KISON, AGUSANG LIBIS NG
Isang ilog na tinukoy bilang ang Nahr el-Muqattaʽ (Nahal Qishon). Ang Kison ay umaagos nang paliku-liko patungong hilagang-kanluran mula sa mga burol na malapit sa Taanac. Binabagtas nito ang Kapatagan ng Jezreel, o Esdraelon (ʽEmeq Yizreʽel), at matapos dumaan sa isang makitid na bangin sa pagitan ng Bundok Carmel at ng mga burol ng Galilea, pumapasok ito sa Kapatagan ng Aco (Acre) bago tuluyang bumuhos sa Mediteraneo. Ang tuwid na distansiya mula sa mga pinagmumulan ng Kison hanggang sa pasukan nito sa Look ng Aco ay mga 37 km (23 mi). Bagaman humigit-kumulang 6 na m (20 piye) ang lapad ng Kison sa bukal nito, ang agos nito sa Kapatagan ng Jezreel ay lumalapad pa nang mga 3 m (10 piye) sa kanluraning seksiyon ng kapatagan. Ang pinakamalapad na agos ng Kison ay mga 20 m (66 na piye) sa Kapatagan ng Aco. Maliban sa huling 10 km (6 na mi) nito, ang Kison ay kadalasang tuyo kapag tag-araw. Ngunit kapag tag-ulan, ito’y nagiging isang humuhugos na ilog, anupat inaapawan nito ang mga pampang nito at tinatangay ang lahat ng kaniyang madaanan. Dahil dito, ang kapatagang dinaraanan ng Kison ay nagiging isang malating rehiyon.
Noong panahon nina Barak at Debora, nagkaroon ng mahalagang papel ang agusang libis ng Kison sa pagliligtas sa mga Israelita mula sa paniniil ng mga Canaanita. Si Barak at ang kaniyang mga hukbo ay pumuwesto sa Bundok Tabor. Dahil dito, ang pinuno ng hukbong Canaanita na si Sisera, kasama ang kaniyang lubos na nasasandatahang mga hukbo at 900 karo, ay pumaroon sa Kison. (Huk 4:6, 7, 12, 13) Waring dehado sa labanang ito ang mga Israelita. Gayunman, nang utusan si Barak na siya at ang kaniyang 10,000 tauhan ay bumaba mula sa Bundok Tabor upang makipagbaka sa mga kaaway, ginawa nila ito. Sa pagkakataong ito’y nakialam ang Diyos na Jehova. “Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin, mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera.”—Huk 4:14, 15; 5:20.
Ayon sa tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na binanggit sa mga akda ni Josephus, “nagkaroon ng isang matinding unos na may malalakas na buhos ng ulan at graniso; at ang ulan ay inihampas ng hangin sa mga mukha ng mga Canaanita, anupat hindi sila makakita, sa gayo’y hindi nila nagamit ang kanilang mga busog at ang kanilang mga panghilagpos.” (Jewish Antiquities, V, 205 [v, 4]) Tiyak na naging putik ang lupa dahil sa gayon kalakas na ulan, anupat napigilan ang mga karo at lumubog sa lusak ang mga kabayo at dahil sa takot ay tumakas ang mga kaaway mula sa mga tauhan ni Barak. Anuman ang nangyari, sa tulong ni Jehova, “ang buong kampo ni Sisera ay bumagsak sa pamamagitan ng talim ng tabak. Walang naiwan kahit isa.” (Huk 4:15, 16; tingnan din ang Aw 83:9, 10.) Lumilitaw na tinangay ng mapanganib na agos ng Kison ang mga bangkay ng mga kaaway. (Huk 5:21) Patakbo namang tumakas si Sisera, ngunit namatay rin siya sa kahiya-hiyang paraan sa kamay ng isang babae, si Jael na asawa ni Heber na Kenita.—Huk 4:17-21.
Noong panahon ng paghahari ni Haring Ahab ng Israel, pinatay ng propetang si Elias ang 450 propeta ni Baal sa agusang libis ng Kison.—1Ha 18:22, 40.
Ang “tubig ng Megido” (Huk 5:19) at ang “agusang libis na nasa tapat ng Jokneam” (Jos 19:11) ay itinuturing na ang Kison.