Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Hari, Mga Aklat ng mga”
  • Hari, Mga Aklat ng mga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hari, Mga Aklat ng mga
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Aklat ng Bibliya Bilang 11—1 Hari
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Aklat ng Bibliya Bilang 12—2 Hari
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Tulong sa Pag-unawa ang Dalawang Aklat ng Mga Hari
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Nilalaman ng 1 Hari
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Hari, Mga Aklat ng mga”

HARI, MGA AKLAT NG MGA

Mga aklat ng Banal na Kasulatan na naglalahad sa kasaysayan ng Israel mula noong mga huling araw ni Haring David hanggang noong palayain si Haring Jehoiakin mula sa bilangguan sa Babilonya.

Noong una, ang dalawang aklat ng Mga Hari ay magkasama sa iisang balumbon na tinatawag na Mga Hari (sa Heb., Mela·khimʹ), at sa Bibliyang Hebreo sa ngayon ay itinuturing pa rin ang mga ito bilang iisang aklat, ang ikaapat sa seksiyon na tinatawag na Unang mga Propeta. Sa Griegong Septuagint, ang Mga Aklat ng Mga Hari ay tinatawag na Ikatlo at Ikaapat na Kaharian, yamang ang Mga Aklat ng Samuel ang tinutukoy na Una at Ikalawang Kaharian. Sa Latin na Vulgate, ang grupong ito ng mga aklat ay kilala bilang ang apat na aklat ng Mga Hari dahil mas pinili ni Jerome ang pangalang Regum (Mga Hari), alinsunod sa titulong Hebreo, kaysa sa Regnorum (Mga Kaharian) na literal na salin ng titulo sa Septuagint. Praktikal lamang na sa Septuagint ay hinati sa dalawa ang aklat sapagkat ang Griegong salin na may mga patinig ay nangailangan ng espasyo na halos doble niyaong sa Hebreo, na sinimulan lamang gamitan ng mga patinig noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo ng Karaniwang Panahon. Sa mga bersiyong Griego, hindi pare-pareho ang pagkakahati sa pagitan ng Ikalawang Samuel at ng Unang Hari. Halimbawa, sa mapanuring rebisyon ng Septuagint ni Lucian, ang Unang Hari ay sinimulan niya sa 1 Hari 2:12 ng ating makabagong-panahong mga Bibliya.

Pagsulat ng mga Aklat. Bagaman ang pangalan ng manunulat ng mga aklat ng Mga Hari ay hindi binanggit sa dalawang ulat, ipinahihiwatig sa Kasulatan at pinatototohanan ng tradisyong Judio na si Jeremias ang sumulat ng mga ito. Maraming salita at ekspresyong Hebreo na matatagpuan sa dalawang aklat na ito ang hindi lumilitaw sa ibang bahagi ng Bibliya maliban sa hula ni Jeremias. Ang mga aklat ng Mga Hari at ang aklat ng Jeremias ay nagsisilbing kapupunan ng isa’t isa; karaniwan na, kapag ang mga pangyayari ay inilahad na nang detalyado sa mga aklat ng Mga Hari, pahapyaw na lamang itong sinasaklaw sa aklat ng Jeremias, at totoo rin ang kabaligtaran nito. Ang hindi pagbanggit kay Jeremias sa mga aklat ng Mga Hari, bagaman isa siyang napakaprominenteng propeta, ay makatuwiran lamang na asahan kung si Jeremias ang manunulat, sapagkat detalyadong isinasalaysay ang kaniyang mga gawain sa aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ang mga aklat ng Mga Hari ay naglalahad ng mga kalagayan sa Jerusalem pagkatapos na magsimula ang pagkatapon, sa gayo’y ipinahihiwatig na hindi dinala sa Babilonya ang manunulat, na totoo sa kaso ni Jeremias.​—Jer 40:5, 6.

Ayon sa ilang iskolar, ang mga aklat ng Mga Hari ay kakikitaan ng katibayan na ginawa ito ng mahigit sa isang manunulat o tagapagtipon. Gayunman, maliban sa pagkakaiba-ibang bunga ng ginamit na mga mapagkukunan ng impormasyon, dapat pansinin na ang pananalita, istilo, bokabularyo, at balarila ng mga aklat ay walang pagbabago.

Ang Unang Hari ay sumasaklaw ng isang yugto na mga 129 na taon, pasimula sa mga huling araw ni Haring David, noong mga 1040 B.C.E., hanggang sa kamatayan ng Judeanong si Haring Jehosapat noong mga 911 B.C.E. (1Ha 22:50) Ang Ikalawang Hari naman ay mula sa paghahari ni Ahazias (mga 920 B.C.E.) hanggang sa katapusan ng ika-37 taon ng pagkatapon ni Jehoiakin, noong 580 B.C.E., isang yugto na mga 340 taon. (2Ha 1:1, 2; 25:27-30) Samakatuwid, ang pinagsamang ulat ng mga aklat ng Mga Hari ay sumasaklaw nang mga apat at kalahating siglo sa kasaysayang Hebreo. Yamang kabilang sa mga nakatala ang mga pangyayari hanggang noong 580 B.C.E., hindi posible na natapos ang mga aklat bago ang petsang iyon, at dahil walang binabanggit tungkol sa pagtatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang mga ito, bilang iisang balumbon, ay tiyak na nakumpleto bago ang panahong iyon.

Lumilitaw na sa Juda isinulat ang kalakhang bahagi ng dalawang aklat yamang naroon ang karamihan sa materyal na mapagkukunan ng impormasyon. Gayunman, makatuwirang ipalagay na ang Ikalawang Hari ay natapos sa Ehipto, kung saan dinala si Jeremias pagkatapos na maganap ang pagpaslang kay Gedalias sa Mizpa.​—Jer 41:1-3; 43:5-8.

Mula’t sapol, ang mga aklat ng Mga Hari ay bahagi na ng Judiong kanon at tinatanggap bilang kanonikal. Angkop lamang iyan, sapagkat higit pang pinalalawak ng mga aklat na ito ang pangunahing tema ng Bibliya, ang pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova at ang ganap na katuparan ng layunin niya para sa lupa, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang ipinangakong Binhi. Karagdagan pa, tatlong pangunahing propeta, sina Elias, Eliseo, at Isaias, ang itinatampok sa mga aklat, at ang kanilang mga hula ay ipinakikitang natupad nang walang mintis. Ang mga pangyayaring nakatala sa mga aklat ng Mga Hari ay tinukoy at nilinaw sa ibang bahagi ng Kasulatan. Tatlong beses na tinukoy ni Jesus ang mga nakasulat sa mga aklat na ito​—hinggil kay Solomon (Mat 6:29), sa reyna ng timog (Mat 12:42; ihambing ang 1Ha 10:1-9), at sa babaing balo ng Zarepat at kay Naaman (Luc 4:25-27; ihambing ang 1Ha 17:8-10; 2Ha 5:8-14). Binanggit ni Pablo ang ulat may kinalaman kay Elias at sa 7,000 lalaki na hindi nagluhod ng tuhod kay Baal. (Ro 11:2-4; ihambing ang 1Ha 19:14, 18.) Tinukoy ni Santiago ang mga panalangin ni Elias para sa tagtuyot at ulan. (San 5:17, 18; ihambing ang 1Ha 17:1; 18:45.) Ang mga pagbanggit na ito sa mga pagkilos ng mga indibiduwal na inilarawan sa mga aklat ng Mga Hari ay nagpapatunay na kanonikal ang mga akdang ito.

Ang malaking bahagi ng mga aklat ng Mga Hari ay tinipon mula sa nakasulat na mga rekord, at malinaw na ipinakita ng manunulat na sumangguni siya sa panlabas na mga rekord na ito para sa ilang impormasyon. Binanggit niya ang “aklat ng mga pangyayari kay Solomon” (1Ha 11:41), ang “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari sa Juda” (1Ha 15:7, 23), at ang “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari sa Israel” (1Ha 14:19; 16:14).

Ang isa sa pinakamatatandang umiiral na manuskritong Hebreo na naglalaman ng kumpletong mga aklat ng Mga Hari ay tinatakdaan ng petsang 1008 C.E. Ang mga aklat ng Mga Hari (sa Griego) ay nasa Vatican No. 1209 at Alexandrine Manuscript ngunit wala sa Sinaitic Manuscript. Natagpuan sa mga yungib ng Qumran ang mga piraso ng mga aklat ng Mga Hari, maliwanag na mula pa sa yugtong B.C.E.

Ipinakikita ng balangkas ng mga aklat na ito na ang manunulat o tagapagtipon ay nagbigay ng angkop na impormasyon hinggil sa bawat hari upang ipakita ang kronolohiya ng mga pangyayari at upang isiwalat ang pangmalas ng Diyos sa bawat hari, paborable man iyon o hindi. Itinatampok bilang pinakamahalagang salik ang kaugnayan ng kanilang mga paghahari sa pagsamba kay Jehova. Pagkatapos ng pagtalakay sa paghahari ni Solomon, mapapansin na maliban sa ilang kaso, isang pangkalahatang balangkas ang sinunod upang ilarawan ang bawat paghahari, habang dalawang magkapanahong ulat ng kasaysayan ang magkasamang inilalahad. Para sa mga hari ng Juda, kadalasan nang binabanggit muna kung sino ang hari ng Israel na kapanahon ng bawat hari, pagkatapos ay ang edad ng hari, ang haba ng kaniyang pamumuno, ang lugar kung saan siya namahala, at ang pangalan at pinagmulang lupain ng kaniyang ina, anupat ang huling nabanggit na detalye ay mahalagang malaman dahil may higit sa isang asawa ang ilang hari ng Juda. Sa pagtatapos ng ulat para sa bawat hari, binabanggit ang pinagkunan ng impormasyon, ang libing ng hari, at ang pangalan ng kaniyang kahalili. Ang ilan sa gayunding mga detalye ay inilalaan para sa bawat hari ng Israel, ngunit hindi ibinibigay ang edad ng hari noong panahon ng pagluklok niya at ang pangalan at pinagmulang lupain ng kaniyang ina. Ang impormasyong inilaan sa Una at Ikalawang Hari ay napakalaking tulong sa pag-aaral ng kronolohiya ng Bibliya.​—Tingnan ang KRONOLOHIYA.

Ang mga aklat ng Mga Hari ay hindi lamang basta mga ulat ng kasaysayan o salaysay ng mga pangyayari gaya ng isang kronika. Iniuulat ng mga ito ang mga kaganapan sa kasaysayan lakip ang paliwanag hinggil sa implikasyon ng mga ito. Waring hindi isinama sa ulat ang mga bagay na walang tuwirang kaugnayan sa pagsulong ng layunin ng Diyos at hindi naglalarawan sa mga simulaing umuugit sa pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan. Ang mga pagkakamali ni Solomon at ng iba pang mga hari ng Juda at Israel ay hindi pinagtakpan kundi inilahad nang napakatahasan.

Arkeolohikal na Katibayan. Ang pagkatuklas ng maraming labí ay naglaan ng katibayan na ang mga aklat ng Mga Hari ay tumpak pagdating sa kasaysayan at heograpiya. Pinatutunayan ng arkeolohiya, gayundin ng buháy na patotoo sa ngayon, na nagkaroon ng mga kagubatan ng sedro sa Lebanon, na pinagkunan ni Solomon ng mga tabla para sa kaniyang mga proyekto ng pagtatayo sa Jerusalem. (1Ha 5:6; 7:2) May natagpuang katibayan na nagkaroon ng mga gawaing pang-industriya sa lunas ng Jordan, ang dating lokasyon ng Sucot at Zaretan.​—1Ha 7:45, 46.

Ang pagsalakay ni Sisak sa Juda noong panahon ni Rehoboam (1Ha 14:25, 26) ay pinatutunayan ng sariling rekord ng Paraong iyon sa mga pader ng templo ng Karnak sa Ehipto. Inilalarawan sa isang itim na batong-apog na obelisko ng Asiryanong si Haring Salmaneser III, natagpuan sa Nimrud noong 1846, ang sa wari’y isang sugo ni Jehu na nakayukod kay Salmaneser, isang insidente na hindi binabanggit sa mga aklat ng Mga Hari ngunit nagdaragdag ng patotoo na talagang umiral si Haring Jehu ng Israel. Lubos namang pinatototohanan ng mga guhong natagpuan sa Samaria ang malalaking proyekto ng pagtatayo ni Ahab, kabilang na ang “bahay na garing na kaniyang itinayo.”​—1Ha 22:39.

Inilalahad ng Batong Moabita ang ilan sa mga pangyayaring naganap noong maghimagsik si Haring Mesa laban sa Israel, anupat ibinibigay ang bersiyon ng Moabitang monarkang iyon hinggil sa nangyari. (2Ha 3:4, 5) Makikita rin sa alpabetikong inskripsiyong ito ang Tetragrammaton.

Ang pangalang Peka ay matatagpuan sa teksto ng isang ulat ng kasaysayan na ipinapalagay na kay Tiglat-pileser III. (2Ha 15:27) Ang kampanya naman ni Tiglat-pileser III laban sa Israel ay binabanggit sa kaniyang maharlikang mga ulat ng kasaysayan at sa Asiryanong inskripsiyon sa isang gusali. (2Ha 15:29) Nabasa rin ang pangalang Hosea sa mga inskripsiyon tungkol sa kampanya ni Tiglat-pileser.​—2Ha 15:30; Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282-284.

Bagaman ang ilan sa mga pakikipagbaka ng Asiryanong si Haring Senakerib ay binabanggit sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan, hindi binabanggit sa mga ito ang pagpuksa ng anghel sa 185,000 sa kaniyang hukbo nang pagbantaan nito ang Jerusalem (2Ha 19:35), at hindi natin aasahang isusulat sa kaniyang mapaghambog na mga rekord ang tungkol sa napakatinding pagkatalong ito. Kapansin-pansing pinatutunayan ng arkeolohiya sa pamamagitan ng mga tapyas na cuneiform na nahukay sa Babilonya ang huling pangungusap sa mga aklat ng Mga Hari. Binabanggit ng mga ito na si Jaʼukinu (Jehoiakin) ay nabilanggo sa Babilonya at na pinaglaanan siya ng rasyon mula sa maharlikang ingatang-yaman.​—2Ha 25:30; Ancient Near Eastern Texts, p. 308.

Mga Katuparan ng mga Hula. Ang mga aklat ng Mga Hari ay naglalaman ng iba’t ibang hula at naglalahad sa malinaw na katuparan ng mga ito. Halimbawa, ipinakikita ng 1 Hari 2:27 ang katuparan ng salita ni Jehova laban sa sambahayan ni Eli. (1Sa 2:31-36; 3:11-14) Natupad ang mga hula may kinalaman kay Ahab at sa kaniyang sambahayan. (Ihambing ang 1Ha 21:19-21 sa 1Ha 22:38 at 2Ha 10:17.) Nagkatotoo ang inihula tungkol kay Jezebel at sa kaniyang mga labí. (Ihambing ang 1Ha 21:23 sa 2Ha 9:30-36.) At pinatutunayan ng mga pangyayari sa kasaysayan na talagang naganap ang inihulang pagkawasak ng Jerusalem.​—2Ha 21:13.

Kasama sa maraming punto na itinampok sa mga aklat ng Mga Hari ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kahilingan ni Jehova at ang masasaklap na bunga ng pagwawalang-bahala sa kaniyang matuwid na mga kautusan. Mariing pinatutunayan ng dalawang aklat ng Mga Hari ang katuparan ng inihulang mga resulta kapuwa ng pagsunod at ng pagsuway sa Diyos na Jehova.

[Kahon sa pahina 908]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG HARI

Isang maikling sumaryo ng kasaysayan ng kaharian ng Juda at ng kaharian ng Israel mula noong mga huling araw ni David hanggang noong mamatay si Jehosapat

Sa pasimula, ang aklat ng Unang Hari ay kasama ng Ikalawang Hari sa iisang balumbon

Nakilala si Solomon sa kaniyang natatanging karunungan noong pasimula ng pamamahala niya, ngunit siya’y nag-apostata nang bandang huli

Sa pamamagitan ng matatag na pagkilos, hinadlangan ni Natan ang pagtatangka ni Adonias na maging hari sa Israel; iniluklok si Solomon sa trono (1:5–2:12)

Nang tanungin ni Jehova si Solomon kung ano ang nais niya, humiling siya ng karunungan; pinagkalooban din siya ng kayamanan at kaluwalhatian (3:5-15)

Nakita ang bigay-Diyos na karunungan ni Solomon nang hawakan niya ang kaso ng dalawang patutot, na kapuwa nag-angking ina ng iisang sanggol (3:16-28)

Nanagana si Haring Solomon, gayundin ang Israel sa ilalim ng kaniyang pamamahala; ang walang-katulad na karunungan ng hari ay napabantog sa buong daigdig (4:1-34; 10:14-29)

Itinayo ni Solomon ang templo ni Jehova at, nang maglaon, ang mga gusali ng palasyo; pagkatapos, ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel ay nagtipon para sa pagpapasinaya (5:1–8:66)

Pinabanal ni Jehova ang templo at tiniyak kay Solomon na magiging permanente ang maharlikang linya, ngunit binabalaan niya ito laban sa kawalang-katapatan (9:1-9)

Dumalaw ang reyna ng Sheba upang makita niya mismo ang karunungan at kasaganaan ni Solomon (10:1-13)

Noong matanda na si Solomon, siya ay naimpluwensiyahan ng kaniyang maraming asawang banyaga at sumunod sa mga banyagang diyos (11:1-8)

Nahati sa dalawa ang bansa; itinatag ang pagsamba sa guya upang ang mga nasa hilagang kaharian ay huwag nang umahon sa Jerusalem

Dahil sa pag-aapostata ni Solomon, inihula ni Jehova na mahahati ang bansa (11:11-13)

Pagkamatay ni Solomon, pinagbantaan ng kaniyang anak na si Rehoboam ang bayan na papatawan niya sila ng mas mabigat na pamatok; sampung tribo ang naghimagsik at ginawa nilang hari si Jeroboam (12:1-20)

Sa hilagang kaharian, itinatag ni Jeroboam ang pagsamba sa mga ginintuang guya upang huwag nang pumaroon sa Jerusalem ang kaniyang mga sakop para sumamba at upang maiwasan ang posibilidad na naisin nila na muling pagkaisahin ang kaharian (12:26-33)

Ang timugang kaharian ng Juda ay nagkaroon ng mabubuti at masasamang hari

Pinahintulutan ni Rehoboam at ng kaniyang kahaliling si Abiam ang karima-rimarim na huwad na pagsamba (14:21-24; 15:1-3)

Aktibong itinaguyod ng anak ni Abiam na si Asa at ng anak nito na si Jehosapat ang tunay na pagsamba (15:9-15; 22:41-43)

Ang hilagang kaharian ng Israel ay niligalig ng mga pag-aagawan sa kapangyarihan, mga pagpaslang, at idolatriya

Naging hari ang anak ni Jeroboam na si Nadab; pinaslang ni Baasa si Nadab at inagaw nito ang trono (15:25-30)

Humalili sa trono ang anak ni Baasa na si Elah, na pinaslang naman ni Zimri; nagpatiwakal si Zimri nang matatalo na siya ni Omri (16:6-20)

Humantong sa digmaang sibil ang tagumpay ni Omri; nang dakong huli, si Omri ang nagwagi at naging hari, at nang maglaon ay itinayo niya ang Samaria; ang kaniyang mga pagkakasala ay mas malubha pa kaysa sa ginawa ng naunang mga hari (16:21-28)

Si Ahab ay naging hari at nag-asawa sa anak ni Etbaal na hari ng mga Sidonio; pinasimulan niya sa Israel ang pagsamba kay Baal (16:29-33)

Nagwakas sa isang alyansa ang pagdidigmaan ng Juda at Israel

Pagdidigmaan sa pagitan nina Jeroboam at Rehoboam, at nina Jeroboam at Abiam; nakipaglaban si Baasa kay Asa (15:6, 7, 16-22)

Nakipag-alyansa si Jehosapat kay Ahab (22:1-4, 44)

Sina Jehosapat at Ahab ay magkasamang nakipagbaka laban sa Ramot-gilead; napatay si Ahab (22:29-40)

Gawaing panghuhula sa Israel at Juda

Inihula ni Ahias na sampung tribo ang pupunitin mula sa sambahayan ni David; nang maglaon, ipinahayag niya ang hatol ni Jehova laban kay Jeroboam (11:29-39; 14:7-16)

Inihatid ni Semaias ang salita ni Jehova na si Rehoboam at ang mga sakop nito ay hindi dapat makipaglaban sa mapaghimagsik na sampung tribo (12:22-24)

Ipinatalastas ng isang lalaki ng Diyos ang hatol ni Jehova laban sa altar na nasa Bethel na ukol sa pagsamba sa guya (13:1-3)

Ipinahayag ni Jehu na anak ni Hanani ang hatol ni Jehova laban kay Baasa (16:1-4)

Inihula ni Elias na magkakaroon ng mahabang tagtuyot sa Israel; noong panahon ng tagtuyot, makahimala niyang pinangyari na tumagal ang panustos na pagkain ng isang babaing balo at binuhay niyang muli ang anak nito (17:1-24)

Iminungkahi ni Elias ang isang pagsubok sa Bundok Carmel upang malaman kung sino ang tunay na Diyos; nang mapatunayang si Jehova ang tunay, ang mga propeta ni Baal ay pinatay; tumakas si Elias sapagkat nais siyang ipapatay ng asawa ni Ahab na si Jezebel, ngunit isinugo ni Jehova ang propeta upang pahiran sina Hazael, Jehu, at Eliseo (18:17–19:21)

Inihula ni Micaias na matatalo si Ahab sa pagbabaka (22:13-28)

[Kahon sa pahina 909]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG HARI

Pagpapatuloy ng kasaysayan ng Juda at ng Israel na sinimulan sa Unang Hari; umabot ito sa pagkawasak ng Samaria at nang maglaon ay ng Jerusalem, dahil sa kawalang-katapatan

Malamang na natapos itong isulat sa Ehipto mga 27 taon pagkaraang wasakin ng Babilonya ang Jerusalem

Pagkatapos ni Elias, naglingkod si Eliseo bilang propeta ni Jehova

Inihula ni Elias na mamamatay si Ahazias; nagpababa rin siya ng apoy sa dalawang walang-galang na pinuno ng militar at sa mga pangkat nila na tig-50 na isinugo upang kunin siya (1:2-17)

Kinuha si Elias sa pamamagitan ng isang buhawi; naiwan kay Eliseo ang opisyal na kasuutan nito (2:1-13)

Hinawi ni Eliseo ang Jordan at pinabuti niya ang tubig sa Jerico; nailigtas ng kaniyang kinasihang payo ang magkakaalyadong mga hukbo ng Israel, Juda, at Edom mula sa kamatayan dahil sa kawalan ng tubig at nagbunga iyon ng pagkatalo ng mga Moabita; pinarami niya ang panustos na langis ng isang babaing balo, binuhay niyang muli ang anak ng isang babaing Sunamita, pinangyari niyang mawala ang lason sa nilaga, pinarami niya ang kaloob na tinapay at butil, pinagaling niya ang ketong ni Naaman, ipinahayag niyang ang ketong ni Naaman ay malilipat sa sakim na si Gehazi at sa supling nito, at pinalutang niya ang talim ng palakol na hiniram lamang (2:14–6:7)

Patiunang binabalaan ni Eliseo ang hari ng Israel hinggil sa biglaang mga pagsalakay ng mga Siryano; isang hukbo ng mga Siryano ang dumating upang hulihin siya ngunit pinasapitan ni Jehova ang mga ito ng pansamantalang mental na pagkabulag; kinubkob ng mga Siryano ang Samaria, at isinisi kay Eliseo ang taggutom na ibinunga nito; inihula niya na magwawakas ang taggutom (6:8–7:2)

Tinapos ni Eliseo ang atas na ibinigay kay Elias nang sabihin niya kay Hazael na ito ang magiging hari ng Sirya at nang magsugo siya ng isang mensahero upang pahiran nito si Jehu bilang hari ng Israel (8:7-13; 9:1-13)

Kumilos si Jehu laban sa sambahayan ni Ahab at binunot niya ang pagsamba kay Baal mula sa Israel (9:14–10:28)

Nang malapit nang mamatay si Eliseo, dinalaw siya ng apo ni Jehu na si Haring Jehoas; inihula niya na tatlong beses itong magtatagumpay laban sa Sirya (13:14-19)

Ang kawalang-galang ng Israel kay Jehova ay humantong sa pagkatapon sa Asirya

Ang pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam ay nagpatuloy noong panahon ng mga paghahari ni Jehu at ng kaniyang mga supling na sina Jehoahaz, Jehoas, Jeroboam II, at Zacarias (10:29, 31; 13:6, 10, 11; 14:23, 24; 15:8, 9)

Noong mga huling araw ng Israel, pinaslang ni Salum si Haring Zacarias, ni Menahem si Salum, ni Peka ang anak ni Menahem na si Pekahias, at ni Hosea si Peka (15:8-30)

Noong panahon ng paghahari ni Peka, maraming Israelita ang ipinatapon ng hari ng Asirya na si Tiglat-pileser III; noong ikasiyam na taon ni Hosea, winasak ang Samaria at dinala sa pagkatapon ang Israel dahil sa kawalang-galang kay Jehova; pinamayan sa teritoryo ng Israel ang ibang mga grupo ng mga tao (15:29; 17:1-41)

Ang mga reporma sa relihiyon sa Juda ay hindi nagdulot ng namamalaging pagbabago; winasak ng Babilonya ang Jerusalem at dinala sa pagkatapon ang bayan ng Diyos

Si Jehoram ng Juda ay nag-asawa kay Athalia na anak nina Ahab at Jezebel; nag-apostata si Jehoram, gayundin ang kaniyang anak na si Ahazias na kasunod niya (8:16-27)

Nang mamatay si Ahazias, tinangka ni Athalia na lipulin ang binhi ni David upang siya mismo ang maging tagapamahala; si Jehoas, na anak ni Ahazias, ay iniligtas ng kaniyang tiya at nang maglaon ay ginawang hari; pinatay si Athalia (11:1-16)

Noong ang mataas na saserdoteng si Jehoiada ay buháy pa at nagpapayo kay Jehoas, itinataguyod ng hari ang tunay na pagsamba, ngunit patuloy pa rin ang ‘paghahain sa matataas na dako’ noong panahon ng paghahari niya at ng kaniyang mga kahalili na sina Amazias, Azarias (Uzias), at Jotam (12:1-16; 14:1-4; 15:1-4, 32-35)

Ang anak ni Jotam na si Ahaz ay nagsagawa ng idolatriya; ang anak ni Ahaz na si Hezekias ay nagpatupad ng magagandang reporma, ngunit nawalang-saysay ang mga ito dahil sa masasamang paghahari ng kaniyang mga kahalili na sina Manases at Amon (16:1-4; 18:1-6; 21:1-22)

Ang anak ni Amon na si Josias ay nagsagawa ng matatag na mga hakbang upang maalis sa lupain ang idolatriya; napatay siya sa pakikipagbaka kay Paraon Necoh (22:1–23:30)

Ang huling apat na hari ng Juda ay hindi naging tapat: ang anak ni Josias na si Jehoahaz ay namatay samantalang bihag sa Ehipto; ang kapatid ni Jehoahaz na si Jehoiakim ang naghari bilang kapalit niya; ang anak at kahalili ni Jehoiakim na si Jehoiakin ay dinala sa pagkatapon sa Babilonya; ang kapatid ni Jehoiakim na si Zedekias ay naghari hanggang sa malupig ng mga Babilonyo ang Jerusalem at dalhin sa pagkatapon ang karamihan sa mga nakaligtas sa pagkubkob (23:31–25:21)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share