Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sino ang “labindalawa” na sa kanila napakita si Jesus, gaya ng binanggit sa 1 Corinto 15:5?
Ang pagpapakitang binabanggit sa 1 Corinto 15:5 ay waring yaong nakaulat sa Juan 20:26-29, at ang nasasangkot ay si Tomas. Subalit, ito’y tumutukoy sa mga apostol bilang isang grupo at malamang na doo’y kasali si Matias.
Sa pagtalakay ng pagkabuhay-muli, si Pablo’y sumulat tungkol sa mga pagpapakita ni Jesus sa mga tao pagkatapos na Siya ay buhaying-muli. Sinabi ng apostol na si Kristo’y “napakita kay Cefas, at saka sa labindalawa. Pagkatapos ay napakita siya sa mahigit na 500 kapatid.”—1 Corinto 15:5, 6.
Kabilang sa mga nagsisunod sa kaniya bilang mga alagad, si Jesus ay pumili ng 12 apostol. (Mateo 10:2-5) Si Judas Iscariote ay isa sa 12, ngunit siya’y naging traydor, kaniyang ipinagkanulo si Jesus, at pagkatapos ay nagbigti ng sarili. (Mateo 26:20-25; 27:3-10) Kaya noong panahon ng pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus mayroong 11 tapat na mga apostol buhat doon sa orihinal na 12. Si Jesus ay napakita sa iba’t ibang mga alagad sa pagitan ng kaniyang pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit. Pagkatapos ay nakilala ng mga apostol ang pangangailangan na halinhan si Judas. Taglay ang makalangit na patnubay, si Matias ay napili, at “siya’y ibinilang kasama ng labing-isang apostol.”—Gawa 1:6-26.
Kaya naman ang iba ay nagtataka kung bakit sumulat si Pablo na si Jesus ay napakita sa “labindalawa,” yamang noon si Judas ay patay na at si Matias ay hindi pa naman napipili. Sa espisipikong pananalita, noon ay mayroon lamang “labing-isang apostol” sa mga orihinal na pinili at sinugo ni Jesus.—Lucas 6:13-16.
Normal na matutukoy ang isang grupo bilang sama-sama kahit na ang isang kabilang doon ay wala. (“Ang lupon ng mga direktor ay nagpasiya . . . ” “Ang lupon ng matatanda ay nagpulong . . . ”) Kaya ang terminong “labindalawa” ay maaaring ginamit upang tumukoy sa buong grupo ng mga apostol, kahit na ang isa o dalawa ay wala roon sa isang pagkakataon. (Ihambing ang Gawa 6:1-6.) Nang si Jesus ay unang magpakita sa mga alagad sa isang kuwartong nakakandado, “si Tomas, isa sa labindalawa, . . . ay hindi nila kasama.” Makalipas ang walong araw siya ay naroroon na at naalis ang anumang alinlangan. (Juan 20:19-29) Bagaman si Matias ay hindi pa hinihirang noon upang humalili kay Judas, siya ay malaon nang isang alagad. (Gawa 1:21, 22) Yamang siya’y malapitang kahalubilo ng orihinal na mga apostol at hindi nagtagal pagkatapos ay “ibinilang na kasama” nila, sa pagkasabi na napakita si Jesus sa “labindalawa” ay malamang na kasali si Matias.