Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
▪ Sinong manunulat ng Bibliya ang isang “heneral,” gaya ng binabanggit sa aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?a
Ang pantulong na aklat na iyan tungkol sa Salita ng Diyos ay nagsasabi sa pahina 10: “Natatangi rin ang Bibliya dahil sa pag-aangkin ng marami sa mga manunulat nito. Mga 40 tao, na binubuo ng mga hari, mga pastol, mga mangingisda, mga empleyado sa gobyerno, mga saserdote, at maging isang heneral sa hukbo, at isang manggagamot, ang nakibahagi sa pagsulat ng iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Subalit paulit-ulit, isa lamang ang naging pag-aangkin ng mga manunulat na ito: na ang isinusulat nila’y hindi nila sariling kaisipan kundi ng Diyos.”
May mga nagtanong kung aling mga manunulat ng Bibliya ang nakilala na kabilang sa iba’t ibang propesyon o gawaing iyan. Sa bagay na ito, pakisuyong isaalang-alang ang sumusunod:
Mga hari: Ang ibang mga manunulat ng Bibliya ay mga hari. Si David at si Solomon ang marahil maiisip agad-agad. (Awit 3, titulo; Kawikaan 1:1; Eclesiastes 1:1) Subalit, ang awit sa Isaias 38:10-20 ay isinulat ni Ezekias. (Isa 38 Talatang 9) Maraming iskolar ang naniniwala na siya rin ang sumulat ng Awit 119, marahil bago naging hari. At si Ezekias ay may bahagi rin sa pagtitipon ng Mga Kawikaan kabanata 25–29. (Kawikaan 25:1) Ang huling kabanata ng Kawikaan ay inihanda ni “Lemuel na hari.” Kinikilala ng iba na ang manunulat nito ay si Haring Ezekias, bagaman ang iba’y may palagay na si Lemuel ay si Haring Solomon.—Kawikaan 31:1.
Mga pastol: Si David at ang propetang si Amos ay mga pastol. (1 Samuel 16:11-13; 17:15, 28, 34; Amos 1:1) Si Amos ang sumulat ng aklat ng Bibliya na may taglay ng kaniyang pangalan, at si David naman ay sumulat ng maraming awit. Ang bantog na Awit 23 ay tunay ngang kababanaagan ng karanasan ni David sa pagpapastol.
Mga mangingisda: Sa mga apostol ni Jesus na mga mangingisda, si Juan at si Pedro nang maglaon ay kinasihan na sumulat ng mga aklat ng Bibliya. (Mateo 4:18-22) Si Juan ay kinasihan na sumulat ng isang salaysay ng Ebanghelyo at gayundin ng tatlong kinasihang mga liham at ng aklat ng Apocalipsis. Si Pedro naman ay sumulat ng dalawang kinasihang liham.
Mga empleyado sa gobyerno: Kapuwa si Daniel at si Nehemias ay mga empleyado ng mga pamahalaang banyaga na may autoridad sa bayan ng Diyos. (Nehemias 1:1, 11; 2:1, 2; Daniel 1:19; 2:49; 6:1-3) Dalawang aklat ng Bibliya ang may pangalan ng mga lalaking ito.
Mga saserdote: Dalawa sa mga propeta ng Diyos na ginamit upang sumulat ng mga aklat ng Bibliya ay mga saserdote. Sila’y si Jeremias at si Ezekiel. (Jeremias 1:1; Ezekiel 1:1-3) Karagdagan pa, si Ezra ay isang saserdoteng Aaroniko na “dalubhasang tagakopya sa kautusan ni Moises.” Siya’y “naghanda ng kaniyang puso na kumunsulta sa kautusan ni Jehova at sundin iyon at magturo sa Israel ng mga palatuntunan at kahatulan.”—Ezra 7:1-6, 10, 11.
Heneral: Ang bahaging ginampanan ni Josue sa pangunguna sa hukbo nang ang mga Israelita ay papasók na sa Lupang Pangako at hanggang sa makipagbaka sa maraming mga kaaway na bayan ay nagbibigay sa kaniya ng kuwalipikasyon bilang isang heneral. (Josue 1:1-3; 11:5, 6) Siya’y binigyan ng pribilehiyong sumulat ng aklat ng Josue. Isa pa rin, marahil ay ituturing ng maraming mambabasa ng Bibliya na si David ay isang taong gumanap ng tungkulin ng isang heneral bago siya naging isang hari.—1 Samuel 19:8; 23:1-5.
Manggagamot: Sa wakas, sa Colosas 4:14 ay binabanggit si “Lucas na minamahal na manggagamot.” Si Lucas ang sumulat ng Ebanghelyong may taglay ng kaniyang pangalan, at maliwanag pati ng Mga Gawa ng mga apostol.
[Talababa]
a Lathala noong 1989 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.