MIRA, I
[sa Ingles, myrrh].
Isang aromatikong gum resin. (Sol 1:13; 4:6, 14; 5:1, 13) Hindi matiyak kung ano ang eksaktong pinagkukunan nito noong sinaunang panahon. Ngunit karaniwan na, ang mira ay resinang nakukuha sa iba’t ibang matitinik na palumpong o maliliit na punungkahoy na kabilang sa genus na Commiphora, gaya ng Commiphora myrrha o Commiphora abyssinica. Ang mga palumpong na ito ay nabubuhay sa mababatong lugar, partikular na sa mga burol na batong-apog. Matapang ang amoy ng kahoy at talob ng mga ito. Bagaman ang resina ay kusang lumalabas sa tangkay o sa makakapal at matitigas na sanga, mapabibilis ang pagtagas nito kung hihiwaan ang talob. Sa simula ay malambot at malagkit ang resina ngunit tumitigas ito pagpatak sa lupa.
Ang mira ay isa sa mga sangkap ng banal na langis na pamahid. (Exo 30:23-25) Itinuring itong mahalaga dahil sa bango nito at ginamit sa mga kasuutan, higaan, at iba pang mga bagay. (Ihambing ang Aw 45:8; Kaw 7:17; Sol 3:6, 7.) Sa Awit ni Solomon, lumilitaw na nagpapahid ng likidong mira sa katawan ang dalagang Shulamita bago siya matulog. (Sol 5:2, 5) Kasama sa espesyal na pangangalaga at pagpapagandang ginawa kay Esther ang mga pagmamasaheng ginagamitan ng langis ng mira. (Es 2:12) Ang mira ay isa rin sa mga substansiyang ginamit sa paghahanda ng bangkay para sa libing. (Ju 19:39, 40) Lumilitaw na itinuring itong mahalaga anupat maaaring iharap bilang kaloob sa isa na ipinanganak na hari ng mga Judio.—Mat 2:1, 2, 11.