MATIAS
[malamang na pinaikling anyo ng Heb. na Matitias, nangangahulugang “Kaloob ni Jehova”].
Ang alagad na pinili sa pamamagitan ng palabunutan upang pumalit kay Hudas Iscariote bilang apostol. Pagkaakyat ni Jesus sa langit, si Pedro, matapos sabihin na hindi lamang inihula ng salmistang si David ang paglihis ni Hudas (Aw 41:9) kundi isinulat din ni David (Aw 109:8) na “ang kaniyang katungkulan ng pangangasiwa ay kunin nawa ng iba,” ay nagpanukala sa humigit-kumulang sa 120 alagad na nagkakatipon na punan ang bakanteng katungkulan. Iniharap sina Jose Barsabas at Matias upang pagpilian; pagkapanalangin, inihagis ang mga palabunot, at si Matias ang napili. Palibhasa’y naganap ilang araw na lamang bago ang pagbubuhos ng banal na espiritu, ito ang huling pagkakataong iniulat sa Bibliya na ginamit ang mga palabunot upang malaman ang pagpili ni Jehova sa isang bagay.—Gaw 1:15-26.
Ayon sa mga salita ni Pedro (Gaw 1:21, 22), si Matias ay naging tagasunod ni Kristo sa buong tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo ni Jesus, nagkaroon ng malapít na pakikipag-ugnayan sa mga apostol, at malamang na isa sa 70 alagad o ebanghelista na isinugo ni Jesus upang mangaral. (Luc 10:1) Pagkatapos niyang mapili, ‘ibinilang [siya ng kongregasyon] kasama ng labing-isang apostol’ (Gaw 1:26), at karaka-raka pagkatapos nito, kapag binabanggit ng aklat ng Mga Gawa ang “mga apostol” o ang “labindalawa,” kabilang na rito si Matias.—Gaw 2:37, 43; 4:33, 36; 5:12, 29; 6:2, 6; 8:1, 14; tingnan ang PABLO.