Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/15 p. 8-10
  • “Hanapin Ninyo si Jehova, Ninyong Lahat na Maaamo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Hanapin Ninyo si Jehova, Ninyong Lahat na Maaamo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Kailangang Hanapin ang Kaamuan?
  • Ang mga ‘Humahanap ng Kaamuan’ Ngayon
  • Tumugon Ka Nang May Kaamuan
  • Maging Maamo at Pasayahin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Manatili sa Pagsang-ayon ng Diyos sa Kabila ng mga Pagbabago
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Hanapin si Jehova Bago ang Araw ng Kaniyang Galit
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
  • Kaamuan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/15 p. 8-10

“Hanapin Ninyo si Jehova, Ninyong Lahat na Maaamo”

“HANAPIN ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—Zefanias 2:3.

Ang mga salitang iyon ay ipinahatid ni propeta Zefanias sa “maaamo sa lupa,” at sila’y hinimok niya na ‘hanapin ang kaamuan’ upang makanlong sa “araw ng galit ni Jehova.” Tinitiyak nito na ang kaamuan ay isang kahilingan para sa kaligtasan. Subalit bakit?

Bakit Kailangang Hanapin ang Kaamuan?

Ang kaamuan ay katangian na pagiging mahinahon, hindi hambog o palalo. Ito’y may malapit na kaugnayan sa iba pang mga katangian, tulad ng kababaangloob at kahinahunan. Kung gayon, ang mga taong maaamo ay matuturuan at handang tumanggap ng disiplina buhat sa kamay ng Diyos, bagaman iyon ay waring nakapagpapalungkot sa ngayon.​—Awit 25:9; Hebreo 12:4-11.

Sa ganang sarili ang kaamuan ay walang gaanong kinalaman sa edukasyon o kalagayan sa buhay ng isang tao. Subalit, yaong mga may mataas na pinag-aralan o matagumpay sa makasanlibutang paraan ay baka mag-akala na sila’y kuwalipikado nang magpasiya para sa kanilang sarili sa lahat ng bagay, maging sa pagsamba. Ito’y maaaring makahadlang sa kanila sa pagsang-ayon na sila’y turuan ng iba o sa pagtanggap ng payo at paggawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kanilang buhay. May mayayaman na maaaring mahulog sa maling kaisipan na ang kanilang katiwasayan ay nakasalalay sa kanilang materyal na mga ari-arian. Sa gayon, kanilang inaakala na hindi na nila kailangan ang espirituwal na mga kayamanan buhat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.​—Mateo 4:4; 5:3; 1 Timoteo 6:17.

Isaalang-alang ang mga eskriba, Fariseo, at ang mga pangulong saserdote noong kaarawan ni Jesus. Minsan nang ang mga opisyal na kanilang sinugo upang dakpin si Jesus ay bumalik na hindi siya kasama, sinabi ng mga Fariseo: “Kayo man ba ay nangailigaw rin? Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno o ang sinoman sa mga Fariseo? Datapuwat ang karamihang ito na hindi nakakaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.” (Juan 7:45-49) Sa ibang pananalita, para sa kanila, tanging ang mangmang at walang pinag-aralan ang parang bata na maniniwala kay Jesus.

Gayunman, ang ilang Fariseo ay naakit sa katotohanan, at ipinagtanggol pa nila si Jesus at ang mga Kristiyano. Kabilang sa mga ito sina Nicodemo at Gamaliel. (Juan 7:50-52; Gawa 5:34-40) Pagkamatay ni Jesus, “isang lubhang karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Tiyak na ang pinakalitaw na halimbawa ay si apostol Pablo. Siya’y nag-aral sa paanan ni Gamaliel at naging isang lubhang matagumpay at iginagalang na tagapagtaguyod ng Judaismo. Subalit, nang sumapit ang panahon ay may pagpapakumbabang tumugon siya sa panawagan ni Kristo Jesus at naging isang masigasig na tagasunod niya.​—Gawa 22:3; 26:4, 5; Galacia 1:14-24; 1 Timoteo 1:12-16.

Lahat ng ito ay nagpapakita na gaano man ang pinag-aralan ng isang tao o ano man ang saloobin niya ngayon tungkol sa mensahe buhat sa Bibliya, kumakapit pa rin ang mga salita ni Zefanias. Kung nais ng isa na sang-ayunan siya ng Diyos at akayin ng kaniyang Salita, lubhang kailangan ang kaamuan.

Ang mga ‘Humahanap ng Kaamuan’ Ngayon

Angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng mahigit na apat na milyong pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo sa mga tahanan ng gayong mga tao. Ang mga ito ay buhat sa marami at sari-saring karanasan sa buhay at may iba-ibang kalagayan sa pamumuhay at lipunan. Gayunman, silang lahat ay may sapat na kababaangloob upang tanggapin ang mensahe ng Bibliya na dinala sa kanila sa kanilang sariling tahanan o sa iba mang dako. Marami sa kanila ang may mainam na pagsulong sapagkat sila’y nagsusumikap na madaig ang mga sagabal na nakaharap sa kanila. Oo, sila’y kabilang sa “maaamo sa lupa” ngayon.

Halimbawa, nariyan si Maria sa Mexico. Siya’y nag-aral ng abogasya sa unibersidad at nakaririwasa dahil sa kaniyang minana. Dahil dito, siya’y nakapagpaunlad ng napakaliberal na mga idea na bumago sa kaniya, at gaya ng pagkasabi niya, tungo sa pagiging isang taong “mapaghimagsik, magaspang, dominante, at walang kinikilalang diyos.” “Sa aking paniwala lahat ay maaaring malutas sa pamamagitan ng salapi at ang Diyos ay hindi mahalaga. Sa aktuwal, naisip ko pa nga na hindi siya umiiral,” nagunita pa ni Maria. “Para sa akin ang relihiyon ay isang bagay na katawa-tawa at isa lamang kahilingan ng lipunan,” ang sabi pa niya.

Nang malaunan, napansin ni Maria ang mga pagbabago sa kaniyang pinsan matapos na ito’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova. “Siya noon ay kilabot, ngunit ngayon siya ay isang taong mapayapa at makatuwiran,” ang paliwanag ni Maria. “Sinabi ng mga kamag-anak na siya raw ay isang predikador at nagbabasa ng Bibliya, kaya hindi na siya umiinom o mahilig pa sa babae ngayon. Kaya ibig kong siya’y pumarito at basahin sa akin ang Bibliya sapagkat inaakala ko na sa ganitong paraan makasusumpong ako ng kapayapaan at katahimikan na lubhang kailangan ko.” Bunga nito si Maria ay pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa isang mag-asawang Saksi.

Maraming bagay ang kinailangan niyang pagtagumpayan, at naging napakahirap din para sa kaniya na tanggapin ang simulain ng Bibliya ng pagkaulo upang pasakop sa kaniyang asawa. Subalit gumawa siya ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay at saloobin. Inamin niya: “Sa palagay ko mula nang ang mga kapatid ay pumunta sa aming tahanan taglay nila ang tulong buhat kay Jehova, nagkaroon na ng kaligayahan, katahimikan, at pagpapala ng Diyos sa aking tahanan.” Sa ngayon, si Maria ay isang nag-alay, bautisadong Saksi ni Jehova.

Sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba, may isa pang larangan na doon ang kaamuan, o ang kawalan nito, ay gumaganap ng mahalagang bahagi. Kadalasan, ang asawang babae sa isang pamilya ay tumatanggap sa katotohanan at nagnanais na maglingkod sa Diyos, subalit ang asawang lalaki ay nag-aatubili. Marahil mahirap para sa ilang asawang lalaki na tanggapin ang idea na mayroon pang isa​—ang Diyos na Jehova​—na sa Kaniya’y kailangang pasakop ang kaniyang asawang babae. (1 Corinto 11:3) Isang babae sa Chihuahua, Mexico, ang humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya, at dumating ang panahon na siya at ang kaniyang pitong anak ay napasakatotohanan. Sa simula ay salansang ang kaniyang asawa. Bakit? Dahilan sa hindi niya gustong nangangaral sa bahay-bahay ang kaniyang pamilya, nag-aalok ng mga babasahin sa Bibliya. Marahil inaakala niya na ito ay alangan sa kaniya. Subalit, nanindigan ang kaniyang pamilya sa kanilang pasiya na maglingkod sa Diyos. Dumating ang panahon na nakita ng asawang lalaki ang kahalagahan ng pagtanggap sa kaayusan ng Diyos. Subalit 15 taon pa ang lumipas bago siya nag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova.

Sa buong Mexico, marami pang nabubukod na pamayanan na kung saan ang lokal na mga naninirahan ay mayroon ng kanilang katutubong mga wika at kaugalian ng mga Indian. Ang pabalita ng Bibliya ay nakararating sa mga taong ito at tumutulong sa kanila na pasulungin ang antas ng kanilang kultura, samantalang ang ilan ay natututong bumasa at sumulat habang sila’y natututo ng katotohanan. Gayunman, ang bagay na ang mga tao’y walang gaanong pinag-aralan o may kakaunting materyal na ari-arian ay hindi nangangahulugan na sila’y mas madaling tatanggap. Ang pagmamalaki ng lahi at matibay na kapit sa mga tradisyong kinamulatan sa mga ninuno ang kung minsan nakahahadlang sa ilan upang tumanggap sa katotohanan. Ito rin ang dahilan kung bakit sa ilang nayon ng mga Indian, yaong mga tumatanggap sa katotohanan ay tinatakot ng ibang kanayon nila. Kaya ang kaamuan ay may maraming anyo.

Tumugon Ka Nang May Kaamuan

Kumusta ka naman? Ikaw ba ay tumutugon sa katotohanan ng Salita ng Diyos? O mahirap ba para sa iyo na tanggapin ang ilang katotohanan sa Bibliya? Marahil nais mong suriin ang iyong sarili upang makita kung ano ang humahadlang sa iyo. Ikaw ba ay nababahala dahilan sa ang karamihan ng mga tao na naaakit sa katotohanan ay galing sa maralitang pamumuhay? Maaari kayang kasangkot sa iyong kaisipan ang pagmamataas? Makabubuting pag-isipan ang mga salita ni apostol Pablo: “Pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang marurunong na tao; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; at ang mga bagay na mabababa ng sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na walang halaga ang pinili ng Diyos, upang kaniyang mapawalang-halaga ang mga bagay na mahalaga, upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Diyos.”​—1 Corinto 1:27-29.

Tatanggihan mo ba ang isang kayamanan nang dahil lamang sa natagpuan mo iyon sa isang hamak na sisidlang-lupa? Tunay na hindi! Datapuwat, ganiyan minabuti ng Diyos na iharap sa atin ang kaniyang nagliligtas-buhay na Salita ng katotohanan, gaya ng ipinaliliwanag ni apostol Pablo: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay maging mula sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.” (2 Corinto 4:7) Ang kaamuan at kababaangloob ay tutulong sa atin na makita ang tunay na halaga ng kayamanan at hindi lamang ang “mga sisidlang-lupa,” o mga ahensiya ng tao, na nagdadala nito sa atin. Sa paggawa ng gayon, palalawakin din natin ang posibilidad na tayo’y ‘makubli sa araw ng galit ni Jehova’ at makabilang sa maaamo na ‘magmamana ng lupa.’​—Zefanias 2:3; Mateo 5:5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share