Paggamit ng mga Hagdan—Tinitiyak Mo Bang Ligtas ang mga Ito?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ireland
KAILANGANG palitan ni Paul ang isang bumbilya ng ilaw sa labas ng kaniyang bahay. Kailangan din niyang linisin ang labas ng bintana sa itaas—ilang ulit na itong binanggit ng kaniyang asawa. Subalit patuloy na ipinagpapaliban ni Paul ang mga gawaing ito. Bakit? Sapagkat alam niyang gagamit siya ng hagdan.
Makatuwiran naman ang kaniyang pangamba. Alam niyang ang mga aksidente sa paggamit ng mga hagdan ay maaaring pagmulan ng malubha, nakamamatay pa nga, na mga pinsala. Madalas itong mangyari dahil hindi pinag-isipang mabuti ng manggagawa kung paano gagamitin nang wasto ang hagdan.
Bago niya gawin ang mga trabahong ito, ano ang kailangang isaalang-alang ni Paul tungkol sa mga hagdan? Narito ang sampung mungkahi na nakatulong sa kaniya upang gawing ligtas ang mga bagay-bagay.
Ligtas ba ang Hagdan?
1 Kumuha ng tamang hagdan. Baka masobrahan ang pag-abot mo kung napakababa ng hagdan. Baka mailagay mo ito sa isang mapanganib na anggulo kung napakahaba naman nito. Iwasang gumamit ng hagdang tiklupin upang makaakyat sa inyong atik. Magpalagay ng tamang hagdan para sa inyong atik, o gumamit ng isang naisasandal na hagdan.
2 Suriing maingat ang iyong hagdan. Ito ba ay nakatinggal sa labas? Namamaga ang mga hagdan na kahoy kung basa at umuurong naman kung tuyo. Sa kalaunan, maaaring lumuwag ang mga baitang, anupat nagiging mabuway ang hagdan. May-bitak na ba ang alinman sa mga baitang na kahoy, o nabubulok na ba ang mga ito? Kadalasan, may gabilyang pansuporta na yari sa metal sa ilalim ng bawat baitang na kahoy. Ito ba’y nasa lugar at matibay ang pagkakakabit? Sira o kinalawang na ba ang mga turnilyo o rimatseng ginamit upang ikabit ang mga metal na baitang sa mga nakatayong poste? Ang mas malaking hagdan na may ekstensiyon ay maaaring may mga kalo at lubid. Mahusay pa ba ang takbo ng mga kalo? Ang lubid ba ay marupok na, at sapat pa ba ang haba nito? Gawin agad ang lahat ng mga pagkumpuni o pagpapalit.
Ang mga baitang ay kadalasang may maliliit na uka upang huwag dumausdos ang mga ito. Tiyaking alisin ang anumang dumi na maaaring natipon sa mga uka. Ang lahat ng hagdan ay dapat na may mga sapin sa ilalim ng pinaka-paa nito upang huwag dumausdos. Suriin kung nakakabit pa ang mga ito at hindi masyadong pudpod.
3 Dalhin nang ligtas ang mga hagdan. Sa ibabaw ng isang sasakyan, itali ang hagdan sa isang angkop na lagayan ng hagdan, o itali ito sa isang treyler sa di-kukulanging dalawang kabitan. Ang mahabang hagdan ay maaaring lumampas sa likuran ng sasakyan, kaya magtali ng isang babalang bandera sa dulo upang madali itong makita ng isa na sumusunod.
Pinakaligtas kung dalawang tao ang magdadala ng isang mahabang hagdan. Ngunit kung wala kang katulong sa pagdadala ng isang hagdan at pinili mong dalhin ito nang pahalang, buhatin mo itong matatag sa iyong balikat sa isang kamay, samantalang ginagamit ang isa namang kamay upang panatilihin itong timbang. Upang huwag tamaan ang sinuman, panatilihing mataas sa iyong ulo ang dulo nito sa harap. Gayunman, tandaan na magkasinghaba ang hagdan na nasa likuran mo at yaong nasa harap mo! Waring katawa-tawa ang mga komedya tungkol sa mga taong natatamaan ng hagdan. Subalit, ang totoo, hindi ito kailanman katawa-tawa—lalo na kung ikaw ang nasaktan.
Kung patayo naman ang pagdadala mo sa hagdan, ang bigat ay dapat na nasa gawing itaas ng iyong katawan, na ginagamit ang isang kamay upang buhatin ito at ang isang kamay naman, na nakahawak nang mas mataas sa balikat, upang timbangin ito. Mag-ingat sa mga kawad, ilaw, at mga paskil sa itaas!
4 Ipuwesto nang tama ang hagdan. Para sa kaligtasan, ang hagdan ay hindi dapat nakasandal nang patagilid at dapat na nakasandal sa isang anggulo na 75 digris mula sa sahig.
5 Maglagay ng suporta sa itaas at sa ibaba. Mag-ingat kung saan mo inilalagay ang tuktok ng hagdan. Tiyakin na ang pinakaibabaw na pinagsasandalan ng hagdan ay matatag at hindi dumadausdos. Huwag kailanman isandal ang hagdan sa salamin o plastik. Hangga’t maaari, itali ito nang husto sa isang nakapirming bagay, na ang ibabaw ng hagdan ay mga isang metro ang taas mula sa pinagsasandalang pader.
Pakaingat ka na kapag sa simula’y umakyat ka sa hagdan, itali mo ito sa itaas. Ang unang pag-akyat ay magiging mabuway, at gayundin ang huli, kapag bumaba ka na pagkatapos kalagin ito sa itaas. Upang gawing mas ligtas ang una at huling pag-akyat, kumuha ka ng katulong na hahawak sa hagdan sa ibaba habang umaakyat ka. Gayunman, mabisa lamang ito kung ang hagdan ay hindi hahaba sa 5 metro.
Kung ang lupa ay pahilis mula sa gusali, maglagay ng isang bagay na mabigat sa paanan ng hagdan o itali ang isang mas mababang baitang sa isang nakapirming bagay. Kung hindi pantay ang lupa ngunit matatag, gumamit ng isang kalso upang maging patag ang patungan. Maglagay ng isang tabla o isang bagay na kahawig nito upang maging matatag ang patungan kung ang lupa ay malambot o buhaghag.
Kung gagamit ka ng hagdang tiklupin, tiyakin na ang lahat ng apat na paa ay matatag na nakalapat sa lupa, na ang dalawang bahagi ay lubusang nakabuka at anumang aldaba na pangkaligtasan ay nakasara sa lugar.
Ligtas Ka Ba?
6 Suriin mo ang iyong sapatos. Bago ka umakyat ng hagdan, tiyakin mo na ang mga suwelas ng iyong sapatos ay tuyo. Alisin ang anumang bagay, gaya ng putik, na makapagpapadulas sa iyo.
7 Dalhin nang maingat ang mga bagay-bagay. Upang malaya ang dalawang kamay sa pag-akyat, hangga’t maaari, dalhin ang mga kasangkapan sa isang lalagyan na nakakabit sa isang sinturon. Humanap ng mapagpipiliang paraan ng pagbuhat ng saliwang mga bagay, subalit kung dapat mong gamitin ang hagdan, panatilihing nakahawak sa hagdan ang kamay na walang bitbit sa lahat ng panahon sa pamamagitan ng pagdausdos nito sa gilid ng hagdan habang umaakyat ka. Kumilos nang dahan-dahan at sistematiko, at huwag magmadali.
Kung gumagamit ka ng mga kasangkapang de kuryente, huwag gamitin ang dalawang kamay sa pagpapaandar nito. Halimbawa, sa di inaasahan, ang isang barena ay maaaring magbara o dumulas, anupat ikaw ay mawalan ng panimbang at mahulog. Huwag na huwag ipipirme ang mga ito na naka-on; maaaring mahulog ang mga ito samantalang umaandar.
8 Maging makonsiderasyon sa iba. Kung ikaw ay gumagawa sa isang publikong lugar, gawin mong madaling makita ang hagdan at, kung maaari, bakuran mo ito ng tali. Kung kailangan mong ilipat ang hagdan sa isang kanto, alamin mo na hindi ito inaasahan ng iba. Sumigaw ka ng isang palakaibigang babala, at tingnan mo kung walang tao sa daan.
Kung may mga kasangkapan ka na nasa hagdan, tandaan na kahit na ang isang maliit na disturnilyador ay makapipinsala kapag nahulog ito mula sa mataas na dako. Kung kailangan mong umalis dahil sa ilang kadahilanan at hindi mo naitali nang husto ang hagdan, tumawag ka ng isang magbabantay, o magbababa ng hagdan nang ligtas hanggang sa iyong pagbabalik. Huwag mong iwan ito na walang tumitingin.
9 Suriin ang iyong kalusugan. Yamang ang pag-akyat ay nangangailangan ng pagkakatimbang at sukat ng galaw, huwag kang umakyat kung hindi mabuti ang pakiramdam mo o naduduwal ka o kung mayroon kang vertigo.
10 Umakyat nang maingat. Sa lahat ng panahon, maging palaisip sa pagiging ligtas. Huwag hayaan ang dalawa o higit pang tao sa isang hagdan sa iisang panahon. Huwag aakyat kung napakalakas at mahugong ang hangin. Huwag tatayo sa ibabaw na baitang ng isang hagdang tiklupin o sa ibabaw ng ikaapat na baitang mula sa tuktok ng mahabang hagdan. Huwag pahabain nang husto ang extension ladder; laging mag-iwan ng hindi kukulanging tatlong baitang na magkasanib. Huwag aabutin ang napakalayo. Kung hihilig ka nang napakalayo habang nasa hagdan, madali kang mawalan ng panimbang at mahulog. Sa halip na ilagay sa panganib ang sarili, ilipat mo ang hagdan, kahit na mangahulugan ito ng mas mahabang panahon sa paggawa ng trabaho. Kapag umaakyat, tumingin sa unahan.
Anumang pag-iingat ang gawin mo, laging may panganib kapag gumamit ka ng hagdan. Marahil ay mababawasan mo ang mga ito sa tulong ng mga mungkahing ito. Natulungan nito si Paul. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ito, ligtas niyang naikabit ang bagong bumbilya ng ilaw sa labas ng bahay. At ang paglilinis sa bintana? Buweno, gagawin niya iyan sa ibang panahon . . . marahil!
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
1 Kumuha ng tamang hagdan
2 Suriing maingat ang iyong hagdan
3 Dalhin nang ligtas ang mga hagdan
4 Ipuwesto nang tama ang hagdan
5 Maglagay ng suporta sa itaas at sa ibaba
6 Suriin mo ang iyong sapatos
7 Dalhin nang maingat ang mga bagay-bagay
8 Maging makonsiderasyon sa iba
9 Suriin ang iyong kalusugan
10 Umakyat nang maingat