KAAMUAN
Kahinahunan ng kalooban, na walang kapalaluan o pagmamapuri. Ang disposisyon ng kaisipan na tumutulong sa isa na mabata ang pinsala nang may pagtitiis at nang hindi naiinis, naghihinanakit, o naghihiganti. May malapit na kaugnayan ito, at kadalasa’y hindi nakabukod, sa iba pang mabubuting katangian gaya ng kapakumbabaan, kababaan ng pag-iisip, at pagiging banayad. (Tingnan ang KAHINAHUNAN; KAPAKUMBABAAN.) Ang salitang Hebreo na isinasalin bilang “maamo” (ʽa·nawʹ) ay nagmula sa salitang-ugat na ʽa·nahʹ, na nangangahulugang “mapighati, maibaba, masiil.”
Sa Bibliya, idiniriin ang kaamuan bilang ang pangkaisipang saloobin ng isa, una sa lahat, may kaugnayan sa Diyos, pagkatapos ay may kaugnayan sa kaniyang mga kapuwa nilalang. Halimbawa, nasusulat: “Patitindihin nga ng maaamo ang kanilang pagsasaya kay Jehova.” (Isa 29:19) Madaling turuan ang mga taong maaamo—“ituturo [ni Jehova] sa maaamo ang kaniyang daan” (Aw 25:9)—at handa silang batahin ang disiplina mula sa kamay ng Diyos, bagaman ito’y pansamantalang nakapipighati. (Heb 12:4-11) Dahil sa kaamuan, nakapaghihintay ang mga tao kay Jehova na ituwid ang mga mali at mga pinsalang dinaranas nila nang di-makatarungan, sa halip na mag-init sa galit. (Aw 37:8-11) Hindi mabibigo ang gayong mga tao, sapagkat ang inatasan ni Jehova, ang “maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse,” ay sasaway ayon sa katuwiran “alang-alang sa maaamo sa lupa.”—Isa 11:1-4.
Si Moises. Gayong uri ng tao si Moises, na “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa,” anupat kaya niyang tumanggap ng mga kritisismo nang hindi naghihinanakit. (Bil 12:3) Binanggit ang pananalitang ito tungkol sa kaniyang kaamuan noong magbulung-bulungan sina Miriam at Aaron laban kay Moises. Ang totoo, iyon ay di-makatuwirang reklamo laban kay Jehova na agad naman Niyang binigyang-pansin at itinuwid.—Bil 12:1-15.
Dahil si Moises ang nag-ulat ng tungkol sa sarili niyang kaamuan, pinararatangan siya ng ilang komentarista ng di-kinakailangang pagpuri sa kaniyang sarili. Iginigiit naman ng ibang mga kritiko na iba ang nagdagdag ng pananalitang ito nang bandang huli; samantala, sinasabi ng iba pa na isa itong katibayan na hindi talaga si Moises ang sumulat ng Pentateuch. Ngunit may kinalaman sa mga salitang ito, ang Commentary ni Cook ay nagsasabi: “Kung ipapalagay natin na binigkas ni Moises ang mga ito nang hindi ‘proprio motu [sa sarili niyang pagkukusa],’ kundi sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu na sumasakaniya (ihambing ang xi. 17), makikita sa mga ito ang ‘pagiging makatotohanan,’ na isang katibayan ng pagiging tunay at gayundin ng pagiging kinasihan ng mga ito. Nakapaloob sa mga salitang ito, at maging sa mga talata kung saan gayundin ang pagkatahasan ni Moises sa pag-uulat ng sarili niyang mga pagkakamali (ihambing ang xx. 12 patuloy; Exo. iv. 24 patuloy; Deu. i. 37), ang kasimplihan ng isa na nagpapatotoo tungkol sa kaniyang sarili, ngunit hindi para sa kaniyang sarili (ihambing ang San Mat. xi. 28, 29). Isiningit ang mga salitang ito upang ipaliwanag kung bakit hindi kumilos si Moises upang ipagbangong-puri ang kaniyang sarili, at kung bakit agad na namagitan ang Panginoon.”
Si Jesu-Kristo. Nagpakita si Jesus ng kaamuan nang batahin niya ang lahat ng uri ng personal na pananakit nang wala man lamang reklamo, anupat pinahintulutan pa nga niyang dalhin siya sa patayan gaya ng isang kordero nang hindi ibinubuka ang kaniyang bibig upang tumutol. (Fil 2:5-8; Heb 12:2; Gaw 8:32-35; Isa 53:7) Ang Isang ito na lalong dakila kaysa kay Moises ay nagrekomenda rin ng kaniyang sarili sa iba bilang isang taong maamo o mahinahong-loob. (Mat 11:28, 29, AS, KJ, ED, NW, Ro) Gaya ng inihula sa Isaias 61:1, pinahiran siya ng espiritu ni Jehova “upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo.” Pagkabasa ng hulang ito sa sinagoga ng kaniyang sariling bayan ng Nazaret, ipinahayag ni Jesus: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” (Luc 4:16-21) Sa pagsusugo nang gayon sa kaniyang minamahal na Anak upang turuan ang maaamo tungkol sa kaligtasan, tunay ngang pinagpapakitaan sila ng Diyos ng lubhang pantanging lingap.—Aw 149:4; Kaw 3:34.
Nagdudulot ng mga Pakinabang. Ipinaaabot pa rin sa mga taong maaamo sa lupa ang paanyayang ipinahayag ng propetang si Zefanias: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan [kapakumbabaan]. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zef 2:3, tlb sa Rbi8) Higit pa riyan, may iba pang kamangha-manghang mga pangako na iniaalok sa maaamo. Halimbawa: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Aw 37:11) Kapuwa sa espirituwal at sa literal na mga diwa, “ang maaamo ay kakain at mabubusog.”—Aw 22:26.
Kaya kabaligtaran ng balakyot na nagliligaw sa maaamo at nagsisikap na lipulin sila (Am 2:7; 8:4), si Jehova ay nakikinig sa kanilang taos-pusong mga pagnanasa sa pamamagitan ng pagsagot sa kanilang mga panalangin; hindi nabibigo ang pag-asa nila kay Jehova. (Aw 10:17; 9:18) Totoo ang kawikaan, “Mas mabuti ang magkaroon ng mapagpakumbabang espiritu kasama ng maaamo kaysa makihati sa samsam kasama ng mga palalo.”—Kaw 16:19.