Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w03 11/15 p. 28-31
  • Sa Pananampalataya, Dinaig ni Barak ang Isang Malakas na Hukbo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Pananampalataya, Dinaig ni Barak ang Isang Malakas na Hukbo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumaing ang Israel kay Jehova
  • Humirang ng Isang Lider si Jehova
  • Sa Pananampalataya ay Sumunod Sila kay Barak
  • Dinaig ni Barak ang Hukbo ni Sisera
  • Bumagsak “sa Kamay ng Isang Babae” ang Maniniil
  • Mga Aral Para sa Atin
  • Isang Bagong Lider at Dalawang Matatapang na Babae
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Barak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Ako ay Bumangon Bilang Isang Ina sa Israel”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Dalawang Matatapang na Babae
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
w03 11/15 p. 28-31

Sa Pananampalataya, Dinaig ni Barak ang Isang Malakas na Hukbo

GUNIGUNIHING nakaharap ka sa isang batalyon ng galít na mga kawal. Nasasandatahan sila ng pinakamodernong kagamitang pangmilitar, at nakatayo sila na handang gamitin ito. Sa harap nila, ikaw at ang iyong mga kasama ay halos walang kalaban-laban.

Noong panahon ng mga hukom sa Israel, gayon ang naranasan nina Barak, Debora, at ng 10,000 kapuwa nila Israelita. Ang kaaway na mga hukbo ay mga Canaanita na pinamumunuan ng kumandante ng militar na si Sisera. Kabilang sa kanilang arsenal ang mga karo, na ang mga gulong ay nasasangkapan ng nakamamatay na mga lingkaw na bakal. Ang lugar ay ang Bundok Tabor at ang agusang libis ng Kison. Ang nangyari roon ang nagpakilala kay Barak bilang isang lalaking may pananampalataya na karapat-dapat tularan. Isaalang-alang ang mga pangyayari na humantong sa labanang ito.

Dumaing ang Israel kay Jehova

Inilalahad ng aklat ng Mga Hukom ang paulit-ulit na pagtalikod ng Israel sa dalisay na pagsamba at ang kapaha-pahamak na mga bunga ng gayong mga pagkilos. Sa bawat pagkakataon, ang taimtim na pagsamo sa awa ng Diyos ay sinundan ng paghirang ng Diyos ng isang tagapagligtas, pagpapalaya, at pagkatapos ay panibagong paghihimagsik. Kasuwato ng gayong paulit-ulit na pangyayari, “ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng masama sa paningin ni Jehova ngayong patay na si Ehud [isang hukom na nagligtas sa kanila mula sa paniniil ng mga Moabita].” Sa katunayan, “pumili sila ng mga bagong diyos.” Ang resulta? “Ipinagbili sila ni Jehova sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; at ang pinuno ng kaniyang hukbo ay si Sisera . . . At ang mga anak ni Israel ay nagsimulang dumaing kay Jehova, sapagkat [si Sisera ay may] siyam na raang karong pandigma na may mga lingkaw na bakal, at siniil niya ang mga anak ni Israel nang may kabagsikan nang dalawampung taon.”​—Hukom 4:1-3; 5:8.

Kung tungkol sa buhay sa Israel, sinasabi ng Kasulatan: “[Nang mga araw na iyon,] sa mga landas ay walang dumaraan, at ang mga manlalakbay sa mga daan ay naglalakbay sa mga landas na pasikut-sikot. Ang mga nananahanan sa lantad na lupain ay naglaho.” (Hukom 5:6, 7) Ang mga tao ay takót sa mga mandarambong na tagapagpatakbo ng karo. “Ang buhay ng mga tao sa Israel ay pinangingibabawan ng takot,” ang sabi ng isang iskolar, “ang buong pamayanan ay waring paralisado at walang kalaban-laban.” Kaya gaya ng madalas nilang gawin noon, ang mga Israelitang nasisiraan ng loob ay dumaing para humingi ng tulong kay Jehova.

Humirang ng Isang Lider si Jehova

Ang paniniil ng mga Canaanita ay naging panahon ng pambansang krisis sa Israel. Ginamit ng Diyos ang propetisang si Debora upang ipabatid ang kaniyang mga hatol at tagubilin. Sa gayon ay ipinagkaloob ni Jehova sa kaniya ang pribilehiyo na kumilos bilang makasagisag na ina sa Israel.​—Hukom 4:4; 5:7.

Ipinatawag ni Debora si Barak at sinabi sa kaniya: “Hindi ba nag-utos si Jehova na Diyos ng Israel? ‘Yumaon ka at mangalat ka sa Bundok Tabor, at magsama ka ng sampung libong lalaki mula sa mga anak ni Neptali at mula sa mga anak ni Zebulon. At tiyak na itataboy ko sa iyo sa agusang libis ng Kison si Sisera na pinuno ng hukbo ni Jabin at ang kaniyang mga karong pandigma at ang kaniyang pulutong, at ibibigay ko nga siya sa iyong kamay.’ ” (Hukom 4:6, 7) Sa pagsasabing ‘hindi ba nag-utos si Jehova?,’ niliwanag ni Debora na hindi niya inaangking may awtoridad siya kay Barak. Kumilos lamang siya bilang alulod sa paghahatid ng utos ng Diyos. Paano tumugon si Barak?

“Kung sasama ka sa akin,” ang sabi ni Barak, “ako rin ay paroroon nga; ngunit kung hindi ka sasama sa akin, hindi ako paroroon.” (Hukom 4:8) Bakit atubili si Barak na tanggapin ang bigay-Diyos na pananagutan? Naduduwag ba siya? Wala ba siyang tiwala sa mga pangako ng Diyos? Hindi. Hindi tinanggihan ni Barak ang atas, ni sinuway man niya si Jehova. Sa halip, ipinahiwatig ng kaniyang tugon ang pagkadama ng kawalang-kakayahan na isakatuparan sa ganang sarili ang utos ng Diyos. Ang pagkanaroroon ng kinatawan ng Diyos ay titiyak sa patnubay ng Diyos at pupuspos ng pagtitiwala sa kaniya at sa mga tauhan niya. Samakatuwid, sa halip na tanda ng kahinaan, ang kondisyong ibinigay ni Barak ay pahiwatig ng matibay na pananampalataya.

Ang reaksiyon ni Barak ay maihahambing sa reaksiyon nina Moises, Gideon, at Jeremias. Kulang din ng tiwala ang mga lalaking ito sa kanilang kakayahang tuparin ang bigay-Diyos na mga atas. Ngunit hindi sila itinuring na di-gaanong tapat dahil doon. (Exodo 3:11–​4:17; 33:12-17; Hukom 6:11-22, 36-40; Jeremias 1:4-10) At ano ang masasabi sa saloobin ni Debora? Hindi niya tinangkang manguna. Sa halip, nanatili siyang isang mahinhing lingkod ni Jehova. “Walang pagsalang sasama ako sa iyo,” ang sabi niya kay Barak. (Hukom 4:9) Handa niyang lisanin ang tahanan​—isang dako na may higit na seguridad​—upang samahan si Barak sa napipintong digmaan. Nagpakita rin ng pananampalataya at lakas ng loob si Debora.

Sa Pananampalataya ay Sumunod Sila kay Barak

Ang tagpuan para sa hukbo ng Israel ay ang kitang-kitang bundok na pinanganlang Tabor. Angkop ang piniling lugar. Kumakatawan ito sa isang likas na tipunang dako para sa mga tribo ng Neptali at Zebulon, na naninirahan sa malapit. Kaya gaya ng iniutos ng Diyos, ang sampung libong boluntaryo​—at si Debora​—ay sumunod kay Barak sa itaas ng bundok na ito.

Kinailangan ang pananampalataya sa bahagi ng lahat ng sumama kay Barak. Ipinangako ni Jehova kay Barak ang tagumpay laban sa mga Canaanita, ngunit ano ba ang mga sandata ng mga Israelita? Sinasabi ng Hukom 5:8: “Ang isang kalasag ay hindi makita, ni ang isang sibat, sa apatnapung libo sa Israel.” Kaya ang mga Israelita ay hindi gaanong nasasandatahan. Sakali mang mayroon silang mga sibat at kalasag, maliwanag na hindi pa rin ito sapat na panlaban sa mga karong pandigma na may lingkaw na bakal. Nang marinig na umakyat sa Bundok Tabor si Barak, agad pinisan ni Sisera ang lahat ng kaniyang mga karo at mga kawal sa agusang libis ng Kison. (Hukom 4:12, 13) Hindi natanto ni Sisera na makikipaglaban siya sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.

Dinaig ni Barak ang Hukbo ni Sisera

Nang dumating ang oras ng labanan, sinabi ni Debora kay Barak: “Tumindig ka, sapagkat ito ang araw na ibibigay nga ni Jehova si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba si Jehova ang lumabas sa unahan mo?” Si Barak at ang kaniyang mga tauhan ay bababa mula sa taluktok ng Tabor tungo sa mga kapatagan ng libis, ngunit magkakaroon doon ng estratehikong bentaha ang mga karo ni Sisera. Ano kaya ang madarama mo kung kabilang ka sa hukbo ni Barak? Agad ka kayang susunod, anupat iniisip na ang utos ay galing kay Jehova? Si Barak at ang kaniyang sampung libong tauhan ay sumunod. “At nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang mga karong pandigma at ang buong kampo sa pamamagitan ng talim ng tabak sa harap ni Barak.”​—Hukom 4:14, 15.

Dahil sa suporta ni Jehova, nadaig ni Barak ang hukbo ni Sisera. Hindi ipinaliliwanag ng ulat ng digmaan ang lahat ng nangyari. Gayunman, ang awit ng tagumpay nina Barak at Debora ay nagsasabi na ‘ang langit at ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.’ Malamang, isang bagyong maulan ang naging sanhi upang mabalaho sa putikan ang mga karo ni Sisera, na nagbigay naman ng bentaha kay Barak. Kaya naging hadlang ang pangunahing sandatang pansalakay ng mga Canaanita. Tungkol sa mga bangkay ng mga tauhan ni Sisera, sinasabi ng awit: “Tinangay sila ng ilog ng Kison.”​—Hukom 5:4, 21.

Kapani-paniwala ba ang pangyayaring ito? Ang agusang libis ng Kison ay isang wadi, ang pinakasahig ng isang batis na karaniwang inaagusan ng kaunting tubig. Pagkaraan ng mga bagyo o matatagal na pag-ulan, ang gayong mga batis ay malamang na biglang lumaki at maging mabibilis, mapanganib, at malalakas na agos. Noong Digmaang Pandaigdig I, ang 15 minuto lamang na pag-ulan sa maputik na lupa ng lugar ding ito ay sinasabing nagsapanganib sa tagumpay ng lahat ng kilos ng mga mangangabayo. Ang mga ulat ng digmaan sa Bundok Tabor sa pagitan ni Napoleon at ng mga Turko noong Abril 16, 1799 ay nagsasabi na “marami sa mga huling nabanggit ang nalunod nang magtangkang tumakas patawid sa isang bahagi ng kapatagan na binaha dahil sa Kison.”

Sinasabi ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus na noong malapit nang magtagpo ang mga hukbo nina Sisera at Barak, “dumating mula sa langit ang malakas na bagyo, na nagbuhos ng napakalakas na ulan at napakaraming graniso, at inihihip ng hangin ang ulan sa mukha ng mga Canaanita, at pinalabo nang husto ang kanilang paningin, anupat ang mga palaso at mga panghilagpos nila ay walang naitulong sa kanila.”

“Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin,” ang sabi ng Hukom 5:20, “mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera.” Paano nakipaglaban ang mga bituin kay Sisera? Minamalas ng ilan ang pananalitang ito bilang pagtukoy sa tulong ng Diyos. Sinasabi naman ng iba na tumutukoy ito sa pagtulong ng mga anghel, sa pag-ulan ng mga bulalakaw, o sa pagtitiwala ni Sisera sa di-nagkatotoong mga hula na salig sa astrolohiya. Yamang hindi ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano talaga nakipaglaban ang mga bituin sa digmaang ito, lumilitaw na sapat nang unawain ang pananalitang ito bilang pahiwatig ng isang anyo ng pakikialam ng Diyos alang-alang sa hukbo ng Israel. Anuman ang nangyari, lubos na sinamantala ng mga Israelita ang situwasyon. “Hinabol ni Barak ang mga karong pandigma . . . anupat ang buong kampo ni Sisera ay bumagsak sa pamamagitan ng talim ng tabak. Walang naiwan kahit isa.” (Hukom 4:16) Ano ang nangyari sa pinuno ng hukbo na si Sisera?

Bumagsak “sa Kamay ng Isang Babae” ang Maniniil

“Kung tungkol kay Sisera,” ang sabi ng Bibliya, iniwan nito ang labanan at “patakbo itong tumakas patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Heber na Kenita, sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari ng Hazor at ng sambahayan ni Heber na Kenita.” Inanyayahan ni Jael sa loob ng kaniyang tolda ang pagód na si Sisera, binigyan ito ng gatas na maiinom, at kinumutan, anupat ito ay nakatulog. Pagkatapos ay “kumuha si Jael . . . ng isang tulos ng tolda at inilagay ang martilyo sa kaniyang kamay,” mga bagay na regular na ginagamit ng isang naninirahan sa tolda. “Pagkatapos ay pinaroonan niya ito nang palihim at itinarak ang tulos sa mga pilipisan nito at pinatagos iyon sa lupa, habang ito ay natutulog nang mahimbing at pagod. Kaya ito ay namatay.”​—Hukom 4:17-21.

Pagkatapos ay lumabas si Jael upang salubungin si Barak at sinabi niya rito: “Halika at ipakikita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Sinabi pa ng ulat: “Kaya pumaroon siya sa kaniya at, narito! si Sisera ay nakabulagtang patay, at ang tulos ay nasa mga pilipisan nito.” Tunay ngang nakapagpapatibay-pananampalatayang karanasan iyon para kay Barak! Bago ito ay sinabi sa kaniya ng propetisang si Debora: “Ang kagandahan ay hindi magiging iyo sa daan na iyong paroroonan, sapagkat sa kamay ng isang babae ipagbibili ni Jehova si Sisera.”​—Hukom 4:9, 22.

Matatawag bang kataksilan ang ginawa ni Jael? Hindi gayon ang pangmalas ni Jehova rito. “Sa mga babae sa tolda ay lubha siyang pagpapalain,” ang sabi ng awit ng tagumpay nina Barak at Debora. Tinutulungan tayo ng awiting ito na magkaroon ng tamang pangmalas sa pagkamatay ni Sisera. Ang kaniyang ina ay inilalarawan na balisang naghihintay sa pagdating niya mula sa digmaan. “Bakit naaantala sa pagdating ang kaniyang karong pandigma?” ang tanong niya. Sinisikap ng “marurunong sa kaniyang mga maharlikang babae” na ibsan ang kaniyang mga pangamba sa pagsasabing tiyak na hinahati-hati niya ang mga samsam sa digmaan​—magagandang burdadong kasuutan at mga babae para sa mga lalaki. Nagtanong ang mga babae: “Hindi ba sila dapat mamahagi ng samsam, isang bahay-bata​—dalawang bahay-bata [katawagan ng mga kawal para sa nabihag na mga babae, talababa ng New World Translation of the Holy Scriptures​—With References] sa bawat matipunong lalaki, samsam na mga tininang bagay para kay Sisera . . . Isang burdadong kasuutan, tininang bagay, dalawang burdadong kasuutan para sa mga leeg ng mga lalaking nanamsam?”​—Hukom 5:24, 28-30.

Mga Aral Para sa Atin

Ang ulat tungkol kay Barak ay nagtuturo ng mahahalagang aral sa atin. Tiyak na sasapit ang mga problema at pagkasiphayo sa sinumang hindi nagsasaalang-alang kay Jehova sa kanilang buhay. Ang kalayaan mula sa iba’t ibang uri ng paniniil ay posible para sa mga may-pagsisising bumabaling sa Diyos at nananampalataya sa kaniya. At hindi ba dapat din nating linangin ang espiritu ng pagkamasunurin? Kahit pa waring salungat sa iniisip ng tao ang mga kahilingan ng Diyos, makapagtitiwala tayo na ang kaniyang mga tagubilin ay laging para sa ating walang-hanggang ikabubuti. (Isaias 48:17, 18) ‘Dinaig ni Barak ang mga hukbo ng mga banyaga’ sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jehova at pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos.​—Hebreo 11:32-34.

Ang nakaaantig na konklusyon sa awit nina Debora at Barak ay: “Malipol [nawa] ang lahat ng iyong mga kaaway, O Jehova, at ang mga umiibig sa iyo ay maging gaya nawa ng araw kapag yumayaon sa kaniyang kalakasan.” (Hukom 5:31) Tunay ngang magkakatotoo ito kapag winakasan na ni Jehova ang balakyot na sanlibutan ni Satanas!

[Larawan sa pahina 29]

Ginamit ni Jehova si Debora upang ipatawag si Barak

[Larawan sa pahina 31]

Umaapaw ang Ilog Kison sa mga pampang nito

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 31]

Bundok Tabor

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share