HAGDANAN
[sa Ingles, ladder].
Ang tanging paglitaw sa Bibliya ng terminong Hebreo na sul·lamʹ, na isinalin bilang “hagdanan,” ay nasa Genesis 28:12. Doon ay tumutukoy ito sa hagdanang nakita ni Jacob sa panaginip. Nakakita ang patriyarkang ito ng isang hagdanan (o marahil, ng kahawig ng pataas na salansan ng mga bato) na nakalagay sa ibabaw ng lupa, anupat ang dulo nito ay umaabot hanggang sa langit. Nagmamanhik-manaog sa hagdanang iyon ang mga anghel ng Diyos, at isang wangis ng Diyos na Jehova ang nasa itaas niyaon. (Gen 28:13) Ipinahihiwatig ng hagdanang ito at ng mga anghel na naroroon na may komunikasyon sa pagitan ng lupa at ng langit, at na ang mga anghel ay gumaganap ng mahalagang paglilingkod sa pagitan ng Diyos at niyaong mga sinasang-ayunan niya.
Maaaring nasa isip ni Jesus ang pangitain ni Jacob nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad, “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng tao.”—Ju 1:51.
Ang mga hagdanan ay bahagi ng mga kasangkapang pangubkob na ginagamit noon sa pakikipagdigma at malimit isalarawan ang mga ito sa mga bantayog ng Ehipto at ng Asirya. Isang relyebe mula sa Nineve ang nagpapakita ng mga Asiryano habang gumagamit sila ng mga hagdanang pangubkob noong sinasalakay nila ang Lakis.
Noong sinaunang panahon, ginamit ang mga hagdanan sa iba pang mga layunin, gaya sa mga hanapbuhay na may kaugnayan sa pagtatayo. Halimbawa, makikita ang mga ito sa stela ng Ur-Nammu na nagsasalarawan ng pagtatayo ng isang ziggurat. Gayundin, sa isang relyebe ng Asirya mula sa Tell Halaf, itinuturing na mula pa noong ikasiyam na siglo B.C.E., isang lalaki ang ipinakikitang umaakyat sa isang puno ng palmang datiles sa tulong ng isang hagdanan.