ASIN, HALAMANG
[sa Heb., mal·luʹach; sa Ingles, salt herb].
Ang terminong ito ay minsan lamang binanggit sa Kasulatan bilang isang pagkain na kinakain niyaong mga walang kabuluhan. (Job 30:4) Ang salita sa orihinal na wika ay itinuturing na hinalaw sa salitang-ugat na nangangahulugang “asin,” at isinalin din ito bilang “salt-wort” (AS, AT, Da), “cress” (Fn), “damo” (Dy), at “(mga) malva” (KJ, Le, RS). Waring ang saling “mga malva” ay resulta ng pagkakahawig ng salitang Hebreo na mal·luʹach at ng salitang Griego na mo·loʹkhe, na pinaniniwalaang kaugnay ng katawagan sa Ingles na “mallow (malva).” Gayunman, sa Job 30:4, hindi ginamit ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang mo·loʹkhe kundi haʹli·ma (“mga halamang asin,” LXX, Bagster), at ang haʹli·ma, gaya ng mal·luʹach, ay ipinapalagay na tumutukoy alinman sa maalat na lasa ng halamang ito o sa rehiyon kung saan ito tumutubo.
Ang halaman na pinakamalimit imungkahi bilang katumbas ng mal·luʹach sa Bibliya ay ang sea purslane o shrubby orache (Atriplex halimus). Karaniwan na, ang makapal na palumpong na ito ay tumataas nang 1 hanggang 2 m (3 hanggang 6.5 piye). Ang halamang ito ay may mga dahong maliit, makapal at maasim, at kapag tagsibol ay nag-uusbong ito ng maliliit na purpurang bulaklak. Tumutubo ito sa maasin na lupa.