LICAONIA
Isang rehiyon sa Asia Minor kung saan wikang Licaonia ang sinasalita. (Gaw 14:6-11) Ang mga hangganan ng Licaonia ay lubhang nagpabagu-bago sa buong kasaysayan nito at hindi matiyak. Pangunahin na, noong yugtong tukuyin ang Licaonia sa rekord ng Bibliya, nasa timugang bahagi ito ng Romanong probinsiya ng Galacia at kahangga ng Pisidia at Frigia sa K, ng Capadocia sa S, at ng Cilicia sa T. Ang lugar na ito ay binubuo ng kapatagang walang punungkahoy anupat limitado ang tubig. Gayunman, noong sinauna, ito ay maituturing na mabunga at may sapat na pastulan para sa maraming tupa.
Dumalaw ang apostol na si Pablo sa Derbe at Listra, dalawang lunsod ng Licaonia, noong panahon ng kaniyang una at ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Maaaring tumigil din siya roon noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero habang naglalakbay siya “sa iba’t ibang dako sa lupain ng Galacia.”—Gaw 14:6, 20, 21; 16:1; 18:23.