MALVA, MGA
[sa Heb., ʼo·rothʹ o ʼoh·rothʹ; sa Ingles, mallows].
Ang mababang malva ay isang halamang gumagapang na ang mga dahon ay halos bilog, medyo nakaumbok at tulad-lagari ang gilid anupat mahahaba ang tangkay. Ang mga bulaklak nito ay mahigit sa 1 sentimetro (0.5 pulgada) ang lapad at iba’t iba ang kulay mula sa mapusyaw na asul hanggang sa puti. Ang mga bunga nito na lapád, pabilog at malagkit ay karaniwang tinatawag na mga “cheese.”
Ang “mga malva” ay salin ng salitang Hebreo na ʼo·rothʹ (2Ha 4:39; Isa 26:19), itinuturing na pangmaramihan ng ʼoh·rahʹ, “liwanag.” (Es 8:16; Aw 139:12) Ayon sa Lexicon in Veteris Testamenti Libros nina L. Koehler at W. Baumgartner (Leiden, 1958, p. 90), ang ʼo·rothʹ ay tumutukoy sa mababang malva (Malva rotundifolia). Ang pagkakakilanlang ito ay salig sa bagay na ang halamang ito ay napakasensitibo sa liwanag, kaya naman marahil ay binigyan ito ng katawagang Hebreo na nangangahulugang “[mga yerbang] liwanag.” Gayundin, ang bunga nito ay makakain, anupat kasuwato ng 2 Hari 4:39.—LARAWAN, Tomo 1, p. 543.