Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w15 3/1 p. 13-15
  • Mga Regalong Nararapat sa Hari

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Regalong Nararapat sa Hari
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAGTAWID SA DISYERTO NG ARABIA
  • “ANG PINAKATATAGO-TAGONG LIHIM NG NEGOSYO SA BUONG KASAYSAYAN”
  • Mga Lasa na Nakaimpluwensiya sa Daigdig
    Gumising!—1993
  • Espesya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Paggamit ng Kosmetik Noong Panahon ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ungguento at mga Pabango
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
w15 3/1 p. 13-15
Iba’t ibang mabangong espesya

Mga Regalong Nararapat sa Hari

Binuksan ng “mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi . . . ang kanilang mga kayamanan at inihandog sa kaniya ang mga kaloob, ginto at olibano at mira.”—Mateo 2:1, 11.

ANO ang pipiliin mong regalo para sa isang napakaimportanteng tao? Noong panahon ng Bibliya, ang ilang espesya ay kasinghalaga ng ginto—napakahalaga anupat kabilang ito sa mga regalong nararapat sa hari.a Kaya mababangong espesya ang dalawa sa mga iniregalo ng mga astrologo sa “hari ng mga Judio.”—Mateo 2:1, 2, 11.

Langis ng balsamo

Langis ng balsamo

Sinasabi rin ng Bibliya na nang dumalaw kay Solomon ang reyna ng Sheba, “binigyan niya ang hari ng isang daan at dalawampung talento na ginto, at ng langis ng balsamo na lubhang pagkarami-rami, at ng mahahalagang bato; at hindi na nagkaroon pa ng gayong langis ng balsamo na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.”b (2 Cronica 9:9) Ang mga hari ay nagpadala rin kay Solomon ng langis ng balsamo bilang pagpapakita ng kabutihang-loob.—2 Cronica 9:23, 24.

Bakit napakahalaga at napakamahal ng gayong mga espesya at ng mga produktong galing dito noong panahon ng Bibliya? Dahil marami itong pinaggagamitan, gaya sa pagpapaganda, pagsamba, at sa paglilibing ng patay. (Tingnan ang kahong “Gamit ng Mababangong Espesya Noong Panahon ng Bibliya.”) Bukod sa mabenta ito, napakamahal nito dahil sa gastos sa transportasyon at pamumuhunan.

PAGTAWID SA DISYERTO NG ARABIA

Kasia

Kasia

Noong panahon ng Bibliya, may mga halamang espesya na tumutubo sa Libis ng Jordan. Pero ang iba ay inaangkat. Binabanggit sa Bibliya ang iba’t ibang produktong espesya. Pamilyar sa mga ito ang safron, aloe, balsamo, kanela (cinnamon), olibano, at mira. Nariyan din ang karaniwang mga pampalasa sa pagkain gaya ng komino, yerbabuena, at eneldo.

Saan galing ang mga eksotikong espesya? Ang aloe, kasia, at kanela ay matatagpuan sa China, India, at Sri Lanka. Galing naman ang mga espesyang gaya ng mira at olibano sa mga puno at palumpong na tumutubo sa mga disyerto mula sa timugang bahagi ng Arabia hanggang sa Somalia sa Aprika. At ang nardo ay nakukuha sa kabundukan ng Himalaya. India lang ang may produkto nito.

Safron

Safron

Para makarating sa Israel, maraming espesya ang kailangang itawid ng Arabia. Kaya noong ikalawa at unang siglo B.C.E., ang Arabia ang naging “kaisa-isang tagapaghatid ng mga paninda sa pagitan ng Silangan at Kanluran,” ang sabi ng The Book of Spices. Ang sinaunang mga bayan, tanggulan, at hintuan ng mga caravan na nasa Negev sa timugang Israel ang naging ruta ng mga negosyante ng espesya. Ipinakikita rin ng mga pamayanang ito “ang napakalaking kita sa negosyo . . . mula sa timog ng Arabia hanggang sa Mediteraneo,” ang ulat ng World Heritage Centre ng UNESCO.

“Ang mga espesya ay magandang negosyo dahil madali itong ibiyahe, mahal, at laging mabenta.”—The Book of Spices

Regular na nagbibiyahe ng mga 1,800 kilometro patawid sa Arabia ang mga caravan na punong-puno ng mababangong espesya. (Job 6:19) Binabanggit ng Bibliya ang isang caravan ng mga negosyanteng Ismaelita na may dalang mga espesya na gaya ng “ladano at balsamo at madagtang talob” mula sa Gilead patungo sa Ehipto. (Genesis 37:25) Ipinagbili ng mga anak na lalaki ni Jacob ang kapatid nilang si Jose bilang alipin sa mga negosyanteng iyon.

“ANG PINAKATATAGO-TAGONG LIHIM NG NEGOSYO SA BUONG KASAYSAYAN”

Eneldo

Eneldo

Sa loob ng mga dantaon, kontrolado ng mga negosyanteng Arabe ang karamihan ng kalakalan ng espesya. Sila ang naging tanging tagasuplay ng mga espesyang mula sa Asia, gaya ng kasia at kanela. Para hindi direktang makakuha ang mga taga-Mediteraneo sa pinagkukunan ng espesya sa Silangan, ipinagkalat ng mga Arabe ang mga kuwento tungkol sa mga panganib ng pagkuha nito. Ang tunay na pinagmumulan ng mga espesya ay “marahil ang pinakatatago-tagong lihim ng negosyo sa buong kasaysayan,” ang sabi ng The Book of Spices.

Komino

Komino

Anong mga kuwento ang ipinagkalat ng mga Arabe? Inilarawan ni Herodotus, isang Griegong istoryador noong ikalimang siglo B.C.E., ang kuwento tungkol sa nakatatakot na mga ibong gumagawa ng mga pugad na yari sa balat ng kahoy ng kanela sa gilid ng bangin. Isinulat niya na para makuha ang napakahalagang espesyang ito, ang mga nangongolekta nito ay naglalagay ng malalaking piraso ng karne sa paanan ng bangin. Dadalhin ng mga ibon ang maraming karne sa kanilang mga pugad anupat babagsak ito sa lupa. Pagkatapos, mabilis na kukunin ng mga nangongolekta ang balat ng kanela at ipagbibili ito sa mga negosyante. Kumalat ang gayong mga kuwento. Kaya dahil “mapanganib diumano ang pagkuha nito, napakamahal ng bentahan nito [kanela],” ang sabi ng The Book of Spices.

Yerbabuena

Yerbabuena

Nang maglaon, natuklasan ang lihim ng mga Arabe kaya naiwala nila ang kanilang monopolyo sa mga espesya. Noong unang siglo B.C.E., ang Alejandria, sa Ehipto, ay naging isang malaking daungan at sentro ng kalakalan ng mga espesya. Nang malaman ng mga magdaragat kung paano sasamantalahin ang hanging habagat ng Indian Ocean, naglayag ang mga barko ng Roma mula sa mga daungan ng Ehipto hanggang sa India. Dahil dito, dumami ang mamahaling mga espesya kaya bumaba ang presyo nito.

Sa ngayon, ang mga espesya ay hindi na kasinghalaga ng ginto. At hindi natin iisiping bagay na regalo ito sa hari. Pero milyon-milyong tao sa buong mundo ang gumagamit pa rin ng mga espesya sa mga pabango at gamot at, siyempre pa, bilang pampalasa sa pagkain. Oo, gaya noong nakalipas na libo-libong taon, popular pa rin ngayon ang mga espesya dahil sa kahali-halinang amoy nito.

Isang bungkos ng kanela

Kanela

a Sa Bibliya, ang mga salita sa orihinal na wika na isinaling “espesya” o “mga espesya” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga produkto ng mabangong halaman at hindi sa mga panimpla sa pagkain.

b Ang “langis ng balsamo” ay tumutukoy sa mabangong langis o dagta na nakukuha mula sa mga puno at palumpong.

Gamit ng Mababangong Espesya Noong Panahon ng Bibliya

Langis na pamahid at sagradong insenso. Ibinigay ni Jehova kay Moises ang pormula para sa langis na pamahid at sa sagradong insenso. Pareho itong ginagamitan ng apat na espesya. (Exodo 30:22-25, 34-38) May mga saserdote na mahusay sa paggawa ng langis na pamahid at sa pangangasiwa sa mga suplay nito.—Bilang 4:16; 1 Cronica 9:30.

Pabango at pamahid. Ang mga taong kayang bumili nito ay gumagamit ng mababangong pulbos para bumango ang kanilang bahay, damit, kama, at katawan. (Esther 2:12; Kawikaan 7:17; Awit ni Solomon 3:6, 7; 4:13, 14) Ibinuhos ni Maria na kapatid ni Lazaro ang isang napakamahal na “mabangong langis, tunay na nardo,” sa ulo at mga paa ni Jesus. Ang maliit na sisidlan ng “tunay na nardo” ay nagkakahalaga ng isang-taóng sahod.—Marcos 14:3-5; Juan 12:3-5.

Paghahanda sa bangkay bago ilibing. Nagdala si Nicodemo ng pinaghalong “mira at mga aloe” para maihanda sa libing ang katawan ni Jesus. (Juan 19:39, 40) Ang ilan sa mga alagad ni Jesus ay naghanda ng “mga espesya at mababangong langis” at dinala ang mga ito sa libingan.—Lucas 23:56–24:1.

Panimpla. Malamang na gumamit din ang mga Israelita ng mga espesya o pampalasa para lalong sumarap ang lasa ng isda at karne. Ang ibang espesya ay inihahalo sa alak para mas tumapang ito.—Awit ni Solomon 8:2.

Dalawang Espesya na Iniregalo kay Jesus

Ang olibano at ang mira ay parehong galing sa madagtang gum na nakukuha mula sa paghiwa sa balat ng maliliit na puno o matitinik na palumpong.

Ang puno ng olibano ay tumutubo sa timugang baybayin ng Arabia, at ang palumpong ng mira ay nabubuhay sa halos disyertong bansa ng Somalia at ng Yemen ngayon. Napakahalaga ng mga espesyang ito dahil sa kanilang bango. Pinili mismo ni Jehova ang mga ito para gamitin sa pagsamba sa kaniya—ang mira ay inihahalo sa banal na langis na pamahid, at ang olibano naman, sa banal na insenso. (Exodo 30:23-25, 34-37) Pero ginagamit ang mga ito sa magkaibang paraan.

Ang olibano, na karaniwang ginagamit bilang insenso, ay kailangang sunugin para lumabas ang bango nito. Ang dagta naman na nakukuha sa mira ay puwede nang gamitin agad. Ang mira ay tatlong beses na binanggit sa mga ulat tungkol kay Jesus: bilang regalo noong sanggol pa siya (Mateo 2:11), bilang gamot na inihalo sa alak para mapawi ang kaniyang kirot habang nakabitin sa tulos (Marcos 15:23), at bilang isa sa mga espesyang ginamit sa paghahanda sa kaniyang katawan bago ilibing (Juan 19:39).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share