Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala
ANG paglalakbay mula sa Sheba patungo sa Jerusalem ay tiyak na nakapapagod sa reyna. Sanay siya sa maluhong buhay. Ngayon, naglalakbay siya sa bilis ng isang kamelyo sa layong 2,400 kilometro, ang karamihan nito ay sa napakainit na disyerto. Ayon sa isang tantiya, ang kaniyang paglalakbay ay gugugol ng 75 araw upang matapos, at papunta lamang ito!a
Bakit iniwan ng mayaman na reynang ito ang kaniyang maalwang tirahan sa Sheba at nagsagawa ng gayong mahirap na paglalakbay?
Isang Nakaiintrigang Ulat
Ang reyna ng Sheba ay nagtungo sa Jerusalem pagkatapos ‘marinig ang ulat tungkol kay Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.’ (1 Hari 10:1) Hindi binabanggit kung ano ang eksaktong narinig ng reyna. Gayunman, alam natin na pinagpala ni Jehova si Solomon ng natatanging karunungan, kayamanan, at karangalan. (2 Cronica 1:11, 12) Paano ito nalaman ng reyna? Yamang ang Sheba ay isang sentro ng kalakalan, maaaring narinig niya ang tungkol sa katanyagan ni Solomon sa pamamagitan ng mga mangangalakal na dumalaw sa kaniyang lupain. Ang ilan sa mga ito ay maaaring nanggaling sa Opir, isang lupain na doo’y maraming transaksiyon sa pangangalakal si Solomon.—1 Hari 9:26-28.
Sa paano man, dumating ang reyna sa Jerusalem “na may kasunod na lubhang kahanga-hangang pangkat, mga kamelyo na may dalang langis ng balsamo at napakaraming ginto at mahahalagang bato.” (1 Hari 10:2a) Sinasabi ng ilan na kasama sa “kahanga-hangang pangkat” ang isang nasasandatahang konsorte. Mauunawaan naman ito, kung isasaalang-alang na ang reyna ay isang makapangyarihang dignitaryo at naglalakbay na may dalang sampu-sampung milyong dolyar na halaga ng mahahalagang bagay.b
Gayunman, pansinin na narinig ng reyna ang kabantugan ni Solomon “may kaugnayan sa pangalan ni Jehova.” Kaya hindi lamang ito isang paglalakbay na pangkalakal. Maliwanag, ang reyna ay pangunahin nang nagpunta upang marinig ang karunungan ni Solomon—marahil ay matuto pa nga tungkol sa kaniyang Diyos, si Jehova. Yamang siya ay malamang na nagmula kay Shem o kay Ham, na mga mananamba ni Jehova, maaaring gusto niyang malaman ang tungkol sa relihiyon ng kaniyang mga ninuno.
Mga Palaisipang Tanong, Kasiya-siyang mga Sagot
Nang makilala si Solomon, sinubok siya ng reyna sa pamamagitan ng “mga palaisipang tanong.” (1 Hari 10:1) Ang salitang Hebreong ginamit dito ay maisasalin na “mga bugtong.” Subalit hindi ito nangangahulugan na nakipagtagisan ng talino ang reyna kay Solomon sa walang halagang mga bagay. Kapansin-pansin, sa Awit 49:4, ito ring salitang Hebreo ang ginamit upang ilarawan ang seryosong mga tanong may kinalaman sa kasalanan, kamatayan, at katubusan. Kung gayon, malamang na ipinakipag-usap ng reyna ng Sheba ang malalalim na bagay kay Solomon na sumubok sa lalim ng kaniyang karunungan. Binabanggit ng Bibliya na “pinasimulang salitain [niya] sa kaniya ang lahat ng malapit sa kaniyang puso.” “Sinabi naman ni Solomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang ipinakipag-usap. Walang bagay na nalilingid sa hari ang hindi niya sinabi sa kaniya.”—1 Hari 10:2b, 3.
Gayon na lamang ang paghanga ng reyna ng Sheba sa karunungan ni Solomon at sa kasaganaan ng kaniyang kaharian anupat “nawalan siya ng espiritu.” (1 Hari 10:4, 5) Sinasabi ng ilan na ang pariralang ito ay nangangahulugan na ang reyna ay “halos di-makahinga.” Sinabi pa nga ng isang iskolar na ito’y hinimatay! Anuman ang nangyari, namangha ang reyna sa kaniyang nakita at narinig. Sinabi niyang maligaya ang mga lingkod ni Solomon sa pagkarinig sa karunungan ng haring ito, at pinagpala niya si Jehova sa pagluluklok kay Solomon sa trono. Pagkatapos ay binigyan niya ang hari ng mamahaling mga regalo, ang ginto lamang ay nagkakahalaga sa kabuuan, sa halaga ngayon, ng mga $40,000,000. Nagregalo rin si Solomon, anupat ibinigay sa reyna “ang lahat ng kaniyang kinalugdan na hiniling niya.”c—1 Hari 10:6-13.
Ang Aral Para sa Atin
Ginamit ni Jesus ang reyna ng Sheba bilang isang halimbawa para sa mga eskriba at mga Fariseo. “Ang reyna ng timog ay ibabangon sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at papatawan ito ng hatol,” sabi niya sa kanila, “sapagkat siya ay dumating mula sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit, narito! isang higit pa kaysa kay Solomon ang narito.” (Mateo 12:42) Oo, nagpakita ang reyna ng Sheba ng malaking pagpapahalaga sa bigay-Diyos na karunungan. Kung siya’y naglakbay ng 2,400 kilometro upang makinig kay Solomon, dapat sana’y matamang nakinig ang mga eskriba at Fariseo kay Jesus, na naroon mismo sa harap nila.
Tayo sa ngayon ay makapagpapakita rin ng taimtim na pagpapahalaga sa Lalong Dakilang Solomon, si Jesu-Kristo. Paano? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang utos na “gumawa ng mga alagad sa mga tao sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Ang isa pang paraan ay maingat na isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus at ang kaniyang mental na saloobin at pagkatapos ay tularan ang mga ito.—Filipos 2:5; Hebreo 12:2, 3.
Totoo, ang pagsunod sa halimbawa ng Lalong Dakilang Solomon ay mangangailangan ng pagsisikap sa ating bahagi. Gayunman, tayo’y saganang pagpapalain. Tunay, nangangako si Jehova sa kaniyang bayan na kung sila’y magpapakita ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, ‘bubuksan [niya] sa kanila ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa kanila ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’—Malakias 3:10.
[Mga talababa]
a Naniniwala ang maraming iskolar na ang Sheba ay nasa timog-kanluran ng Arabia, sa ngayo’y Republika ng Yemen.
b Ayon sa sinaunang Griegong heograpo na si Strabo, napakayaman ng mga tao sa Sheba. Sinasabi niyang sobra-sobrang ginto ang kanilang ginagamit sa kanilang muwebles, sa kanilang mga kagamitan, at maging sa mga dingding, pinto, at bubong ng kanilang mga bahay.
c Binibigyan-kahulugan ng ilan ang pariralang ito na ang reyna ay nagkaroon ng seksuwal na kaugnayan kay Solomon. Sinasabi pa ng mga alamat na nagkaroon pa nga sila ng isang anak na lalaki. Gayunman, walang katibayan upang umalalay sa alinman dito.