LEMUEL
[Pag-aari ng Diyos].
Isang di-ipinakilalang hari noong sinaunang mga panahon na ang mga salita ay nakaulat sa Kawikaan kabanata 31. Ang kaniyang pagkakakilanlan ay naging paksa ng maraming talakayan, anupat iminumungkahi ng ilang komentarista na ang Lemuel ay isa pang pangalan ni Solomon. Iniuugnay ng iba si Lemuel kay Hezekias. Ang mga salita ni Haring Lemuel ang bumubuo sa “mabigat na mensahe na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina bilang pagtutuwid.” (Kaw 31:1) Gayunman, hindi alam ang panahon at mga kalagayan nang tanggapin ng hari ang gayong impormasyon mula sa kaniyang ina. Ang “mabigat na mensahe” na ito ay nagpapayo laban sa pagkakasangkot sa masamang babae, nagbababala kung paano binabaluktot ng nakalalangong inumin ang pagpapasiya, nagtatampok ng pangangailangang humatol nang matuwid, at pagkatapos ay naglalarawan sa isang mabuting asawang babae.