Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 11/1 p. 27-31
  • Tulong sa Pag-unawa ang Dalawang Aklat ng Mga Hari

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulong sa Pag-unawa ang Dalawang Aklat ng Mga Hari
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paghahambing na Nakapukaw ng Galit
  • Ang Kaluwalhatian ni Haring Solomon
  • Pagpapahiwatig Tungkol sa mga Propeta
  • Higit Pa ang Ipinahihiwatig ng Mga Hari
  • Aklat ng Bibliya Bilang 11—1 Hari
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Hari, Mga Aklat ng mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 11/1 p. 27-31

Tulong sa Pag-unawa ang Dalawang Aklat ng Mga Hari

MINSAN nang si Jesus ay nagpapahayag sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret, may nasabi siyang isang bagay na pumukaw ng matinding reaksiyon. Ang mga taga-Nazaret ay waring nagtataka kung bakit hindi siya gumawa ng maraming himala roon di gaya sa mga ibang bayan. Sa pagsasabi sa kanila kung bakit, si Jesus ay gumamit ng dalawang halimbawa sa Kasulatan. Narito ang kaniyang sinabi:

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo na walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa. Halimbawa, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Maraming mga babaing balo sa Israel noong mga kaarawan ni Elias, nang ang langit ay sarhan ng may tatlong taon at anim na buwan, kaya’t isang malaking kagutom ang lumaganap sa buong lupain, subalit si Elias ay hindi sinugo sa alinman sa mga babaing iyan, kundi sa Sarepta sa lupain ng Sidon, sa isang babaing balo. At, maraming ketongin sa Israel noong panahon ni Eliseo na propeta, subalit walang isa man sa kanila na nalinis, kundi si Naaman lamang na taga-Siria.” (Lucas 4:24-27) Sa mga salitang ito, ang mga nakikinig ay totoong nagalit at sinikap nilang patayin si Jesus. Bakit ganoon na lamang karahas ang pagtugon nila?

Upang makita ang sagot, kailangang bumaling tayo sa Kasulatang Hebreo at basahin ang mga kasaysayan ni Elias at ni Eliseo. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay may lubusang kaalaman sa mga aklat nito, pati na rin ang kanilang mga tagapakinig na Judio. Sa maraming mga pagkakataon ang mga Kristiyanong sumulat ng Bibliya ay tumukoy sa mga pangyayari at mga personalidad sa naunang mga aklat na ito upang ipaghalimbawa ang isang punto, gaya ng ginawa rito ni Jesus. Ang mga reperensiyang ito ay kaagad na nakikilala at nauunawaan ng mga tagapakinig. Kung ibig nating lubusang maunawaan ang punto ni Jesus sa kaniyang mga turo, kailangan nating kilalanin din naman ang mga reperensiyang ito.

Ang katotohanan ay, imposibleng lubusang maunawaan ang Kasulatang Griegong Kristiyano kung tayo ay walang kaalaman sa Kasulatang Hebreo. Ang mga kasaysayan ng mga propeta na binanggit ni Jesus, si Elias at si Eliseo, ay nasusulat sa dalawang aklat ng Mga Hari. Pag-usapan natin ang dalawang aklat na ito upang maipaliwanag ang puntong ito at makita kung paanong ang pagkaalam sa mga ito ay nagbibigay sa atin ng isang lalong malalim at lalong malinaw na pagkaunawa sa Kasulatang Griegong Kristiyano.

Ang Paghahambing na Nakapukaw ng Galit

Unang-una, bakit ang mga taga-Nazaret ay ganiyan na lang ang galit nang bumanggit si Jesus ng dalawang himala na isinagawa mahigit na 900 taon na ang nakalipas ni Elias at ni Eliseo? Bueno, maliwanag na ang mga taga-Nazaret ay inihahambing ni Jesus sa mga Israelita sa hilagang kaharian ng Israel noong mga kaarawan ni Elias at Eliseo, at sang-ayon sa dalawang aklat ng Mga Hari, ang Israel ay wala sa mabuting espirituwal na kalagayan noong panahong iyon. Ang mga Israelita ay sumasamba noon kay Baal at kanilang pinag-uusig ang mga propeta ni Jehova. Si Elias ay aktuwal na tumatakas buhat sa kaniyang sariling mga kababayan nang isang babaing balo sa Sarepta, na isang bansang banyaga, ang kumalinga at nagpakain sa kaniya. At iyan ay nang kaniyang isagawa ang himala na binanggit ni Jesus. (1 Hari 17:17-24) Ang Israel ay nakalugmok sa pagsamba kay Baal nang pagalingin ni Eliseo ang punung-hukbo ng Siria na si Naaman sa kaniyang ketong.​—2 Hari 5:8-14.

Ang mga taga-Nazaret ay nagdamdam nang sila’y ihambing sa paganong mga Judio noong mga kaarawang iyon. May katuwiran ba si Jesus na gawin ang gayong paghahambing? Tiyak na mayroon. Kung paano ang buhay ni Elias ay nanganganib noon sa Israel, ganoon din na ang buhay ngayon ni Jesus ay nanganganib. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “At napuspos ng galit ang lahat ng nasa sinagoga sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito; at sila’y nagsitindig at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan, at dinala siya hanggang sa taluktok ng bundok na kinatatayuan ng kanilang lunsod upang siya’y maihulog nila nang patiwarik.” Subalit iniligtas ni Jehova si Jesus, kung paano noong lumipas na panahon ay iniligtas niya si Elias.​—Lucas 4:28-30.

Ang Kaluwalhatian ni Haring Solomon

Iyan ay isang halimbawa kung paanong ang dalawang aklat ng Mga Hari ay lalong nagpapatibay, wika nga, sa mga salita ni Jesus at ng mga sinaunang Kristiyano. Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na kay Jehova umasa kung tungkol sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi niya: “At tungkol sa pananamit, bakit kayo nababalisa? Kayo’y matuto ng aral sa mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; sila’y hindi nagpapagal, ni nagsusulid man; ngunit sinasabi ko sa inyo na si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak na gaya ng isa sa mga ito.” (Mateo 6:28, 29) Bakit binanggit dito ni Jesus si Solomon?

Ang kaniyang mga tagapakinig na Judio ay may kaalaman tungkol dito sapagkat sila ay nakakaalam sa kaluwalhatian ni Solomon. Ito’y inilalarawan nang mahaba-haba sa aklat ng Unang Hari (pati na rin sa Ikalawang Cronica). Halimbawa, malamang na natatandaan nila na ang pagkain ng sambahayan ni Solomon sa araw-araw ay “tatlumpung takal ng magaling na harina at animnapung takal ng harina, sampung matatabang baka at dalawampung baka mula sa pastulan at isang daang tupa, bukod pa ang mga usang lalaki at babae at mga usang masungay at mga pinatabang ibon.” (1 Hari 4:22, 23) Iyan ay pagkarami-raming pagkain.

Bukod diyan, ang ginto na tinanggap ni Solomon sa isang taon ay umabot sa “anim na raan at animnapu’t anim na talento ng ginto,” ito’y mahigit na 250 milyong dolyar (U.S.) sa kasalukuyang halaga nito. At lahat ng mga palamuti sa bahay ni Solomon ay ginto. “Walang anuman doon na pilak; itinuturing ito na bale-wala noong mga kaarawan ni Solomon.” (1 Hari 10:14, 21) Nang mapukaw na nga ni Jesus ang kanilang alaala tungkol sa mga bagay na ito, dagli namang nasakyan ng kaniyang mga tagapakinig ang kaniyang sinasabi.

Binanggit ni Jesus si Solomon sa isa pang konteksto. Hinihiling noon ng mga ibang eskriba at Fariseo na siya’y magpakita ng isang tanda, at ang sagot ni Jesus: “Magbabangon sa paghuhukom ang reyna ng timugan kasama ng salinlahing ito at ito’y hahatulan; sapagkat siya’y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit, narito! isang lalong dakila kaysa kay Solomon ang naririto.” (Mateo 12:42) Bakit sa ganitong binanggit ay nasaktan ang nakikinig na mga lider ng relihiyon?

Yamang tayo’y may kaalaman sa unang aklat ng Mga Hari, batid natin na “ang reyna ng timugan” ay yaong reyna ng Sheba. Maliwanag na siya’y isang dakilang babae, reyna ng isang mayamang bansa. Nang siya’y dumalaw kay Solomon, siya’y “napakaraming kaakbay,” may dalang mamahaling mga pabango at “totoong maraming ginto at mga mahahalagang bato.” (1 Hari 10:1, 2) Ang mapayapang pagtatalastasan ng mga pinuno ng bansa ay karaniwan nang isinasagawa sa pamamagitan ng mga embahador. Samakatuwid, kung ang isang nagpupunong hari, sa pangyayaring ito’y ang reyna ng Sheba, ay maglakbay nang sinlayo ng Jerusalem upang makipagkita kay Haring Solomon, ito ay pambihira. Bakit niya ginawa iyon?

Si Haring Solomon ay pagkayaman-yaman, gayundin naman ang reyna ng Sheba. Hindi siya maglalakbay ng ganoong kalayo upang makita lamang ang isang mayamang hari. Subalit, si Solomon ay hindi lamang mayaman kundi siya ay “lalong dakila sa mga kayamanan at karunungan kaysa lahat ng mga hari sa lupa.” (1 Hari 10:23) Sa ilalim ng kaniyang matalinong paghahari “ang Juda at Israel ay nagpatuloy na tumatahan sa katiwasayan, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong-ubas at sa ilalim ng kaniyang punong-igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng mga araw ni Solomon.”​—1 Hari 4:25.

Ang karunungan ni Solomon ang nakaakit sa reyna ng Sheba. Siya man ay “nakakabalita tungkol kay Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova. Kaya’t siya’y naparoon upang subukin siya sa pamamagitan ng mahihirap na mga katanungan.” Nang siya’y dumating sa Jerusalem, “siya’y naparoon kay Solomon at kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib. At isinaysay ni Solomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga tanong. Walang bagay na lihim sa hari na hindi niya isinaysay sa kaniya.”​—1 Hari 10:1-3.

Si Jesus man ay may namumukod-tanging karunungan “may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.” Sa katunayan, siya ang “higit kaysa kay Solomon.” (Lucas 11:31) Ang reyna ng Sheba, na hindi isang Judio, ay naglakbay nang napakalayo bagaman mahirap iyon upang makita lamang si Solomon at makinabang sa kaniyang karunungan. Sa gayon, tiyak na dapat sanang ang mga eskriba at Fariseo ay nakinig at binuksan nila ang kanilang pang-unawa sa isang ‘lalong dakila kaysa kay Solomon’ nang ito’y nandoon sa mismong harapan nila. Subalit hindi sila nakinig. “Ang reyna ng timugan” ay may higit na pagpapahalaga kaysa kanila sa bigay-Diyos na karunungan.

Pagpapahiwatig Tungkol sa mga Propeta

Sa panahon ng kasaysayan na saklaw ng mga aklat ng Una at Ikalawang Hari, ang mga pinuno sa 12-tribong kaharian​—at nang malaunan sa nagkahating kaharian ng Israel at Juda​—ay mga hari. Nang panahong iyon ang mga propeta ni Jehova ay napakamasisigasig sa paggawa sa gitna ng Kaniyang bayan. Litaw sa mga ito sina Elias at Eliseo, na binanggit na nga natin. Ang pagtukoy sa kanila ni Jesus sa Nazaret ay hindi lamang ang tanging pagbanggit sa kanila sa Kasulatang Griego Kristiyano.

Sa kaniyang liham sa mga Hebreong Kristiyano sumulat si apostol Pablo tungkol sa pananampalataya ng mga sinaunang lingkod ng Diyos at, bilang isang halimbawa nito, sinabi niya: “Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.” (Hebreo 11:35) Tiyak na ang nasa isip niya ay sina Elias at Eliseo, na kapuwa ginamit sa pagsasagawa ng pagkabuhay-muli. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37) Nang tatlo sa mga apostol ni Jesus ay maging ‘mga saksing nakakita kay Jesus’ sa kaniyang kaluwalhatian nang siya’y magbagong-anyo, kanilang nakita na si Jesus ay nakikipag-usap kay Moises at kay Elias. (2 Pedro 1:16-18; Mateo 17:1-9) Bakit pinili si Elias upang kumatawan sa hanay ng mga propeta bago noong panahong Kristiyano at siya’y nagpatotoo tungkol kay Jesus? Kung babasahin mo ang paglalahad ng Unang Hari at matatalos mo ang malaking pananampalataya at ang mabisang paraan ng pagkagamit sa kaniya ni Jehova, iyong mauunawaan ang sagot.

Gayumpaman, si Elias ay isa lamang karaniwang tao na gaya natin. Si Santiago ay tumukoy ng isa pang pangyayari sa Unang Hari nang kaniyang isulat: “Malaki ang nagagawa ng panalangin ng matuwid na tao, pagka nagkakabisa. Si Elias ay isang taong may damdaming gaya rin ng atin, gayunma’y nanalangin siya na huwag umulan; at hindi nga umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. At muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan at ang lupa ay nagbunga ng kaniyang bunga.”​—Santiago 5:16-18; 1 Hari 17:1; 18:41-46.

Higit Pa ang Ipinahihiwatig ng Mga Hari

Marami pang mga binanggit ng Kasulatang Griegong Kristiyano na nagpapahiwatig ng mga bagay-bagay buhat sa dalawang aklat ng Mga Hari. Binanggit ni Esteban sa Sanhedrin ng mga Judio na si Solomon ay nagtayo ng isang bahay para kay Jehova sa Jerusalem. (Gawa 7:47) Marami sa mga detalye ng gawaing pagtatayong yaon ang nasa unang aklat ng Mga Hari. (1 Hari 6:1-38) Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa isang babae sa Samaria, sinabi sa kaniya ng babae na may pagtataka: “‘Ano’t ikaw, na isang Judio, ay humihingi sa akin ng inumin, gayong ako’y isang babaing Samaritana?’ (Sapagkat ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.)” (Juan 4:9) Bakit nga ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano? Ang paglalahad sa Ikalawang Hari na bumabanggit sa pinagmulan ng mga taong ito ang nagbibigay-liwanag sa bagay na iyan.​—2 Hari 17:24-34.

Isang liham na nasa aklat ng Apocalipsis pahatid sa kongregasyon sa Tiatira ang may ganitong mariing payo: “Datapuwat mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel na magpanggap na propetisa, at siya’y nagtuturo at humihikayat sa aking mga alipin na makiapid at kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo.” (Apocalipsis 2:20) Sino itong si Jezebel? Siya’y anak na babae ng isang saserdote ni Baal sa Tiro. Gaya ng sinasabi sa atin ng unang aklat ng Mga Hari, siya’y naging asawa ni Haring Ahab ng Israel at naging reyna ng Israel. Dominado niya ang kaniyang asawa, at kaniyang ipinasok ang pagsamba kay Baal sa isang apostata nang Israel, at siya’y nagdala ng maraming saserdote ni Baal sa lupaing iyon at pinag-usig ang mga propeta ni Jehova. Sa wakas, siya’y dumanas ng isang marahas na kamatayan.​—1 Hari 16:30-33; 18:13; 2 Hari 9:30-34.

Ang babaing may espiritu ni Jezebel sa kongregasyon ng Tiatira ay maliwanag na nagsisikap na turuan ang kongregasyon na mamihasa sa paggawa ng imoralidad at suwayin ang mga batas ng Diyos. Ang gayong espiritu ay kailangang lipulin sa kongregasyon, kung paanong ang pamilya ni Jezebel ay kinailangang lipulin sa bansang Israel.

Oo, kailangan natin ang Kasulatang Hebreo upang maunawaan natin ang Kasulatang Griegong Kristiyano. Maraming mga detalye ang mawawalang-kabuluhan dahil sa hindi nating pagkaunawa roon kung wala ang kasaysayan na nasa Kasulatang Hebreo. Ang kasaysayan na naroon ay alam na alam ni Jesus at ng mga sinaunang Kristiyano, pati ng mga Judio na kanilang pinagpahayagan niyaon. Bakit hindi kayo lubusang mag-ukol ng panahon upang magkaroon din kayo rito ng kaalaman? Sa gayo’y lubusang pakikinabangan ninyo ang “lahat ng mga Kasulatan,” na “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.”​—2 Timoteo 3:16.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share