda? (b) Paano tayo man ay makapagpapakita rin ng pagtitiwala kay Jehova?
11 Ito’y inilarawan noong una sa mga utos na ibinigay ni Jahaziel sa mga taga-Juda. Ang tinutukoy ay ang hukbo ng mga kaaway, sinabi niya: “Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila. . . . Kayo’y hindi na kakailanganing makipaglaban sa pagbabakang ito. Magsilagay kayo sa inyu-inyong puwesto, magsitayo kayong panatag at tingnan ninyo ang pagliligtas sa inyo ni Jehova. Oh Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o mangilabot man. Bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila, at si Jehova ay sasa-inyo.” (2 Cronica 20:16, 17) Ang walang armas na pulutong na iyon ng mga lalaki, babae at mga bata ay inutusan na kumilos ng pagtayong matatag laban sa sama-samang hukbo ng mga kaaway!—Ihambing ang Awit 148:12, 13.
12 Ganiyan na lamang ang pagpapahalaga ni Jehoshaphat at ng mga taga-Juda sa patnubay na ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ni Jahaziel. “Agad na si Jehoshaphat ay yumukod na ang kaniyang mukha’y nakatungo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga taga-Jerusalem ay nagpatirapa sa harap ni Jehova upang sumamba kay Jehova.” (2 Cronica 20:18) Ang Lalung-dakilang Jehoshaphat, si Jesu-Kristo, ay nagpakita ng gayong pagpapasakop at pagtitiwala kay Jehova nang naririto sa lupa, at matitiyak natin na siya’y kay Jehova tatanggap ng utos sa labanan pagka ‘sa kanang kamay ni Jehova’y kaniyang pinagluray-luray ang mga hari sa araw ng kaniyang galit.’(Awit 110:5, 6) Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay naliligayahan na “sumamba” sa Diyos na kanilang pinagtitiwalaan, samantalang naglilingkod sila sa kaniyang mga looban.—Awit 84:10-12; 122:1-4.
13. Sino, sa ngayon, ang pumupuri kay Jehova sa “tinig na may pambihirang kalakasan,” at ano ang resulta?
13 Sang-ayon sa 2 Cronica 20:19, ang mga mang-aawit sa templo ay “nagsitayo upang purihin si Jehova na Diyos ng Israel sa tinig na may pambihirang kalakasan” sa pagpuri kay Jehova sa harap ng kaniyang mga kaaway? Tunay na sa unahan ng mga lingkod ni Jehova ay naroon ang patuluyang dumaraming grupo ng mga ministrong payunir. Ang auxiliary at regular na mga payunir, espesyal payunir at mga misyonero—yaong mga nangunguna ng pagpuri kay Jehova sa larangan—ay nagtamasa ng 19-porcientong pagsulong noong 1983. Ang kanilang ‘pag-awit’ ay isang pambihirang pag-aabuloy sa kagila-gilalas na kabuuang 436,720,991 oras—isang 13.5-porcientong pagsulong—na ginugol sa ministeryong Kristiyano noong nakalipas na taon (1983).
14. Bilang pagtulad sa halimbawa ng mga taga-Juda, paanong ang marami ngayon ay nagpapakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa?
14 Doon sa Jerusalem noon ay hindi panahon ng pag-aantok. Masunurin ang mga tao at sila’y “nagsisibangong maaga sa kinaumagahan at nagpupunta sa ilang ng Tekoa.” (2 Cronica 20:20) Sila’y masigasig na ipakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa. (Ihambing ang Santiago 2:14.) Sa katulad na paraan, ang mga ministro ng Diyos ngayon ay kalimitan kailangang maging maaga sa trabaho. Ang mga ginang ng tahanan na mga payunir at ang mga iba pa ay kailangang bumangon nang maaga upang asikasuhin ang mga gawaing-bahay upang magugol nila ang buong umaga sa paglilingkod kay Jehova. Mayroong mga tao roon sa sanlibutan ni Satanas na ‘nagbubuntung-hininga at nagsisidaing,’ at sila’y kailangang markahan ng tanda upang makaligtas sa “malaking kapighatian.” Ang mga Saksi ni Jehova ay disididong sila’y matagpuan.—Ihambing ang Ezekiel 9:4.
Umabante sa Pakikipagbaka!
15. (a) Kanino ba kailangang sumampalataya ang mga taga-Juda? (b) Paano tayo “magtatagumpay” ngayon?
15 Ang kasaysayan sa 2 Cronica 20:20 ay nagpapatuloy: “Habang sila’y nagsisilabas, si Jehoshaphat ay tumayo at saka nagsabi: ‘Dinggin ninyo ako, Oh Juda at ninyong mga taga-Jerusalem! Sumampalataya kayo kay Jehova ninyong Diyos upang kayo’y mabuhay nang matagal. Sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta at sa gayo’y magtatagumpay kayo.’ ” Sa ganiyan ding paraan ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ang atin ngayong-nagpupunong Hari, ay nagbigay sa kaniyang mga lingkod ng malaking pampatibay-loob sa katapatan. Naririto iyon sa mga talata na gaya ng sumusunod: Mateo 10:27, 28; 24:9-13; Juan 16:33. Pananampalataya kay Jehova, pananampalataya doon sa kaniyang mga ginagamit bilang kaniyang mga tagapagsalita, oo, pananampalataya sa kaniyang organisasyon! Samantalang tayo’y ‘pumupunta’ sa larangan sa paglilingkod kay Jehova ngayon, anong pagkahala-halaga na tayo’y magpakita ng gayong pananampalataya! Ito ang paraan upang siguradong kamtin ang tagumpay—at kakamtin ng lahat ng nag-alay at bautismadong mga Saksi na tumutupad ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga kaayusan. Kasali na rito ang kaniyang kahanga-hangang paglalaan ng buhay na walang-hanggan, na posible dahil sa inihandog na hain ng kaniyang Anak.—Juan 3:16; 17:3.
16. (a) Alin bang “mga mang-aawit” ang malimit na mga nasa unahan sa paglilingkod? (b) Papaanong lahat ay pumupuri kay Jehova “sa kagandahan ng kabanalan”?
16 At, si Jehoshaphat ay “kumuhang-payo sa bayan at nag-atas ng mga mang-aawit kay Jehova at ng mga maghahandog ng papuri sa kagandahan ng kabanalan habang sila’y nagsisilabas at nagpapauna sa hukbo ng mga lalaki, at nagsasabi: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagka’t ang kaniyang maibiging-awa ay magpakailanman.’ ” (2 Cronica 20:21) Dito ang mga mang-aawit sa templo ang mga nasa unahan sa paglabas patungo sa pakikipagbaka. Sa katulad na paraan, sa patnubay ng pinahirang nalabi ay nariyan ang mga payunir at misyonero, mga naglalakbay na tagapangasiwa pati kani-kanilang asawa, gayundin yaong mga naglilingkod sa mga tahanang Bethel, at ang mga matatanda at ministeryal na mga lingkod sa mga kongregasyon, na kalimitan siyang mga nasa unahan sa pagsasagawa ng banal na paglilingkod, anupa’t kanilang pinasisigla ang lahat ng kaugnay sa mga kongregasyon. Lahat na ito ay naghahandog ng papuri kay Jehova “sa kagandahan ng kabanalan,” at sila’y umaabante nang may teokratikong kaayusan. Kasali sa kanilang espirituwal na kagandahan ‘ang bagong personalidad na Kristiyano, na makikitaan ng tunay na kabanalan at katapatan.’ (Efeso 4:24; Galacia 5:22, 23) Anong laking pribilehiyo sa ngayon ang maging bahagi ka ng pangglobong kilusang ito, na nagbubunyi sa pangalan at maibiging-awa ni Jehova!—Awit 144:1, 2; 136:1-26.
17. (a) Bakit ang bayan ng Diyos ay “hindi na kakailanganing makipaglaban”? (b) Anong “kaisipan” ni Jehova ang magdadala ng kapahamakan sa huwad na relihiyon?
17 Sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Kayo’y hindi na kakailanganing makipaglaban sa pagbabakang ito.” At ganoon nga ang nangyari. “At nang sila’y magsimulang magsiawit at magpuri,” si Jehova ay naglagay ng mga bakay laban sa lumulusob na mga hukbo, kaya “ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsibangon laban sa mga tagaroon sa kabundukan ng Seir upang sila’y puksain at lipulin.” (2 Cronica 20:17, 22, 23) Anong liwanag na ipinaghahalimbawa nito ang pagkalapit-lapit nang mangyari sa sanlibutan ni Satanas! Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 17:16, 17, si Jehova ay may “kaisipan” tungkol sa Babilonyang Dakila, na ang Sangkakristiyanuhan ang totoong nakasusuklam na bahagi. Kaniyang pangyayarihin na ang militarisadong mga miyembrong bansa ng UN ang magkaroon ng ganito ring “kaisipan,” sa pamamagitan ng pagbaling nila sa huwad na relihiyon, upang hubaran at wasakin siya. Ang pagkalaki-laking sistemang apostata ng Sangkakristiyanuhan, tulad ng mga Edomitang iyon sa bundok ng Seir, ay madudurog!
18. Papaano lilipulin ang modernong Ammon at Moab sa Har–Magedon?
18 Subali’t, hindi pa iyan ang lahat! Ang modernong Ammon at Moab ay umiiral pa rin! (Ihambing ang Apocalipsis 18:9, 10, 15-17.) Sila’y mapusok sa kanilang hangaring lipulin ang mga tagapuri kay Jehova, ang mga taga-Juda sa ngayon. Subali’t panahon na ito para isagawa ni Jehova ang kaniyang inihatol. Gaya ng paglalarawan sa Apocalipsis 19:11-16, ang Hari, si Jesu-Kristo, ay hahayo upang ‘yurakan ang alilisan ng alak ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,’ anupa’t kaniyang nililipol ang natitirang mga bahagi ng pansanlibutang sistema ni Satanas. Sa kasukdulan ng dakilang labanang iyan, ang baliw na mga natitira pang bahagi ng politikal na mga bansa at ang kanilang mga alipores na militar ay tiyak na maglalaban-laban at gagamitin nila ang kanilang mga armas sa paglipol sa isa’t isa. Ganiyan ang nangyari sa Ammon at sa Moab, nang “sila bawa’t isa’y tumulong ng paglipol sa isa’t isa.” Subali’t kailanman ay hindi sila pahihintulutan ni Jehova na gamitin ang kanilang mga kagamitang nuclear hanggang sa sukdulang malipol ang mga lingkod ng Diyos o ang kaniyang obra maestrang ito, ang ating mundo.—Apocalipsis 11:18; Isaias 45:12, 18; Awit 115:16.
19. (a) Kung magkagayo’y papaano kikilos ang modernong mga taga-Juda pagka sila’y tumanaw at nagmasid na sa larangang-digmaan? (b) Ano ang inilalarawan ng ‘pagtitipun-tipon sa Libis ng Beracah’?
19 “At ang Juda ay dumating sa bantayang-moog sa ilang. Nang kanilang tanawin ang karamihan, aba, naroon, ang kanilang mga bangkay ay nangagkalat sa lupa at walang isa man na nakatanan.” Pagka ang modernong “mga taga-Juda,” kasama ang kanilang mga kapananampalatayang mananamba, ay tumanaw at nagmasid na sa mga resulta ng digmaan ng Har–Magedon, kanilang pupurihin si Jehova dahilan sa dakilang tagumpay na iyon. Hindi na kailangang sila’y literal na manguha ng samsam, kundi ikagagalak nila na magtipun-tipon sa simbolikong “Libis ng Beracah”—sapagka’t ang kahulugan ng Beracah ay “Pagpapala.” Ang uring di-saserdote na “malaking pulutong” ay papasok sa isang nilinis na lupa, sa ilalim ng paghahari ng Kaharian, taglay ang malaking pananabik sa kanilang napipintong pribilehiyo—gawing isang halamanang paraiso ang lupa. Sa loob ng isang libong taon ang makalupang sakop ng Lalung-dakilang Jehoshaphat, si Jesu-Kristo, ay walang gagambala, at ang kaniyang Diyos, si Jehova, ay patuloy na magbibigay ng kapahingahan sa buong palibot.—2 Cronica 20:24-30.
Repaso sa 2 Cronica 20
◻ Sino sa ngayon ang katumbas ng mga hukbo ng Ammon, Moab at Bundok ng Seir?
◻ Sino ang inilalarawan ni Jehoshaphat, Jahaziel at ng mga taga-Juda?
◻ Paanong gumawa ng napakainam na pagtugon ang modernong mga taga-Juda?
◻ Ano ang nagbibigay sa atin ng pagtitiwala sa magiging resulta ng “malaking kapighatian”?
[Mga larawan sa pahina 18, 19]
Tulad ni Jehoshaphat, ang nakaluklok na si Jesus ay tumutulong ngayon sa mga lingkod ng Diyos na ‘magtagumpay’ sa pagpuri kay Jehova