NEAPOLIS
[Bagong Lunsod].
Isang lunsod ng Gresya sa hilagang dulo ng Dagat Aegeano na nagsilbing daungang-dagat ng Filipos. Ipinapalagay na ito ang makabagong Kavalla. Ang lunsod na ito ay nasa isang mabatong lungos sa bukana ng Gulpo ng Kavalla. Ang daungan nito ay nasa kanlurang panig, at ang Kavalla mismo ay mga 15 km (9.5 mi) sa TS ng mga guho ng Filipos. Ipinahihiwatig ng mga inskripsiyong Latin na ang lunsod na ito ay dumedepende sa Filipos noong mga panahong Romano, at waring mga Romano ang gumawa ng ilang bahagi ng isang paagusan doon. Ang Daang Egnatia, na ginawa ng mga Romano, ang nagdugtong sa Neapolis at sa Filipos at bumagtas ito nang pakanluran hanggang sa Durazzo (Durrës) sa Dagat Adriatico.
Ang Neapolis ang unang lugar sa Europa na pinuntahan ng apostol na si Pablo bilang tugon sa panawagan na “tumawid ka sa Macedonia.” Mula roon ay pumunta siya sa Filipos, anupat posibleng inabot siya ng tatlo o apat na oras sa pagtawid sa kabundukang nasa pagitan ng dalawang lunsod na ito. (Gaw 16:9-11) Pagkaraan ng mga anim na taon, walang alinlangan na muling dumaan si Pablo sa Neapolis.—Gaw 20:6.